Sa nakalipas na mga araw, nasaksihan natin kung paano ang naging takbo ng negosasyon sa pagitan ng mga kaanak ng mga pasehero ng lumubog na MV Princess of the Stars at ng Sulpicio Lines. Higit kumulang 800 ang pasehero ng nasabing passenger ship.
Ang mas nagpalala pa sa sitwasyon ay ang hindi paghahayag ng Sulpicio na mayroon palang kargang kemikal ang barko na napag-alamang "endosulfan", isang pesticide na ginagamit sa pinya, at hindi nararapat magkaroon ng interkasyon sa iba pang may buhay. Ang itinuturong sangkot dito ay ang kompanyang Del Monte. Sa gitna ng diskusyon, nagbatuhan lamang ng mga maanghang na komento ang magkabilang panig. Nagpalinisan muna ng pangalan, sa halip na unahin ang mga nangangambang pamilya. Mula sa punto pa lamang ng hindi pagbibigay-alam, pananahimik at paghaya na sa iba pa manggaling ang kontrobersiyang ito, nanatili ang katotohanang ito ay sagutin pa rin ng Sulpicio Lines bilang isang shipment company. Hindi man ideklera ng tama ang mga karga ng isang kompanya, tungkulin ng shipping line na ito na repasuhin ang mga dokumento at ang mismong kargamento upang masuri nang lubos ang kalidad ng mga cargo vessel. Sa kabila ng lahat, may sinusunod na alituntunin ang lahat ng barko sa Pilipinas, ang guidelines for shipment ang magsisilbing magna carta ng mga transportasyong panlayag upang masiguro ang kaligtasan ng isang passenger ship at upang hindi makumpromiso ang buhay ng napakaraming tao dahil lamang sa kapabayaan.
Nito lamang, napag-alamang hindi lang endosulfan ang kemikal na nakapaloob sa barko, bagaman mas matindi pa rin ang naunang nakita kaysa sa bagong pektus na ito, hindi ito dahilan upang mapalusot sa pananagutan ang Sulpicio. Ang ibinunga? -- naantala pang lalo ang mabagal na rescue and retrieval operation, na sa ngayon ay mas malamang na retrieval operation na lamang. Pinaahon pansamantala ang mga divers ng sandatahan at ng ilang volunteers at dinala sa ilalim ng kustodiya ng NBI upang siguruhin ang kalagayan nila sa posibleng pagkalason. Hindi pa rin konkreto sa ngayon kung bubutasin nga ba ang barko upang makita ang iba pang nakulong na katawan. Bloated o hindi na makilala ang mga katawang nagsilutangan sa nakalipas na magdamag at ang tanging pinaka-epektibong nakikita ng mga espesyalista ay DNA sampling.
Ang mga naghihintay na pamilya ng mga biktima ay pinangakuaan ng P200,000.00 na ayuda, at sa ngayon, mayroon nang inilatag na hakbang ang Sulpico kung paano makukubra ng mga pamilya ang nasabing financial support. Subalit, kaakibat nito ay ang paglagda sa isang waiver, na nagsasabing puputulin na ng Sulpicio Lines ang anumang ugnayan nito sa pamilya at hindi na umano babalikan ng pamilya ang Sulpicio sa anumang pamamaraan. Oo, walang may kagustahan na mangyari ang isang trahedya sa dagat na kinasasangkutan ng daang pasehero, ngunit ito ay harap-harapan ng pang-aalipusta sa dangal ng mga biktima. Sa puntong ito, ipinakikita lamang na tinatapatan lamang ng salapi ang binawiang buhay. Para sa iba, tuloy pa rin ang laban.
Hindi pa natatapos diyan ang isang hindi kanais-nais na sistema, ang pinakasimpleng pakikiharap ng mga tauhan ng Sulpicio -- mas matapang pa ang mga gwardiya sa mga pulis, tinataboy ang mga kaanak ng biktima na halos ginagawang araw ang gabi kahihintay sa anumang impormasyon mula sa Sulpicio. Umaasang sana'y buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay. Ngunit, kasabay ng pagtagal ng proseso ng paghahanap, unti-unti na ring nawawalan ng pag-asa ang marami, umiiksi ang pisi at napupundi na sa pamamalakad ng Sulpicio. Pati ang mga miyembro ng news media ay hindi pinapapayagang pumasok sa loob ng tanggapan upang makasagap ng balita.
Sa mga panahong ito, MAS nangangailangan ng pag-intindi ang mga namatayan. Walang maayos na kumakatawan sa Sulpicio Lines upang kausapin ang mga tao. Sa panahon ng kagipitan, iba 'yung may kumakausap sa'yo, iba 'yung may humaharap. Sa nakalulungkot na pangyayaring ito, walang ibang mapaghuhugutan ng lakas ng loob ang mga kaanak ng pasehero kundi sa matibay na paninindigan. Sa pagnanais nilang makita ang kanilang pamilya, sila na mismo ay handa nang maghanap, ang tanging hiling nila ay maihatid sila ng ligtas sa pinangyarihan ng paglubog ng barko.
Bakit ba hindi mapasara ang Sulpicio? Ito na ang ikaapat na trahedyang kinasangkutan ng Suplico Lines kabilang na ang kalunos lunos na Dona Paz at dalawa pang iba. Sa programang Harapan, binigyang pansin ang lahat ng anggulo sa isyung ito, at sa napakaraming tanong, kaunti lamang ang sagot na natagpuan. Binigyang patotoo ng isang kaanak, ang kawalan ng kaayusan at pakikiharap ng Sulpicio sa mga pamilya ng mga pasehero. Bala sa halip na diplomasya ang ipinoporma ng mga gwardiya sa mga ito. Muli, mas kagyat ang pang-unawa para sa mga pamilya ngayon higit kanino man. Ang sistemang ito, hibang nga ba o lunod?
Sa ngayon, hindi pa man natatapos ang krisis sa transportasyong pandagat, ay panibagong grupo ng mga tao na naman ang nagiging biktima -- biktima ng kapabayaan at kawalang pantaong katarungan, at ito ay walang iba kundi ang mga pamilya ng mga tunay na biktima ng paglubog ng Princess of the Stars.
Kasabay ng paglubog ng barko ay ang pagkawasak ng napakaraming buhay at pagguho ng milyong pangarap ng karaniwang mamamayan.
--------------------------------
*Nitong Linggo, pansamantalang napalitan ng ngiti ang hinagpis ng mga kaanak sa pagsubaybay sa TV broadcast ng laban ni Pacquiao kay Diaz. At, dahil nanalo, natutuwa sila sapagkat matutulungan sila ng nangakong si Pacman (First Asian boxer to reap 4 titles). Kahit dito lang, pansamantalang naibsan ang hinanakit nila.
(Imahe mula sa Google)
4 comments:
HAYUP TALAGA ANG SULPICIO NA YAN!!!
DAPAT YAN MAPSARA!
WALANG PUSO!! ISANG KAMAG-ANAK KO ANG NAPASAMA JAN!! HAYOP!!!
BALA TALAGA SA HALIP NA DIPLOMASIYA!
HIBANG O LUNOD?? PAREHO!!!
PUTA! MAMATAY NA SANA ANG PAMUNUAN NG SULPICIO!!! HINDI NAMIN KAILANGAN NG PERA NIYO! LAMUNIN NIYO NA ANG 200,000 NIYO!!
Yfur, sori ah.. i just have to say my comment. and that's my comment. Xensa na.
nice blog links ex?>
Thanks techno dome!:)
Condolence railey...
Post a Comment