Lumipas na namang muli nang napakabilis ang isang buong taon para kay Aling Nena, ang napauwing OFW kamakailan lang.
Lumipas ang isang taon at nanatiling bukas ang mga mata niya sa katotohanan ng buhay. Bagaman hindi maikukubli ang pagod sa pagkapa ng kahit kaunting liwanag sa napakalawak na kadiliman, pinilit niyang mamuhay, magpapanibagong-buhay at mamuhay muli.
Sinasabing ang buhay ay parang isang gulong. Marahil, naikot na ni Aling Nena ang kabuuan nito. Naranasan na ang kaginhawaan at kagipitan, kapayapaan at lumbay, tamis ng tagumpay at pait ng pagkakadapa. Kung hanggang saan pipiliin niyang suungin ang pagbabago — hindi na rin niya alam at walang nakakaalam.
Inakala niyang agarang makakaahon sa mga pagkakataong nakalubog. Ngunit hindi inaasahan ang posibilidad ng paglubog sa mga pagkakataong nasa tuktok.
Iniisip niya kung lason bang matatawag ang pag-asa sa buhay na pinili niya sa ibang bansa. Direksyong hindi niya aakalaing babaluktot pabalik sa kung saan siya iniluwal ng kahapon.
At ngayong napauwi, hindi man lang niya naranasan ang rangya ng pinagpaguran. Manggagawa sa ibang bansa. Tagapag-alaga ng anak na hindi kanya. At marami pang sakripisyong ayaw na lang niyang isipin. Pagod doon. Pagod pa rin hanggang pagbalik.
Pakunswelo na lang niya — napagtapos niya ang dalawang anak sa kolehiyo. Isa na lang ang hindi pa. Hindi man materyal ang napundar, higit na dakila ang bagay na kailanma’y hindi mananakaw.
At ngayon, hindi niya alam kung paano niya bubuklatin ang panibagong yugto ng buhay. Paano magsisimula, saan nais tumungo at saan lilimos ng pag-asa sa pagbalik sa bayan niya.
Sa panahong kasalukuyan, katulad ni Aling Nena ang napakarami sa atin.
Bulnerable. Walang Kasiguruhan. Nawalan na ng pag-asa. Pagod.
No comments:
Post a Comment