Friday, October 23, 2009

Himig ng Musika

Ang tunog ng musika ay relatibo sa tagapakinig nito. Malungkot sa'yo, masaya para sa 'kin. Walang dating sa yaong pandinig. Kiliti para sa iba.
Boring sa'yo, isang
musika para sa 'kin.

Ang magiging tunog ng awit ay nagbabago relatibo sa aawit nito. Sa kahit anong paraan niya nais ipahatid ang mensahe ng awit, mananatiling gising sa kanyang diwa ang
orihinal na mensahe ng liriko.

Mensahe. Simbolo. Pahiwatig.

Ang bawat awit ay isang
buhay na kalatas.
Himig na hinugot mula sa emosyon,
senyales mula sa umudyok
habilin para sa patutunguhan
at punyal na tatagos.
Tatagos.
At patuloy na
mabubuhay...

Sa pagtatambal ng tiklada't areglo sa nginig ng boses,
iniuukol mo ang isang likas na penomenon ng tao --
sapagkat pinag-iibayo mong iangkop ang boses mo
ayon sa hinihinging
damdamin, tono at ritmo ng musika.
Maisakatuparan mo man o hindi.

Malungkot. Masaya. Madaloy.
Mabilis. Mabagal. Mapwersa.
Mababa. Mataas. Bago. Luma.
Gasgas. Palasak. MUSIKA.

Saan nanggagaling ang emosyong inilalabas mo
sa pamamagitan ng tinig? SAAN?
Anong pinanggagalingan ng kagustuhan mong awitin
ang isang kanta, anupaman ang tipo nito?
Paano mo nagagawang maging malungkot ang iyong tinig?
Paano mo nagagawang maging buhay ang iyong tinig?

Bakit ka rumurupok sa alaalang bitbit ng lirikong nilapatan ng himig?
Sadya bang may lumulungkot
sa isang masayang awitin?
O kaya naman, sumasaya sa isang malungkot na tugtugin?

Paano mo iniuugnay ang emosyon sa tuwing naririnig mo ang isang kanta?
Dahil sa kadulu-duluhan, sa
karanasan, sa ilang yugto --
iba-iba ang
pagpapahalaga,
iba-ibang
pagturin,
iba-ibang
paghamak.

Ngayon alam ko na kung bakit,
ang himig ng ating musika ay maaring nagkakapareho't nagkakaiba.


No comments: