Wednesday, July 28, 2010

Application Form


This was published at Definitely Filipino, March 11, 2011.


Hindi ito ang "papel" na nais takasan ng mga nagigipit at nagnanais umasenso. Pag-asa, hindi kalugmukan ang namamayani sa tuwing kukumpletuhin ang application form. Dumarating sa punto -- sa yugto kung kailan hindi man kalilimutan, ngunit 'mapipilitang' maisasaalang-alang ang pinanghahawakang prinsipyo.

Sa malawak na destinasyong ito, may puwang pa upang palaguin ang mga damo. Sa magkasalungat na direksyon ng mga behikulo ay ang paghampas din ng magkasalungat na hangin. Sa isle, litung-lito ang mga damo kung saan ipapaling ang dahon -- tuon sa Kanluran, tuon sa Silangan. Parang kapwa-Pinoy sa Amerika, hindi alam kung saan susungkitin ang oportunidad. Oportunidad na lamang, bagamat karapatan ito. Sumusunod. Alipin sa agos ng oportunidad na bigay ni Uncle Sam.


Ikinatutuwa ng marami ang nababanaag na Amerikanismo, ngunit sa totoo'y nakakubli ito sa katotohanang walang kasiguruhan ang 'paghahanap upang mabuhay' o 'paghahanap para sa buhay.' Nabubuhay sa alanganin. Patakas lang ang pahinga.

Ligaya at lungkot -- magkasalungat ding emosyong hatid nito. Ligayang dulot ng pag-asa -- sa pag-aakalang maiaahon na sa isang kabanata ang karalitaan. At lungkot, kung mangangahulugan ito ng pagkawalay sa iba.

Magbabakasakali. Ngunit, kasabay nito ay ang unti-unting pagbuo sa desisyon. Sukdulang itakwil ang pangarap upang pagbuksan ang matunog na katok ng oportunidad -- sa kagyat na tumbasang iniaalok nito. Nagbabakasakaling maitawid ang kasalukuyan upang bigyang-daan ang posibleng kaginhawaan. Sa pagkakataong mapasubo na, maaari pang umatras! Ngunit alam mong isang glorya na ang tinalikuran.

Sa pagkakaalipin ng tao sa pangkabuhayang aspeto, nawawalan ng puwang ang emosyon. Papalag. Papanig sa 'higit na pangangailangan.' Babaling sa rason.

Ang katawan at ang utak ay nakakondisyon na sa pagkayod -- ikinondisyon ng restriksyon ng trabaho. Haharipas sa takbo ng oras. Kakayod para sa hustong pamumuhay. At kasabay ng lahat ng ito ay ang pangangailangan sa 'matibay na paninindigan' -- dahil kailanman, hindi kayang unawain ng mga 'papeles' na ito ang emosyon.

Emosyong napangingibabawan ng rason.
Sabi nga ng Kano, "this is it!"


Magsasakripisyo.
Maghihintay.
Susugal.


1 comment:

Anonymous said...
This comment has been removed by a blog administrator.