Thursday, April 02, 2009

Pwersa

Sa lipunang hindi pantay ang oportunidad nananaig ang uring nagtatamasa ng higit na kapangyarihan. Walang puwang ang mga sapatero, karaniwang guro, kargador sa konstraksyon sayt, kawani sa pabrika, nagtitinda ng bukong pauhog, naglalako ng kalakal at manininda sa kalsada’t bangketa. Walang silid upang tuluyan ang mga entidad na patuloy na pinupuksa ng bagsik ng mapanupil na pwersa – sa puwersang nakikinabang sa lakas ng masang anakpawis.

Ang pwersang huwad na kumikilala sa indibidwalismo at konsyumerismo – ang pinagningas na luho ng kapitalismo. Sa bagong sibol na kabataan, hindi madaling bunutin ang pangil na iniluwa sa katawan ng instrumentong maka-burgis. Bunga nito, naantala ang pagkilos at kung minsan pa nga'y nagkakasya na lamang sa pag-alam at pagmamasid. Bagaman namulat, naorganisa at natutong kumilos at makibaka para sa makabayang layunin, hindi madali ang biglaang pagwaksi sa naunang oryentasyon. Bagaman ang pagpapanibagong-hubog ay isang pasensyosong proseso -- mahalagang puntuhan ang pagnanais na makapagpanibagong-hubog.

Minsan naitanong ng isang katoto kung saan maiuugat ang pwersa ng lipunan. Pwersang tumutukoy sa tunay na batis, at hindi yaong ikinukubli ng paksyong nagsasabing "atrasadong kapitalismo" at hindi mala-kolonyal at mala-pyudal ang katangian ng lipunan. Ang pwersa ng lipunan ay hindi higit na matutunghayan sa kalunsuran. Ang pundasyon nito ay nasa kanayunan – sa uring manggagawa at pesante, sa uring pinagsasamantalahan sa materyal na kondisyon.

Ibinabandila na ang pagbabagong panlipunan ay isasakatuparan gamit ang pwersang nakasandig sa makabansang interes. Ang pagkakakilanlan ng Pilipinas ay kailanma’y ipinaloob (at hindi sadyang nakapaloob) sa isang masalimuot at basag na imahe. And daluyong ng kultura ay nakatali sa ugong ng Kanluran. Ang bugso ng diwa ay napalitan ng liberal na ideya. Ang kampay ng bandila ay sabay sa galaw ng US. Matagumpay na natukoy ng mga taliwas ang mabisang pormula’t tumbasan kung paano pasusukuin ang nakararami at payagang tiklupin lang ng iilang kamay ang ari-arian na dapat sana’y pag-aari ng lahat.

Nanatiling atrasado ang sistemang pulitikal na pawang pumapabor sa langis ng burukrasiya -- ang kinagisnang lipunang pumupuno sa baul nina Lopez, Ayala, Araneta, Zobel, Cojuanco at iba pang nasa tuktok ng tatsulok. Silang nagpapasasa sa tagumpay ng pyudal at kolonyal na iskema. Silang nagmamay-ari at monopolista ng moda ng produksyon.

Nagkakasya lamang sa hindi makatarungang ikinabubuhay ang nakararami – habang patuloy na nagkakamal ng yaman ang mga kapitalista. Masagana ang hapag-kainan ni Mikee – may corned beef, may hamon, ilang hati ng tinapay mula sa Pransya, orange juice at iba pa; samantalang nagtitiis sa kasalatan ang hapag ni Mang Juan.

Ang pwersa samakatuwid ay hindi magmumula sa sanktuwaryo ng mga naghaharing-uri. Sa halip ay sa pwersang bubuhay at magpapaalab sa tunay na pambansang demokrasiya. Ang pwersang magmumula sa nakararaming Pilipino.

Ano ang nakikitang kahinaan ng pwersa ng ilang naimulat na?
(at hindi rin tiyak kung patuloy na dumarami)

Hanggang alam lang. Binabaog ng teorya.
Walang aksyon o praktika.

Sa nalalapit na praktikum o pakikipamuhay sa kanayunang malayo sa luho ng urbanidad, hindi ako tiyak kung dapat bang tawaging "pagsubok" ang paglalapat sa praktika ng mga teoryang ito.


_____________
"Behind every ideology, political line and orientation, is an act of faith, a belief in an option or stand. The correctedness of a position, while it may seem to be the absolute truth at one point in time, can only be judged after the passage of time and events into history." -- Denis Murphy, A Decent Place to Live

3 comments:

Anonymous said...

Good luck sa iyo! sana makuha mo ang groupmates na angkop sa iyo.

ipagpatuloy ang pakikibaka.
patuloy na magmulat.


- . .

xchastine said...

the waw post!

isang linggo nalang at practicum na. :)

P O R S C H E said...

SALALALAMAT!:D