Walang isang pulgada ang lapit ng lupa,
Higit pa sa katuwang, higit pa sa kasama
Saan? Saan ka ba nakakita ng lupa?
Saan? Ng Lupa. Saan? Ng Lupa.
Ng lupang nangingilid sa kuko ng magsasaka
Sabik sa punla, uhaw sa pag-ani
Ang lupang tiwangwang ngayo’y puno ng pangil
Ng pangil na iniluwal ng ganid at lupit
Ng gahamang panginoong - - abot-langit ang panunupil!
Kay Araneta? Kay Araneta ang alin?
Ang lupain binusog namin ng pananim?
Kung tunay na sa kanya ang pag-aari
Ipakita ang titulong magsisilbing - -
Katunayan na dapat siya ay kilalanin.
Ngunit, wala. Wala.
Wala siyang maipakita.
Ngayon, sinong may-ari ng lupain?
Isa. Dalawa. Tatlo. Hanggang kailan ang hingalo?
Hingal. Pagal. Atrasado.
Tinagli ng pangamba at takot;
Hindi kailanman nanamlay ang pag-asa
Hindi kailanman kinumos ng adhika
Pag-asa? Pag-asa sa lupang tatamnan? Oo!
Pag-asa sa lupang bubungkalin? Tiyak ako!
Pag-asa sa lupang bubusugin? Handa ako!
E, sa pag-asang may aanihin? --
Lutang at hindi mawari - -
Kung saan huhugutin ang kasagutang kinulong sa dilim
Sumibol man ang tanim, binansot naman ng lagim;
Hindi pabubuwag ang ating samahan,
Kabalikat ang sikhay at sigla ng kabataan
Ikaw, kabataan. Oo ikaw!
Ikaw ang kailangan,
Ang katangian mong mabisang lunsaran
Ang hawak mo ngayo’y bagong punla,
Sagisag ng katatagan at patuloy na paglaban
Sa huwad na sistemang nirupok ng pangako!
Sa kadulu-duluha’y ito rin ang makapagbibigkis,
Sanib-pwersa ang masang anakpawis
Pawiin, sagkaan ng pwersang higit sa apoy
Hindi padadaig ang aming panaghoy!
Huwad na reporma sa lupa, waksan!
Itambol ang batayang karapatan,
Tunay na repormang agraryo, isulong!
Manindigan para sa kapwa Pilipino –
Ito ang aming panaghoy,
panaghoy ng
--------------------------
*tulang alay sa mga magigiting na magsasaka ng San Isidro, San Jose Del Monte, Bulacan; piyesa para sa isang sabayang pagbigkas, panggitnang pagtatasa, Praktikum 2009.
No comments:
Post a Comment