Monday, July 18, 2011

Pop Health, Pop Medicine

This article was published by Kuro-kuro: Para sa Ikauunlad ng Pilipinas
July 17 2011.

Ang lunas ngayon, salot sa susunod.

Sa itinatakbo ng kalagayang pangmedisina ng Pilipinas at Amerika, kapansin-pansin ang pabagu-bagong tunguhin ng serbisyong pangkalusugan at pananaliksik. Ang caffeine, bitbit ang tradisyunal na katagang, “lowers the risk of heart attack,” ngayo’y binabatikos ng bagong ulat.

Hindi ito bago sa iba pang produktong pangmedisinang tinatangkilik ng mga konsyumer maging sa Pilipinas, kung saan tahasan ang importasyon ng mga gamot mula sa mga banyagang korporasyon.

Wala itong higit na naidudulot kundi kalituhan at kung minsa’y kawalan ng kumpiyansa ng publiko sa mga eksperto. Samantalang itatanggi ito ng iba at sasabihing ang pagbabago sa mundo ng medisina ay walang ibang layunin kundi ang mapahusay pang lalo ang serbisyo para sa konsyumer.

Midya at ang komersyalisasyon ng medisina

Sapagkat nakasandig ang mga konsyumer sa pananaliksik gamit ang agham (biomedical & physical sciences), mistulang sunud-sunuran ang konsyumer sa anumang ididikta ng mga eksperto. At, sa kapangyarihang naipatagos ng mga disiplinang ito sa ating kamalayan, malaki ang posibilidad na yakapin natin nang buong-buo ang isang impormasyon at iturin ito bilang “paniniwala” at “katotohanan.”

Malaki ang papel ng midya sa pagpapalawig ng mga impormasyong ito. Mababasa sa Reader’s Digest at iba pang uri ng pamahayagan ang iba’t ibang ulat-medikal na tumutuligsa sa mga umano’y “nakasanayang paniwalaan” bilang mga pangunahing gamot sa mga karaniwang sakit at karamdaman.

Samantala, mapapanood naman ang mga lathalaing nagtatampok ng mga kaugnay na usapin gamit ang modernong ayudang biswal.

Sa pamamagitan ng mga 3D effects, makukulay at pinalaking mga bersyon ng molecular processes, nagiging mas kapani-paniwala at mapanghamig ang propaganda sa mga tagapanood. Sa terminong pangmidya, ito ay may investigative and persuasive impact. Sa ad placement, maaaring kumita mula sa patalastas tungkol sa inilalakong produkto.

Ang black propaganda sa medisina

Isang karupukan ng komersyalisasyon ng medisina at pangkalusugang pananaliksik ang talamak na black propagandang iniluwal nito. Hangad na maungusan o mahigitan ng isang kompanya ang iba lalo’t higit kung iisang linya ng produkto lamang ang ipinagbibili nito sa publiko.

Sa pamamagitan ng black propaganda, maaaring magamit ang pananaliksik upang maisulong ang interes ng kompanya. Babaliin o kaya’y mamaliin ng isa ang anumang naipakilalang mabisa ng katunggali.

Ikakahon bilang isang “old myth” ang mga kilalang gamot, sa pagnanais na makatagos at di kalauna’y magkaposisyon ang isang produkto sa merkado.

Sa kalagayan, tayo ngayo’y nasa yugto kung kailan nararapat nating kilatisin ang mga produktong isinasalpak ng mga kompanya sa mga butika, at hindi lamang basta magpadaig sasymbolic capital na naipataw sa atin ng medisina.

Sa halip na manguna sa pagtataguyod ng kaginhawaan — na siya nitong pangunahing tungkulin, napangingibabawan at patuloy itong nagiging alipin ng kapital at ng kaisipang magkamal ng labis na puhunan upang mapalawak pa ang merkado.

Banta sa konsyumer

Sa matalas na pagsisiyasat, masusukat natin kung alin sa mga ito ang may malinis at totoong hangaring makapag-ambag ng kagalingan sa may karamdaman — at hindi pagkakitaan at samantalahin ang buong pagtitiwalang ibinibigay ng publiko sa propesyon at disiplina, sa kabuuan.

