Tuesday, February 15, 2011

Pahayagan

This was published at TINIG: Tinig ng Bagong Salinlahi (February 14, 2011), the full text of which may also be retrieved from: http://www.tinig.com/2011/02/14/pahayagan/


Ayon kay Dr. Edberto Villegas, eksperto sa ekonomiyang pulitikal at pananaliksik, bagaman iba’t iba ang batayan o pagtingin natin sa estetika, tukoy ng bawat lipunan kung ano ang katanggap-tanggap sa bawat isa. Ang lohikang ito ang mismong babagtas sa konsepto ng moralidad sa usapin ng pamamahayag sa kabuuan. Bagaman kinikilala ang iba’t ibang anggulo sa pagsasaalang-alang ng tama at mali, tukoy ng lipunang Pilipino kung ano ang mga konsepto o ideyang morally apprehensible sa hindi.

Makikita ang matalas na pagkakaiba ng broadsheet at tabloid sa usapin ng pagpili ng istorya. Sapagkat mas maliit ang espasyo sa tabloid, mas maliit rin ang inaasahang pagkonteksto sa mga balita. May puntong naisasantabi na ang mga pambansang isyu. Sa kaunting espasyong ito, nagkakasya ang maraming sambahayan para sa balita at impormasyon. Nagiging matibay na dahilan ang mababang presyo ng tabloid relatibo sa broadsheet upang hindi maging abot-kamay ng sambahayan ang sapat na impormasyong kinakailangan upang magampanan nito ang pananagutan bilang mamamayang mapangmatyag at kritiko — isang esensyal na elemento sa isang “ipinapalagay” na demokratikong lipunan. Mahalaga ang gampanin ng responsableng pamamahayag upang patuloy na matustusan ang kakulangang ito.
Sa kabilang banda, ang ganitong senaryo ay maiuugat natin sa labanan sa hanay ng pahayagang tabloid sa Pilipinas. Maaaring ang dami at mahigpit na kompetisyon sa grupong ito ang nagtutulak upang maging sensationalized ang pagturing sa balita (news treatment) maging sa pagpili ng mga salita. Ito ay nagmimistulang laro ng salita upang kilitiin ang emosyon ng publikong mambabasa. Muli, tukoy natin ang mga salitang alam nati’y hindi angkop na ilahad sa mambabasa, kasabay nito ay nararapat ding tukoy ng mga mamamahayag ang mga bagay na aayon at tataliwas sa “Etika ng Pamamahayag.” Layunin nitong isaayos ang paraan ng pagbabalita ng mga mamamahayag mula sa teknikal hanggang sa pagkonsidera sa human conscience o konsensya sa iba’t ibang daluyan.
Mahalaga ang papel ng mga independent institutions na nagbabandila ng interes ng mamamayan para sa makabuluhang impormasyon (Philippine Center for Investigative Journalism, NUJP, Center for Media Freedom and Responsibility, KBP), gayundin ang mga natatanging daluyan ng alternatibong pamamahayag tulad ng Bulatlat at IBON Foundation upang sambutin ang kakulangan ng tabloid journalism sa bansa. Kung hindi magbabago ang news treatment hindi lamang sa pahayagang tabloid kundi maging sa lahat ng uri ng midya, bulnerable pa rin ang bawat Pilipino sa kulturang dekadente sa dapat sana’y lipunang di-bansot sa impormasyon o information-rich society.
Image: Idea go / FreeDigitalPhotos.net

No comments: