Wednesday, June 10, 2009

Paglaya Namin at Hindi Ng Inyong Uri

ni YB

Layas! Pinalalayas. Pilit na pinalalayas!
Ang uring anakpawis, ang uring sinasamantala.
Patuloy na pananamantala - -
Sa lupang pilit na pinagkakasya,
Sa palad ng Araneta, sinalo ng Palmera,
Ng sistemang pinaghaharian ng burukrata!

Wala na ngang mas titindi pa, walang salitang makapag-iisa,
Sa kalagayan ng uring magsasaka.

Walang pinag-iba. Wala naman talaga!
Pare-parehas lang. Daluyong ng isip nila,
Ng PML. Ng panginoong may lupa,
Iba-iba lang ang pangalan,
Isang hibla ang pinagmulan;

Ididilig ang luha ng masa,
Sa lupang tinigang nila - -
Ihihimlay ang dugo’t pawis para sa lupa
Titiyakang hanggang usal lang ang talim ng dila - -
Wala ni isang dipang dapat mapasakanila - -
Tutunawin ang tanikala!
At mangmangin man ng kalagayang binulok ng sistema,
Hindi tatamlay ang pakikibaka!

Lupa - - isang depinisyon!
Lupang para sa mayorya,
At hindi sa tiranikal na Araneta - - malinaw!
Lupang para sa mayorya,
At hindi sa tiranikal na Palmera - - malinaw!
Lupang sa halip na ipagkanulo ay ipagkaloob
Sa mga taong kaibigan ang kalyo at paltos!

Hindi PML ang panginoon ng lupa, sapagkat,
Hindi rito nakababad ang kanyang katawan,
Hindi siya ang nagbibigay sigla sa lupa
Hindi siya ang nagpapasibol sa punla,
-at lalong hindi PML ang panginoon ng lupa sapagkat,
Hindi siya kaisa ng lupa!

Bayaran mo man ang puri ng lupa,
Kikiling at kikiling sa pakikibaka
Sa katotohanang itinakda - -
‘Di lamang ng konsensya, maging ng dalita - -
Suriin ang pag-unlad na angkop sa kabuhayan,
Hindi yaong iskemang pangkamal ng kayamanan,
Iguhit mo man sa iba’t ibang porma ng kasunduan
Matutukoy at matutukoy ang kabangisan!

Hindi riles ng tren ang kailangan ng mamamayan
Sinong makikinabang sa bakal na inutang? Wala!
Ang matabang lupa’y di dapat tabunan
Ng sementong, isang bagyo’y windang!

Lupa, kung lupa lamang ay may higanti
Sa pag-apak niyo rito’y sisiguruhin
Bawat pulgadang apak niyo’y
Sementeryong bitag ay kumunoy!

May iisang bagay – tiyak at depinitibo,
Na ang uring ito, tumirik man sa imperyo ng api
Kailanma’y hindi magagapi!
Ipupunla sa bawat tudling ang binhi ng pag-asa,
Patatatagin ito ng buho ng samahan,
Ibubuhos, buong lakas sa takdang asarol
Gagamasin hanggang ugat ang lupit ng masasahol!

Layas! Pinalalayas. Pilit na pinalalayas!
Lalaya kami at hindi ang inyong uri,
Paglayang hindi pinalabnaw
Ng anumang tumbasa’t salapi;

Laya! Lalaya. Matagumpay na lalaya!
Nakatitiyak kami - -
Lalaya kami at hindi ang inyong uri.


--------------
*tulang alay sa mga progresibong magsasaka ng Sitio Ricafort, San Jose Del Monte, Bulacan; binasa sa kampuhan, harap ng Batasang Pambansa, Mayo 18 bilang bahagi ng pinal na pagtatasa.

No comments: