Thursday, August 07, 2008

Bakit Pamamahayag?

Ang pamamahayag ay binibigyang dangal bilang isa sa pinakaglamoroso at natatanging propesyon. Kahit na mababa ang benepisyo, mababa ang sahod, walang tiyak na oras ng trabaho, marami pa ring may talento ang pilit na dumidikit sa magnet ng newsroom. Bakit? Dahil hindi nakasandal sa materyal na bagay ang tunay na pamamahayag. Ang kawalang bentaha sa materyal na aspeto ng mga mamamahayag ay tinatapatan naman ng mga malalawak at mala-alamat na benepisyo: power of the press, ang ligayang hatid kapag nailagay na ang pangalan sa isang naiwastong artikulo (byline), ang kasiyahan na isa ka sa mga nakauna sa impormasyong dapat malaman at ang di matatawarang karanasang lumubog at makihalubilo sa alinmang sektor ng lipunan upang kalapin at ipaalam ang kanilang kuwento. Ngunit, sa hinaharap, maraming uri ng pang-aabuso ang kinasasadlakan ng larangang ito. Bakit?

Una, inaabuso ng ilang pulitiko ang larangang ito. Dahil sa pagkakaroon ng kapangyarihang politikal, ginagamit ang media bilang taktika sa pagnanais na mas palawakin pa ang saklaw ng kanilang pansariling interes (pogi points). Ang pagpayag ng mga mamamahayag sa kasunduang nabanggit ay sa sarili nito'y isang uri ng pang-aabuso. Inaabuso ng mga iresponsableng media practitioners ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng publiko sa pamamagitan ng pagpanig sa may kapangyarihan katumabas ang partikular na halaga (materyal man o hindi), ito ang tinatawag na envelopmental journalism -- ang pagpabor sa iilan at pagbali sa katotohanan.
This is nothing but a disservice to the public they all serve.
Sa kabilang dako, ang pagbibigay ng higit na pansin sa isang isyu ay isang uri rin ng pang-aabuso. Ito ang tinatawag na sensationalism. Kadalasan, binibigyan ng kakaibang atensyon dito ang mga isyung sa palagay nila ay mabenta at ikamamagha ng masa. Sa maraming pagkakataon, ito ay masasaksihan natin sa mga dokyumentaryo at iba pang investigative journalism sa telebisyon. Sa madaling salita, may punto ang opinyong "pinalalaki ng media ang isyu." Halos may koneksyon ang envelopmental journalism sa sensationalism. Bakit?

Dahil maari ring pinalalaki ang isang isyu upang panigan ang napangakuang may kapangyarihan (halimbawa, pagbibigay ng higit na diin o pagpapalutang sa isang bagong isyu -- isang diversionary tactic upang ilihis ang atensyon ng publiko sa isang iskandal sangkot si Mayor.)

Ang pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ay isang isyung hindi na lingid sa kaalaman ng karaniwang Pilipino. Ito naman ang uri ng pang-aabusong mula sa pangil ng pamahalaan. Hindi pa nga nakakaahon sa malupit na nakaraan ang sistema ng kasalukuyan, bitbit pa rin nito ang diktaduryal na katangiang minana pa sa mga naunang rehimen. Kung huhugutin sa napapanahong konteksto, ang Manila Peninsula Siege ay isa lamang sa napakaraming senaryo ng panunupil sa pamamahayag. Hindi nakaligtas ang mga mamamahayag sa pwersahang pagposas sa kanila at pagkumpiska sa mga broadcast equipment. Dahil dito, tinatanggalan ng karapatang mabatid ng ordinaryong Pilipino ang katotohanan sa isang isyu at nawawalan na kaluluwa ang democratic character ng ating bansa.

