Friday, September 21, 2007

Ang Kaibigan Kong si Ver

Hindi kami madalas magkita ng kaibigan kong 'to.
Pero, kapag dumarating siya, agad kong naililista sa aking talaalarawan ang mga pangyayaring kasama ko siya.
Masaya ako at ganoon din ang iba. Kahit mahirap para sa akin ang salubungin siya dahil sa mga panahong 'yon ay tambak ang kwises, eksam, reports at iba pang kahilingan ng aking kurso, nakakatuwa pa rin dahil hindi siya nagtatampo. Pinakikisamahan namin ang bawat isa.
Sa tuwing dumarating siya, hindi ko maiwasang magbalik- tanaw sa mga nakaraang taon. Lagi. Si Ver, ang nagbibigay simbolo sa kaligayahan ko at maaring sa iba pa naming kaibigan. Sa kanya ko natututunan ang diwa ng ilang mahalagang pangyayari na may kaugnayan sa aking relihiyon, pag-unlad at pagbabago.
Nito lang nakaraan, sabay kaming nagsimba para ipagdiwang ang kaarawan ni Mama Mary. Pagkatapos, may lakad din siya sa iba niyang kaibigan. Marami kaming pinupuntahang lugar at kaarawan. Kagabi lang sa kaarawan ng kaibigan kong si Shayne. Haay.. ang sarap ng pagkain. Nabusog kami.
Napakarami pa naming plano, sa susunod, ipagpapatuloy pa rin namin ang pagpunta sa mga kaarawan ng iba't ibang tao. Nakakapagtaka lang talaga kase kilala siya lahat ng tao. Sikat siguro. Pero, sa pagmumulat sa kin ng mundo, natanggap ko na rin na ganon talaga siya. Likas sa kanya. Sa mga susunod na buwan, ako at si Ver ay pupunta sa paliparan. Ihahatid namin si Mama. Masakit. Malungkot ang mga susunod na araw pagkatapos nun. Pero, alam kong paliligayahin pa rin ako ni Ver. Sasamahan ako ni Ver sa pagtatapos ng eksams, sa pagpili ng panibagong mga asignatura, pagkuha ng klaskards at pag-eenrol.
Tapos, dadalawin namin ang mga namatay kong kamag-anak, na akalain mong kilala niya rin. Tapos, magdiriwang kami ng kaarawan ni Kristo! Merry Christmas na... pipiliting kong maging masaya, kahit wala si Mama. Pipilitin kong matibay. Matibay ako.
Hindi ako matatakot mamatay sa piling ng kaibigan kong si Ver. Lahat na ng uri ng emosyon ay naipapakita niya. Lahat ng mga pagbabago sa kin, nasaksihan niya.
Kararating niya lang ha! Hudyat ng amoy puto-bumbong, bibingka, kasiyahan, pagtatapos at pagbubukas ng semestre. Pasko. Si Ver, ang kaibigan ko.

Kaya lang, hindi ko siya nakikita. Nararamdaman lang. Nararamdaman ko na siya, kaya parang nandito na rin siya. Nandito na nga. Sa totoo lang, labing-siyam na araw na ang nakalilipas mula ng dumating siya.

Ikaw, ramdam mo na siya? Ako ramdam ko na,nakita ko na -- SeptemBer na eh. 'Yan si Ver.

Kaibigan mo rin ba siya?

1 comment:

Ienne said...

So di na kayo friends ni Ver ngayon? Hahaha.