Silipin ang unang bahagi

Bastardized Journalism?
Nagsisimula ang gusot nito sa mga pagkakataong naisasantabi na ang etika at propesyunalismo sa pagsusulat ng mga artikulo. Bininyagan ng masamang konotasyon ang tabloid sa bansa -- at tila pinaninindigan na ang konotasyong ito magpasahanggang ngayon. Ang paglalakip ng deskripsyong "epitome of bastardized journalism" sa mga tabloid ay isang ideolohiya ng mga may kapangyarihan upang patuloy na isulong ang interes ng mas malalaking media outfit/outlet na kadalasa'y pagmamay-ari nila.
Isang SUGAL.
Pansinin na ang nagmamay-ari ng mga malalaking media outfit sa bansa ay pawang mula sa mayayamang pamilya (Lopez, Gozon, Cojuanco, atbp.) Agawan sa trono kung sino ang numero uno sa ratings game ang kani-kanilang istasyon. Ang masaklap pa rito, hindi na lamang sa telebisyon ang okupado nila, kundi maging ang lahat ng porma ng daluyan -- TV, radyo at maging sa print. Sa gayong kalagayan, nagiging estratehiya ng mga maliliit na media outfit katulad ng tabloid at iba pang kasapi ng maliliit na print media outfit na maglabas ng mga istorya, lahok, balita o artikulong hindi kayang pangatawanan ng mga istasyon tulad ng ABS-CBN, GMA 7, TV5 at iba pa. Inilalahok ang mga kuwento ng romansa, sex, emosyon at libangan -- sa puntong tuluyan nang nakukumpromiso ang kaangkupan ng mga salitang dapat gamitin, maging ang pamantayan sa responsableng pamamahayag -- lahat ng ito ay isinusugal makasabay lang sa daluyong ng mga higanteng media entity sa nagmomonopolisa sa viewership/subscription sa kahit anong porma ng news media. Gayunpaman, ang ganito ka-liberal na paraan ng pamamahayag ay nararapat pa ring kondenahin at baguhin!

Hindi rin nabibigyang atensyon ang balanseng distribusyon ng mga artikulo -- kung ano ang pawang mga balita, lathalain, balitang pampalakasan, showbiz at panlibangan; kung ano ang dapat nasa harapan at likod. Halu-halo at may kakulangan sa organisasyon. Ang nagiging batayan kadalasan ay kung ano sa palagay nila ang bebenta sa mata at kikiliti sa emosyon ng mga mambabasa -- isang malaking pagtatangka na makabutas sa solido
ng bahagdan ng mambabasa ng mga nanaig na print medium; isang penomenon kung saan hindi na dapat pang magtaka kung bakit may double standard sa usaping ito. Ibang- iba ang pagtingin sa tabloid at broadsheet. Tiyak ang pagtatangi at matalas na iginuguhit ang pagkakaiba ng dalawa.
Para sa mga kritiko ng moralidad at konserbatibong panahanan, malaswa at hindi na dapat pang tangkilikin ang tabloid at kaugnay na midyum, ngunit kung tatambalan natin ng malalim na pagsusuri, mauunawaan natin kung bakit nagkaganito ang katangian ng tabloid journalism sa ating bansa sa mahabang yugto ng pag-iral nito bilang behikulo ng impormasyon.
Itutuloy.
Susunod: Moralidad at Midya

Para sa mga kritiko ng moralidad at konserbatibong panahanan, malaswa at hindi na dapat pang tangkilikin ang tabloid at kaugnay na midyum, ngunit kung tatambalan natin ng malalim na pagsusuri, mauunawaan natin kung bakit nagkaganito ang katangian ng tabloid journalism sa ating bansa sa mahabang yugto ng pag-iral nito bilang behikulo ng impormasyon.
Itutuloy.
Susunod: Moralidad at Midya
No comments:
Post a Comment