Sa nakalipas na 17 taon ng pamamalagi ko sa daigdig ng tunay at hindi natural, matagal ko nang sinimulan ang pangarap na ito.
Pero pagdating sa paggiling ng kamera? Ngayon ko pa lang nasubukan.
Karapat-dapat ba ako?
"Karapat-dapat akong mapabilang sa institusyong ito dahil naniniwala akong nabiyayaan ako ng interes at kaalaman sa pamamahayag – mula sa masusing pangangalap ng impormasyon, pag-aanalisa, pagsulat nito sa porma ng balita hanggang sa paglalathala nito. Ngunit alam kong hindi natatapos sa teknikal na aspeto ang pamamahayag, ito rin ay may mahalagang panlipunang pananagutan --- ang maghatid ng balanseng impormasyon na umaayon sa etika ng responsableng pamamahayag. Nais ko pong magsilbi sa publiko sa pamamagitan ng propesyong ito, gamit ang talino’t kasanayan / at, MALINANG pa ang mga ito mula mismo sa inyo -- mga pantas sa larangan ng broadcast journalism".
...Hanggang sa ikunekta ko ang aking kurso sa mundong nais kong subukan:
"Ang kursong B.A. Development Studies ng UP ay isang agham panlipunan. Ito ay naglalayong imulat ang mga Pilipino sa katotohanan at sistemang umiiral sa lipunang ating ginagalawan – mapa-pulitika, ekonomiya, kultural at maging ang simpleng pamumuhay ng mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Ang kursong ito ay umiiikot sa pinakaimportanteng elemento ng lipunan – ang tao – ito ang pangkalahatang tuon ng aking kurso. Sa kabilang banda, ang news media ay isang makapangyarihang puwersa upang magbigay ilaw at humulma sa lipunan. Ang news media ay may pananagutan sa publiko na ang tanging armas ay ang katotohanan. Ito ay bentahe sa bahagi ko sapagkat ang balita sa ngalan ng responsible at malayang pamamahayag ay repleksyon ng buhay ng bawat ordinaryong Pilipino sa lahat ng aspeto. Higit kong mauunawaan ang balita sapagkat alam ko kung saan nag-uugat ang pang-araw-araw na pakikibaka ng masang Pilipino. At kung bibigyan ng pagkakataon, ako po ay titindig upang maging simbolo ng kabataan na magsisilbling tulay para sa kapwa ko Pilipino – isang mapagkakatiwalaan, responsable at kritikal na _______________. Maraming Salamat po".
At, ano man ang maging resulta nito, magpapasalamat pa rin ako...
Sa karanasan pa lang kung paano sumabak sa harap ng isang kamera para sa video resume at voice demo, pakiramdam ko, panalo na ako!:)
No comments:
Post a Comment