Sunday, January 03, 2010

Hamon at Periswil

Para sa kanila, lubhang nakakaalarma ang patuloy na pagsadsad ng benta sa unang kwatro ng bagong taon. Umiikot na ang puwet kaiisip ng bagong gimik at pakulo habang bumebenta pa ang pelikula ng MMFF. Patumal na nang patumal ang bumibili ng regalo para ihabol sana hanggang Three Kings. Mapapansin ang kabilaang discount ng ham sa grocery. Ang dating maka-uring presyuhan ngayon ay halos ipinamimigay na. Sa wakas, magagawa na ring bilhin ni Ateng saleslady ang mismong produktong binebenta niya. Kahit sa pansamantalang estetika, kunyari wala na munang alienation of labor. Kahit na sa totoong buhay naman talaga ay napilitan siyang pumasok ng 24, 25 at a-uno -- double pay di'ba? Tumbasang parang wala ka namang pagpipilian? Parang pulang mansanas sa Garden of Eve. Mapanghalina. Mapang-akit. Mapanukso. Insetibong kakagatin kung talagang walang-wala -- kahit pass na lang muna sa happiness ng Pasko.

Ang mga manggagawa kasama ang nagpapakete ng hamon at iba pang produkto, ang tiga-tusok ng gamot o preservative sa kapirasong laman, nagdi-deliver, nag-iimprenta ng price tag, hanggang sa nagsusupot at kahera ay magagalak sapagkat isang matalinong desisyong magpahuli sa pagbili ng mga produkto maliban sa ham. Honey-glazed, stewed, sweet, pear-shaped -- anumang variant nito, bagsak-presyo.

Aasahan na ang pagbabago ng packaging ng ilang produkto ngayong 2010. Nagsimula na ang Eight O' Clock. Hindi malabong sumunod ang mga kakompetensya nito. At dahil, juice drink ito, hindi na rin malabong maggayahan ang iba pang beverage kasama ang alak at energy drink.


Sa yugtong ito, pahinga muna sa limelight si Santa Claus. Malalaos. Itatago muna ang pulang medyas at iba pang christmas decor sa kahon o kabinet. Ililigpit muli ang bakas ng kapaskukhan. Ibabalik ito walong buwan mula ngayon. Samantala, nakasalansan naman sa isang malaking basket ang lahat ng produktong hindi nabili noong Pasko. Pagagawan ito ng may-ari ng signboard, "20% Discount," "SALE" o "Buy 1, Take 1." Krisis ng labis na produksyon sabi nga ni Karl Marx. Magmamadali na rin ang creative staff ng mga mall para isipin kung paano aadornohan ang buong istruktura ng temang maghihiwalay sa kulay ng Pasko patungo sa bagong pinaghahandaang "in" -- ang Valentines. Siyempre, hindi rin pahuhuli ang mga chemical media. Maglalabas ang Star Cinema at GMA Films ng mga love story, palasak man o hindi ang storyline -- ipaaarte ito sa mga tambalang "click" sa panlasa ng tao ngayon! Asahan, ilang linggo matapos ang launching nito, babansagan itong "Super Blockbuster Hit!!!" o kaya naman, "Certified Box Office!!!" Ibang usapin pa ang mga artistang sabay sabay bibigkasin ang -- "Now on its THIRD WEEK!!!"

Sa pagtatapos ng bakasyon, tapos na rin ang no pasok, no baon policy. Tiyak na ikatutuwa ito ng mga estudyante. Kasabay nito, bahagyang paghahandaan ng mga retail store at pambansang school supplies store ang pangangailangan ng sitwasyon -- bahagya lamang relatibo sa isinasagawang paghahanda tuwing Hunyo. Ngunit para sa mga may hangaring makapagtapos, ito ay isang panahong krusyal. Ibang usapin ang iba pang academic loads at ang gampaning iba sa pagiging estudyante -- kailangan na nilang matapos ang thesis kung gusto nilang magmartsa sa tamang panahon. Palagiang sinusulit ang natitirang buhay sa undergrad. Binibilang kung ilang linggo na lamang magkakasama. Hindi mailagay ang sarili sa pagitan ng kagalakang makapagtapos at sa katotohanang mag-iiba na ang sitwasyon paglisan ng pamantasan.

Sabi nga sa isang awitin, "Nais ko lang namang magkasaysay ang buhay, isang beses lang naman ito. Kung gusto mo, di masyadong lalayo nang di ka mainip, ika'y iaaliw sa 'king periswil."

Magpapatuloy dito o doon -- anumang landas ang tatahakin. Itutuloy ang lahat saanman naroon. Walang katapusan -- iikot na parang tsubibo.

No comments: