Saturday, February 27, 2010

Abstrakto

Sa yugtong iyon kung saan umabot na sa isang daan at labinlima ang pahina, nakaligtaan niyang pagtuunan ng pansin ang isang maiklian at pangkalahatang lagom ng kanyang isinulat. Kabalintunaan mang isipin ngunit mas naging mahirap ang pagtugon sa pangangailangan ng isang-pahinang-sanaysay kaysa sa mahabaang diskurso. Mas naging masalimuot ang internal na pakikipagtagisan ng isip kung kailan ikukulong na lamang sa kapirasong puwang ang buod ng pananaliksik.

Samakatuwid, ilalatag niya ang diwa sa limitadong espasyo at sa kalagaya'y limitadong panahon. Isang hamon sa kanya na maipaloob ang natatanging karakter at dulog ng pag-aaral sa isang sanaysay. Malawig man ito, kinakailangan niyang mahagip ang atensyon ng mambabasang "pahapyaw" lamang kung magbasa. Umaasang mapagbigyan pa ng karagdagang panahon upang buklatin man lang ang ibang bahagi ng naisulat.

Sapagkat nagiging mas katanggap-tanggap sa naitaguyod na pamantayan ang maisulat ito sa maiksing kaparaanan, sisikaping habulin ng awtor ang mga salitang pinakaangkop at pinakatatagos. Sisiguruhing bawat salita ay may kaukulang bigat at nakapag-iisa. Ikokonteksto sa pinakanakayayanig na paraan ang mga konsepto. Titiyaking nagkakaisa ang tono o damdamin ng teksto. Itatali ang kalatas sa aakalain niyang pinakamahusay na paraan.

Sa tipikal na isang daan hanggang isang daan at limampung salita, inaasahang tapos na ang abstrakto. Nailinya na ang sinopsis ng thesis. Aasahan ding sa ikli ng abstrakto, maipababatid na sa mambabasa ang tunguhin at aasahan sa makapal na panitikang ito. Bakit mahalagang basahin? Paano ito naiiba sa iba? Bakit kailangan pang patuloy na magbasa?

Akala ng mananaliksik ay tinapos na ng huling tuldok sa apendiks ang pinatutunayan niyang proposisyon. Higit sa pahina ng pagpapatibay. Higit sa pahinang pamagat. Higit sa bibliyograpiya. Higit sa dedikasyon. Abstrakto pala ang kukumpleto sa burador.

Abstraktong mauunawaan at hindi ang abstraktong walang kongkretong patutunguhan.

_______________
Abstract: a brief and condensed summary of a thesis,
ranging from 100 - 150 words.

No comments: