Sa kung anong dako ng daigdig lilingapin ang diwa ay hindi suliranin para sa sumusulat. Sa napakaraming bagay na maaring maging batis ng isusulat, kulang ang panahong ilalagak para rito. Napakaraming paraan ng pagsusulat. Sa dami nito, nagiging diskusyon pa rin hanggang sa ngayon ang tono ng pagsusulat -- ano nga ba ang mas epektibong daloy, ang conversational o yung parang sa thesis? Nagpabagu-bago ang anyo at porma ng pagsulat sa pagdaan ng siglo. Nakabuo ng konsepto upang ilarawan ang paraan ng pagsusulat ni Bob Ong. Gayundin kay Shakespeare, Karl Marx, Adam Smith at iba pang manunulat na naging impluwensyal sa paghubog ng mga ideya. Iba rin ang istilo ni Lualhati Bautista. Iba naman ang kay atake ni Ricky Lee. Iba rin ang kay Topel Lee. Iba iba relatibo sa panahon, estado, paraan ng pagsulat at karanasan ng manunulat. Sari-buhay, ika nga.
Sa genre nagkakaiba. Nangungusap ang bawat bitaw ng linya sa preface ng libro. Isang isyu rin para sa mga intelektwal na miyembro ng akademya ang paggamit ng mga salita na nararapat gamitin sa publikasyon. Isyu rin ang uri ng kulturang ipinapalaganap ng mga libro. Sumikat ang Harry Potter series ni J.K. Rowling at patuloy na pumapasok ang interes nito sa henerasyon ni Totoy at Nene. Kinagat pa rin ng publiko ang Twilight Saga. Naging maugong ang seryeng pinauso ni Bob Ong at kumalat pa sa mga text message. Isinapelikula ang natatanging gawa ni Lualhati Bautista na may timplang pamilya at lipunan. Naging tanyag sa pinilakang tabing ang mga iskrip ni Ricky Lee. Hinangaan ang mga storyline ni Topel Lee sa mga pelikulang may temang Pinoy at iba pang lipi.
Sino ang makapagsasabi ng dapat mong isulat o hindi? Sino ang nagsabi na dapat ay mas maikli ang pagkakalahad ng pangungusap mo sa Chapter 2 ng iyong isinusulat? Sino ang nagsabi na mas maganda ang salitang naisip niya para palitan ang iyong ginamit sa ikalawang pangungusap ng talata mo? Sino ang nagsabing mas magandang pakinggan ang "nakaiinis" o "nakakainis"? Sa lahat ng diskusyong ito, namumutawi ang iisang argumento -- kung ano ang nararapat isulat o hindi, ngunit sino pa rin ang magtatakda? Sino ang dapat na magsabi?
May manunulat sa loob ng isang manunulat. May makata sa loob ng isang makata. Malikot ang isip ng manunulat, kaya marahil naipalalaganap ang katotohanan ng buhay sa iba't ibang porma. Malikot ang isip ng manunulat, lahat ay nais niyang bigyang pansin. Hamon sa kanya na maitawid ang mensahe pati na ang mga simpleng detalye ng nakikita, nararamdaman, nalalasahan, naririnig o naaamoy niya. Malikot ang isip ng manunulat dahil tinatantya niya kung paano sasabihin ang isang masalimuot na ideya -- paniniwala niya na kung kumplikado o ikakahon niya sa simpleng pangungusap ang mga ideyang ito. Hamon sa kanya na madetalye ang bawat mensahe. Malikot ang isip ng manunulat sapagkat mailap at hindi uso sa kanya ang 100 leaves journal. Itinuturin bilang disiplinang pansarali ang matutuong magbalangkas -- para sa tuon, paghuhugutan, pagmumulan at pagwawakasan. Walang kamatayan ang manunulat. Ang kanyang naisulat ay mananatiling buhay na elemento ng mundo simula nang naisulat niya ang unang salita sa kanyang katha. Walang kamatayan ang manunulat sapagkat magagamit ang kanyang ideya ng mga susunod na henerasyon, at hihirangin ang kanyang pangalan para rito. Walang kamatayan ang manunulat dahil patuloy na maglalakbay ang kanyang isinulat.
May pamantayan para sa teknikal na aspeto ng pagsulat -- ano ang bastos, ano ang katanggap tanggap. Ano ang tamang bantas para sa nagsasalaysay, ano para sa patanong. Saan puputulin ang talata para ihiwalay sa isang grupo ng magkakaugnay na pangungusap o anong mga pangungusap ang dapat pagbuklurin. Kailan dapat alligned left o kailan justified.
Ngunit, hanggang sa ngayon, walang batas sa sining ng pagsusulat.
Ang pagsusulat ay pagpili. Ang pagsusulat ay paraan ng paglaya.
______________
*"Kapag nagsusulat ka, pinapalaya mo ang iyong sarili,
Kaya nakakatakot ang mga taong ayaw magsulat,
Dahil 'pag ayaw mong magsulat, ayaw mo nang lumaya."
- Prof. O. Joson
2 comments:
Writers have creative minds. Some writers write for their passion. Some writers write for the destruction of their co-writers, or other characters. Writing can be an instrument for black propaganda. With this, we have to consider the ethics of writing. Yes, writing is a freedom, but it is not the end of the act.
Yes. I think, kung mababasa ito ni Bob Ong, sasang-ayon siya sa iyo.
Ang sa kanya kasi, normal lang. pero, malakas ang humor.
Post a Comment