Monday, March 09, 2009

Mahal, Hindi Tayo Bagay

Ni Ka Axel Pinpin,
dating political prisoner at ngayo'y public information officer ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan


Makisig ka sa iyong kurbata at bagong plantsang salawal.
Madungis ako sa bestida kong suot sa pang-araw-araw.
May salapi kang kapital, ang aki’y bulsang kumakalam.
Ganda’t lakas kong puhunan mo’y iyo pang inaagaw.
Ngayong magkaniig tayo’y tinatawag mo akong “Mahal”?

Hanga’y-bilib ako sa karwahe mong hila ng mola.
Habang kahiya-hiya ako sa kariton na hila ni Ama.
Kaylawak ng iyong asyenda, lupain ko’y nasa paa.
Putik kong ikinayayaman mo’y iyo pang pinariwara.
Ngayong magkasiping tayo’y sinasambit mong “Aking Sinta”?

Nang ipagiba mo ang aking bahay, yumuko ako sa iyo.
Paglao’y dinampot ko na rin, pinandurog mong maso.
Nang ipa-ani mo ang aking palay, umiyak ako sa sakit.
Paglao’y dinampot ko na rin, bagong-hasa kong karit.
Ngayong hiwalay na tayo’y; Mahal ang kabayaran ng lintik!"

*tulang itinampok sa isang women's rally na binigyang buhay ni Ma. Isabel Lopez

No comments: