Tuesday, August 12, 2008

Hambog

"Hindi ko alam kung bakit napakataas ng ere niya. Hindi ko alam kung bakit hirap na hirap akong pakisamahan ang nakapang-iinit ulong sitwasyon sa tuwing nandyan siya. Hindi ko alam, ngunit hindi ko magawang titigan siya nang lubusan..."

Kung umasta siya akala mo haring kailangang bigyang pugay! Madalas, napakaraming tao ang pipiliing tumungo na lamang upang hindi na siya makita. Gayon din, maraming tao kabilang na ako ang napapakunot ang noo, at napagsasalubong ang mga kilay sa tuwing mararamdaman ko ang nakakatuyo niyang presensya. Wala naman kaming takas, dahil tila ba sinusundan kami ng papansing ito. Nito lang mga sumunod na araw, parang nasa pugon ako nang naramdaman kong andyan na siya, parang – kumukulo na ang tubig sa takure, nasusunog na ang sinaing sa kalan, uling na ang iniihaw na isaw.

Sa loob ng shopping mall, sa chilling section ng grocery, sa Starbucks, sa bilihan ng yelo, sa anumang kwarto o lugar na de-aircon o kahit pa sa loob ng ref, at sa kung saan mang lugar na maari kong hintuan upang makaramdam ng kaginhawaan kahit saglit lang, sisikapin kong makarating sa lahat ng ito. Nag-iba na kasi ang ihip ng hangin. Hindi ko na malaman kung kailan ko siya dapat iwasan. Hindi ko na matiyempuhan kung kailan siya darating. Kahit anong oras nararanasan ko, at naghihirap ako sa kanyang bagsik. Para bang nanunukso. Nakakatuyo! Hindi nagtagal, napansin kong mas nag-aalab ang nararamdaman ko. Nakita ko ang aking sariling nagpupuyos. Mas nakakairita ang bawat araw na nagdaraan. Ibang iba na talaga ang hagupit ng kaangasang iyon sa ngayon kaysa dati.

Sa kabila ng katangiang ito, wala man lang maglakas loob na lapitan siya, kahit man lang pagsabihan siya. Wala kaming magawa kundi manatiling malayo sa kanya. Anumang pamamaraan an gaming gawin – tila mas malakas siya ngayon. Ang iniiwasan niyang bagsik ng malagkit na bagay na ipinapahid ko dati, ngayon wala nang bisa sa kanya. Walang dating. Walang kuwenta. Ang tanging pananggalang ko na lang hanggang sa ngayon ay ang aking palad (panakip sa mata, para hindi ko na talaga siya makita) at ang isa pang secret weapon upang padilimin ang nagbabaga kong paningin sa tuwing nandiyan siya. Pwede rin naman akong pumikit na lang nang parang natutulog lang, pero, hindi sa lahat ng pagkakataon maari ko itong gawin – madadapa ako kung naglalakad ako, matatalisod ako kung tumatakbo ako, baka madulas pa ko, baka mahulog pa ko sa manhole.

Nakipagkasundo na ko sa kanya. Inuunawa ko na lang siya dahil mapapagod lang akong ipilit ang gusto ko. Oo, naging bahagi na siya ng buhay ko. Tsaka napagisip-isip ko, mas maganda pa rin pala ang araw ko kung siya ang kasama ko. Kahit badtrip minsan.

Pero, alam kong may katapusan ang lahat. Tulad ng ningning ng isang bituin, karera niya’y matatapos rin at tuluyang mawawalan ng ningning. Tulad ng isang bituin,init niya’y mananamlay at siya’y lilipas din. Kung kailan ito mangyayari? Hindi ko rin masasabi, siguro -- ikaw, ako, tayong lahat lusaw na rin sa pagkakataong ‘yon. Sa ngayon, makikisilong muna ko sa natitirang puno, magsusuot ng shades kung kinakailangan, siyempre, isisilid na ang pamaypay sa bag, magbabaon ng tubig sa isang sisidlan, kahit wala nang talab ang sun block -- alam kong ang iba, gagamitin pa rin ito upang protektahan ang kanilang balat.

Sa ngayon, patuloy pa ring haharapin ang buhay, patuloy pa rin ang pagsalubong sa isang umaga, kasabay ng pagsilay sa nakasisilaw na liwanag ng Araw...araw-araw -- maliban na lang kung umuulan.


------------------------------
*Isang lathalain ukol sa pagbabago ng klima dulot ng global warming. Kung dati'y inaabangan siya tuwing Marso hanggang sa unang dalawang linggo ng Hunyo, ngayon kahit Agosto, pinapaiinit niya ang urban domains sa temperaturang naglalaro sa 33 hanggang 36 antas ng sentigrado. Gayon din, matatandaang sa panahon ng tag-init o summer, nagkaroon na ng panakanakang pag-ulan.
**Tuguegarao ang pinakamainit na lugar sa Pilipinas, dito naitala ang pinakamataas na temperatura - antas sentigrado (faqs.org at minsan ring naitanong sa PGKNB?)

9 comments:

Anonymous said...

Tayo rin ang may kasalanan kung bakit pinapaiinit niya ang ulo natin!

Hahaha. akala ko kung sinong kaaway mo! You are really good in writing stuff like this. It makes me feel clueless, and at first stupid. Hahaha. Nice nice nice!

;)

Anonymous said...

"Tulad ng ningning ng isang bituin, karera niya’y matatapos rin at tuluyang mawawalan ng ningning. Tulad ng isang bituin,init niya’y mananamlay at siya’y lilipas din. Kung kailan ito mangyayari? Hindi ko rin masasabi, siguro -- ikaw, ako, tayong lahat lusaw na rin sa pagkakataong ‘yon."

I like the simile! Tamang tama para sa isang sun... na isa ring bituin! weee!

Anonymous said...

I like it when you post titles which are not predictable! Good job. I thought this is something seryoso.. Hahahaha.

Railey! said...

Yes I agree! Climate change is climate change! napakainit na sa ngayon.. iba na ang init kumpara dati! Hahaha. Ayos ah.

P O R S C H E said...

Sa lahat, pasensya na ngayon lang ako nakapagcomment back.

To brokendams:

Tayo nga rin... dahil sa tumutulong tayo sa pagpapanipis ng ozone. hehe.
"akala ko kung sinong kaaway mo! You are really good in writing stuff like this. It makes me feel clueless, and at first stupid" - salamat!:)

TO hydee lopez:

Kasi diba bituin din ang araw, e magiging supernova rin ito sa paglipas ng panahon, kasabay nito sa huli kong basa, first 3 planets ang lalamunin ng sun, and that includes the Earth. Salamat!:)

P O R S C H E said...

To hugo gonzales:

Hehehe. Thanks.

To railey:

Kapansin pansin talaga. Mas mainit ngayon kaysa dati.

Anonymous said...

San yung picture na to?

Anonymous said...

haha...ngaun na lang ulet..sorry busy..

haha..nice..init nga ng araw...and really unpredictable..pag'ulan..

hayz,..kung bawat tao lang sa mundo eh may pakialam sa paligid at hindi lang sa mga sarili nila..malaki ang pagbabago..

Anonymous said...

*pati pag'ulan