May kanin pa sa noo ang batang paslit. Halata ang pagkasabik sa isang tasa ng kaning ipinukol sa styro mula sa isang kainan sa Robinson's Place. Iniaabot ng estudyanteng middle class. Kasama ang kanyang ina, naging himpilan ng paslit ang lugar, ilang bloke mula sa Kataas-taasang Hukuman, ang istrukturang nagsasabing sila ang batis ng walang pagkiling. Nakapiring.
Walang pinag-iba ang kulay ng uling sa kulay ng balat ng paslit. Huminto akong saglit. Lumapit siya at kinopo ang pagkakataon upang iabot sa akin ang nakabukang palad. Isang simbolong bininyagan ng kahulugan ng pagsusumamo. Nakaabang.
Sa parehong kahabaan, nakatirik ang isang upuan at isa pang tuntungang ang lawak ay hindi aabot ng labindalawang pulgada. Dito, nakasalansan ang baraha ng manghuhula. Isang tagpo sa ilalim ng bansot na puno. May isa pang upuan para sa'yong intersado. At dahil, kabubukas lang ng taon, marami ang handang magbigay ng halaga sa panandaliang pagpapabasa ng kung anong dibuhong mabubuo sa guhit ng palad at sa "gulong" nito. "Ginintuan" man o hindi. Inilalako ang serbisyo katulong ang larawang nakaguhit sa di-kagaraang papel -- isang nakabukas na palad. Kapalaran.
Sa kahabaan ng Faura kung saan, naglalakad ang mga estudyante mula sa Pamantasang nagtataguyod umano ng panlipunang pananagutan. Binago na ang moda hindi lamang sa pananamit, kundi maging sa kamulatan. Tama ang propesor, isa na lamang press release. Sa harap ng gusaling ito'y aktibo ang "ekonomya ng bangketa." Hindi mapakali ang mga manininda sa mga parak ng Maynilang handang itugon ang batuta at malamig na rehas. Hindi ka lalayo -- ang PGH, ang pagamutan ng publiko. Pilit mang iabot ng masa ang kamay nito upang humingi ng tulong, bigo nitong matugunan ang kanilang pangangailangan. Hindi abot-kamay. Nauuhaw.
Sa Faura, kung saan ilang hakbang mula sa Korte Suprema ay ang Kagawaran ng Hustisya, mga institusyong nagdidikta at nagpapadikta sa nakatataas. May nakatataas pa nga sa Kataas-taasang Hukuman, hindi sa usapin ng pisikal na katangian kundi sa lupit ng kapangyarihan. Taglay ang kaayusang ito, natatapos ang pag-iral bilang makinarya habang patuloy ang pagpinta sa imahe nito bilang tunay na lunduyan ng katwiran o hustisya. Sa labas ng matatayog na gate nito, naroroon ang grupong iwinawagayway ang pulang bandila, kasabay ang pagkober ng midya at ng mga nag-uusisa. Bitbit ang propaganda at ang isinisigaw sa megaphone, ipagwalang bahala man nila. Nilalagpasan ng marami. Niyayakap ng iba. Nagniningas. Nakikibaka.
Sa tiyak na tagpo, sa tiyak na panahong ito, mababanaag ang kabalintunaang matagal nang ipinagbubunyi ng kawatan, na ikinalulumo ng mga elementong sinaklot ng kahirapan.
Sa Faura pa lamang iyan.
Sa Faura pa lamang iyan.
1 comment:
Post a Comment