Sunday, September 05, 2010

Black or White

Makalipas ang apat na buwan, nabuo na rin ang pagtanaw sa lugar na ito.
Hindi 'sing tayog ng lipad ng American Eagle.
Hindi 'sing tamis ng pulot.
Hindi talaga langit.

Nasusulat sa mga pahayagan, "bumabangon na ang Amerika" mula sa pagkakalugmok sa krisis na sila rin mismo ang may gawa. Sa apat na buwan, hindi mo man lubusang mapuntahan ang lahat ng estado ni Uncle Sam, hindi ka pagdaramutan ng panahon upang matunugan ang paghihingalo ng sinasabing "most powerful country."

Sila mismong mga Amerikano'y nagkukumahog maghanap ng trabaho. Ang mga dayuhan ay nanganganib na mapaalis. Ang mga magreretiro sa trabaho ay hindi nangangahulugan ng pagbubukas ng panibagong empleyo. Patuloy pa rin ang pagtatangi sa kulay.

May sumagi sa isipan ko nang minsang pumasok sa Walmart. Puro awitin ni Michael Jackson ang pinatugtog ng isang puting naka-Amerikana. Paano niya inilalako ang produktong ito? Ganun yata talaga pag kapitalismo, patay-malisya na lang sa usapin ng reysismo. Kunyari wala, para bumenta.

Sabi ng midya, si MJ daw ang siyang bumasag sa konotasyong reysismo sa pagitan ng itim at puti. Iniuugat sa baluktot na rason. Siguro sa klase ng musika. Marahil sa kanyang pagkamatay. Dito, tila selektibo ang reysismo. Kung ang isang itim ay naging matagumpay sa isang larangan, lahat sila, sasabihing God Bless America! God Bless the American People! At ang itim na iyon ay tatanghaling "kapwa-Amerikano!" Kung kabaligtaran ang ginawa ng itim... maiiba na ang pagturin. Ibang -iba ang istoryang lulutang. Tiyak.

"America, we are on our way to recovery" o kaya naman "Many black American have proven their contributions in our country!" paano kaya kung ganito ang tono ni Obama, sa gitna ng kumperansyang binubuo ng mga pulitikong itim at puti? Tatango siyempre ang mga kapwa-itim. Tutungo ang mga puti. Pagtungong hindi natin alam ang ibig sabihin. "Don't tell me you agree with me when I saw you kicking dirt in my eye!"

At marahil lumalawig lamang ang ideyang ito dahil hindi makapalag ang mga oportunista sa rasong Black American ang nakaupo. Ang Queen of Talk ay si Oprah at ang King of Pop ay si Michael. Patay-malisya muli sa reysismo ang mga puting pulitiko, upang manatiling nakakapit sa kapangyarihan at hind ma-bad shot sa minsan na nilang tinawag ng iba't ibang bansag -- na parang wala silang sariling karupukan.

Nabasa ko na sa libro ng Kasaysayan ng Pilipinas ang Filipino First Policy. Marahil sa mabuway na isipan ng mga estudyante, isang glorya para sa bansang Pilipinas ang pinunong nagpanukala't nagpatupad nito. Kung merong Filipino First, uso ngayon ang American First at si Obama, ang "first black president" ang nagpataw nito sa yugtong sinasabi nilang "bumabangon na ang Amerika."

"It's A Turf War
On A Global Scale
I'd Rather Hear Both Sides Of The Tale
See, It's Not About Races Just
Places,Faces
Where Your Blood
Comes From Is Where Your Space Is
I've Seen The Bright Get Duller
I'm Not Gonna Spend
My Life Being A Color"

-- Black or White


No comments: