Friday, September 12, 2008

Switch

Para sa mga taong gustong labanan at tapusin na ang anumang uri ng emosyon,
narito ang isang kathang nakita ko sa dalawang pahinang scratch paper na nagkalat sa drawer, naglalarawan ng isang talinhaga - ang switch at ang iba pang bagay sa paligid niyo. Kung hindi ako nagkakamali, ang temang nito ay hawig ng isang contest piece na nanalo sa paligsahan sa paglikha ng pinakamaikling storyline.

--------------------------------------------------------------

Hindi ko naman inaalis na maaring magkatotoo. Pero hinihingi ng pagkakataon na magong rasyunal, hindi ko maitatangging mas lamang ang magkaibigan na lang kami kaysa magka/ibigan.

Sa bawat pagkakataong naiisip ko siya. Ipinapanalangin ko rin sana'y iniisip niya rin ako. Kahit anong pilit kong isipin na hindi ganon ang nararamdaman ko para sa kanya, tila lalo ko lamang inilalapit ang sarili ko sa pananabik. Hindi ko akalaing hahantong sa kasalukuyang estado ang dating pinagwawalang bahala ko lamang. Sa partikular na panahong ito, parang tama nga yata ang "habang pinipigil, lalong nanggigil!" -- dahil habang pinipigil ko itong sarili na isipin siya, lalong nanggigigil ang emosyong sana'y nailalabas ko na. May isang ideyang hanggang sa ngayon ay hindi ko lubusang pinaniniwalaan -- ang posibilidad na maaring nahuhulog na nga ako sa kanya.

Unang naisip ko ay ang humanga, wala ng iba. Alam kong hindi pa niya alam kung nasaang bahagi o yugto na ng paghanga ang nararamdaman ko para sa kanya. Natatakot na akong magkamali dahil baka maisakripisyo ko ang aming pagkakaibigan. Kung hahayaan mo na emosyon lang ang maghari sa lahat ng desisyon mo, wala ka nang pinagkaiba sa lahat ng uri ng prutas na pwede nang kainin, may balat man o wala. Walang aabangan. Walang kataka-takang pakiramdam. Wala nang espesyal na dapat paghandaan. Wala nang dapat talupan. Wala nang dapat ilantad.

At, nakasave sa inbox ang mga text messages niya. Siya lang ang naiisip ko sa tuwing nakaririnig ako ng love songs.

Ang tangi kong hiling ay isang bahay na ikababawas ng paghangang ito. Sa madaling salita, isang ultimate turn off. Paminsan minsan, nakakatulong din pala ang turn off. Bagaman nalalaman kong hindi ito ang tiyak na solusyon sa hindi ko naman itinatanging suliranin-- kahit papaano, alam ko, mawawalan ako ng gana pag nakakita ako ng isang ultimate turn off.

Sana ganon na lang kadali.
Turn on. Turn off. Parang switch.

Kung ganito lang sana kadali ang lahat ng bagay sa mundo.
Kung ganito lang sana kabilis maisakatuparan ang mga desisyon.
Kung ganito lang sana kadaling patayin ang emosyong sana'y hindi mo na lang nararamdaman.

Kaya nga lang, hindi.

---------------------------------------------

5 comments:

Railey! said...

Hay nako.. sana nga ganitolang kadali.

ganito lang kadali, kahit sa trabaho.
feeling ko underpayed ako.

sana ganun lang din kadali, kaya lang mabi-breach of contract. tsk tsk.

Anonymous said...

kaya nga, hindi parang switch.

okay na rin yun sa ibang pagkakataon. para sa loyalty diba.

Anonymous said...

hAHA. HOW I WSH!

P O R S C H E said...

Yun lang! Hehehe.

xchastine said...

paano kung pundido lang? HAHA. yun lang!