Nagpaparaya ang bawat isa.
Umaagos sa tabla ang tila naghahabulang tubig
Mula sa tuktok ng isang simbolong pinupuri ng relihiyoso
Habang nanabik na magisnan hindi lamang ang pagtulo,
Pati ang pagpapasukob ng tubig sa malalaking tipak ng bato.
Hindi maihugis ang mga batong iyon,
Sa pagkakataong masilayan mo,
Dito mo makikita ang nagkakaisang tanawin, malaki man o maliit.
Sumasayaw lamang sa ritmo ng hangin ang mga berde,
Nagpapasailalim sa makapangyarihang tinig ng hangin ang lahat
Habang ang lunduyan ng magkakabigkis na ugat ay siya ring isang agusan.
Mauuri mo ang lahat ng bagay sa buhay at hindi buhay.
Marahil ito’y nadasalan na rin ng pamayanang nanalig sa Sepulkrong Katoliko.
Ilang usal ng dasal kaya ang nagpabanal sa kipot na ito?
Ilang dasal na kaya ang sumaliw sa musikang likha ng tubig, hindi ng apito?
Ilang bulong, ilang hiling at ilang beses na kayang napuri,
Ang kagandahang pinagkukubli ng relihiyon at sining?
Sa muling pagtanaw mo sa bahaging ito,
Ilang beses nang nadama ang lungkot, ligaya, kapayapaan at ginhawa?
Mapait man ang buhay na ibinibigay sa iyo,
Umaasa kang sa pagdasal mo sa babaeng nasa tuktok
At sa paglubog ng piso mo’y,
Lulutang ang solusyon sa suliraning kinakaharap na itinurin mong itinira sa iyo.
Nagbabakasaling sasagutin ang panalanagin,
Kasabay ng umaagos na tubig,
Gamit ang elemento ng daigdig,
Sa liriko at tunog mula sa luntiang natatangi
Na sinaliwan pa ng bulong ng hangin;
Nabubuhay ka sandali,
Umuusbong at ipinapaalala ang pangarap na nais mong abutin.
Sa grotong walang may alam ng tunay nitong hangarin.
No comments:
Post a Comment