Hindi pa nababanggit diyan, ang mga politikal na pagpatay sa mga mamamahayag at iba pang media practitioners na kilalang kritiko ng pamahalaan. Mababatid na ang rehimeng Marcos ay panahong may umiiral na Batas Militar, kung saan mas katanggap tanggap isipin na may mga kaso ng pagpaslang sa mga bumabatikos sa pamahalaan. Sa panahong ito, kinahaharap ng larangang ng pamamahayag ang pinakanakapanlulumong serye ng panunupil -- kung saan wala pang naidedeklarang batas militar.

Government tries to filter what the public should know
And for that, they are not only inhibiting Philippine Journalism
But also killing Filipino's will to democracy.

Sa mga sitwasyong ito, mas makikita natin kung gaano makapangyarihan ang pamamahayag at ang pagnanais ng publikong malaman at maunawaan ang katotohanan -- upang supilin, abusuhin o gamiting kasangkapan para sa pansariling interes.

Sinasabing walang absolute. Pero, hindi ibig sabihin na gagamitin na ang mga salitang ito sa mga pagkakataong nagkamali at naabuso ang sektor na ito. Oo, may kani-kaniyang karupukan. Ngunit, sa napakaraming karupukang ito, hindi natin dapat isantabi ang samu't saring paraan upang maiwasan ang mga ito.

Ang larangang ito ang nagsisilbing behikulo ng impormasyon ng masang Pilipino -- sa publikong sinasabing ang tanging armas ay ang katotohanan. Tulad ng edukasyon, karapatang malaman ng masang Pilipino ang lahat ng katotohanan, at ang mundo ng pamamahayag ang naitalaga upang ipaunawa at ipabatid sa kanila ang mga ito.
_________________________
*Para sa akin, sumunod sa pagiging guro, ang responsableng mamamahayag ang ikalawa sa pinakanatatanging propesyon sa mundo. Bakit? Sa pagyakap mo sa propesyong ito, niyayakap mo na rin ang pananagutang magbigay-alam ng katotohanan sa publiko. Hindi pagpapakamartir, ito ang tunay na layunin ng pamamahayag, at bihira ang nakatutupad sa kahilingan nito.

8 comments:

Anonymous said...

Tama ka naman dun, hindi sa pagiging martir o ano pa man, yun talaga ang adhikain ng isang mamamahayag --- ang maipahayag ang katotohanang kailangang malaman ng masa. Good luck sa tatahakin mong landas. nakikita ko na!

Anonymous said...

yes, yes, yes. Kaya pamamamahayag, kasi sa katotohanan at sa pagnanais ng tao upang malaman ang kalagayan ng lipunan.

Nice entry again.

Anonymous said...

Government tries to filter what the public should know
And for that, they are not only inhibiting Philippine Journalism
But also killing Filipino's will to democracy.

Yessss!!!!

Railey! said...

Kung ang lahat ng media practioners ay magiging responsable sa kanilang propesyon, isa itong susi... para labanan ang korupsyon.

P O R S C H E said...

To hugo:

Maraming Salamat! Gusto ko na nga makapunta kung saan man yun. Hehe.

To Hydee:

Yes, pamamahayag upang ihayag at magpahayag

P O R S C H E said...

To brokendamsel and railey:

Hindi lang journalists, kundi tayong lahat dapat maging tagapagmatiyag.:)

Anonymous said...

Sa pagyakap mo sa propesyong ito, niyayakap mo na rin ang pananagutang magbigay-alam ng katotohanan sa publiko. Hindi pagpapakamartir, ito ang tunay na layunin ng pamamahayag, at bihira ang nakatutupad sa kahilingan nito.

Yasss! No doubtss..!

Anonymous said...

wow ang saya magbasa ng blog.tama nga naman ang mga nakasaad diyan .kailangan ng mamamayan ang may tagapag padala ng balita sa knila ngunit paano nga naman kung ang mga mamamahayag ay di ginagampanan ang kanilang propesisyon?.e di hindi na naman namulat ang ang tao.ngayon lang ako ng nagbasa ng isang blog