Sa kanyang mga mata, masisilayan mo ang sipag at tiyagang pinanday ng pagnanais na maitaguyod ang kanyang pamilya. Bagaman hindi maikukubli ang mga kulubot sa noo't balat, mababatid ang kakontentuhang hindi mo makikita sa mga matang pinaiikot ng materyal. Hindi mo lubos na mauunawaan kung ano ang pinanggagalingan ng bawat buntong hininga. Hindi mo mauunawaan ang kasaysayan niya sa pagtingin lang sa nakaumbok na ugat sa tuwing ikukumos niya ang kanyang mga palad. Hanggang larawan lang ang mananatili, gayunpama'y mapupukaw ka ng kanyang kuwentong lubog sa praktika.
Maluluma ang serye sa telebisyon kung gugustuhin niyang ibahagi ang kampay ng karanasang kabilaang tumatagos sa tanong ng intelektwal. Dumapa ang kamulatang akala ko'y sapat na. Tunay ngang hindi kailanman at walang sinuman -- ang siyang makapagsasabing, "kumpleto't armado na ako ng kamulata't karanasan."
Patuloy na ikikiling ang tainga sa walang sawang pakikinig sa kuwento ni Tatay Efren at ng dakilang uri niya -- masusi at buong-pusong bubuksan ang sarili upang bigyan ng pagkakataon ang aralang hindi nagkakasya sa klasrum.
Iyang si Tatay Efren, hindi lang huwarang ama't asawa,
ngunit kabalikat din ang uring malawakang sinasamantala.
Mahihinuha ng sinuman kung paano pinahinog ng mapanubok na kondisyon, sa puting buhok at matitigas na kalyong dulot ng lupang umiilalim sa represyon;
Iyang si Tatay Efren, bagaman payat at pagal,
Ay tinutumbasan ang lakas ng alagang may sungay
Iyang si Tatay Efren, bagaman kulay sahig ang balat ay dakila,
sa paglaban para sa lupang batis ng buhay ng kanyang pamilya;
Binilad pa sa sobrang init ng araw ang katangiang
bubuo sa dibuho ng tunay na magsasaka, ng uring api, ng anakpawis.
kasabay nito ay ang pagyabong ng bagong pag-asang ipupunla sa lupang dinilig sa dugo't pawis;
Iyang si Tatay Efren, hindi nakapagtapos,
ang siyang kuminis ng aking kamulatan;
Iyang si Tatay Efren, bagaman kalahating buwan ko lang nakasama,
ay natimo ang pakiramdam sa piling ng masa;
Iyan si Tatay Efren! Isang magsasaka.
Isang pagpupugay sa iyo at sa uring kinabibilangan.
Mabuhay ang uring magsasaka!
-----------------
*isang upland farmer ng Sitio Ricafort; isa sa mga tinuluyang tatay sa praktikum
No comments:
Post a Comment