Sa pag-uugat ng sistemang ito, walang higit na talunan kundi ang konsyumer. May alternatibo — yaong mura, likas, abot-kaya at epektibo, ngunit patuloy itong ginugupo at pinupuksa ng mga higanteng korporasyon at ng mga nais palawigin pa ang komersyalisasyon ng medisina. 

6 comments:

Anonymous said...

ang mga konsyumer ay meron kalayaan pumili kung tatangkilikin nila ang produkto o hindi di ba? isa pa meron din naman silang kakayahan suriin at pag aralan ang bawat produktong gusto nilang bilhin at gamitin kaya di mo rin dapat isisi sa medisina ang lahat.

sa isang gamot lang na nadidiskubre, madaming pinagdadaanan proseso to para lang ma apruba at pwedeng ibenta sa mga botika.

alam mo bang karamihan ng mga gamot may mga side effects?? di mo ba naisip bat binebenta to sa kabila ng di magandang epekto sa katawan? dahil sa bawat gamot o produkto marami rin kinokosidera---

Anonymous said...

---ang mga eksperto na sinasabi mo. halimbawa na lang sa gamot pang KANSER, alam mo ba na di lang cancer cells ang inaatake ng gamot nito pati na rin ang NORMAL cells? kaya nga may nalalagasan ng buhok di ba? pero ano naman ang mas matimbang para sa isang taong may taning na ang buhay? ang malagasan ng buhok o ang pag asang mabuhay ng mas matagal?

wag po sanang isisi ang lahat sa medisina at eksperto ang mga yan dahil sigurado ako maraming tao ang nagpupuyat at nagpapagod makatuklas lang ng bagong gamot at produkto para sa kalusugan ng lahat.

P O R S C H E said...

Naunawaan natin ang komento mo. Maraming salamat. Ngunit ang ipinupunto ng artikulo ay hindi ang kalayaan sa pagpili ng tatangkiliking produkto,bagkus ang black propagandang umiiral sa mundo ng medisina.

Unang-una, may kalayaan ka pa nga bang pumili ng gamot kung gipit ka sa materyal na kondisyon? Siguro may kalayaan ka talagang pumili kung mula ka sa uring panggitna. Absence of choice is poverty.

Hindi kayang salikupin ng buong artikulo ang ideya ng medisina, kaya't sinaklaw lamang nito ang banggaan ng medisina at pagpopropaganda. Sila mismong mga myembro ng medisina ay nagkakagulo sa mga dapat at di dapat.

Alam natin ang side effects. Nababasa naman kasi ang mga iyan. Gayunmapan, nagagamit na rin ito sa pagpopropa sa iba't ibang porma.

Ang punto ay may pulitika sa medisina, subukan mong suriin ang datos ng pamahalaan -- kung ilang medisinang banyaga ang pinapayagang maibenta sa merkadong Pilipino laban sa mga tuklas-Pinoy at malalaman kung paano pinupuksa ng komersyo ang mga alternatibo, sulit, abot-kamay at sing epektibong mga gamot mula sa Pilipinas.

Subuking tingnan kung ilang ekspertong "nagpupuyat at nagpapagod makatuklas lang ng bagong gamot at produkto para sa kalusugan ng lahat" ayon sa iyo, ang hindi nabigyan ng permit upang kilalanin ang tuklas nila -- kahit pa para sa kapwa Pilipino dahil sa propaganda ng mga kompanyang nagpoprotekta ng di-pangkalahatang interes, at sa pwersang mayroon ito sa pamahalaan.

Sa isang gamot na nadidiskubre, tama kang madaming pinagdaraanang proseso para lang maaprubahan at ibenta sa butika, pero hindi rito natatapos ang prosesong sinasabi mo -- higit sa chemical exams o anumang eksaminasyong mula sa laboratoryo ang tinutukoy ko.

Anonymous said...

naiintindihan ko ang gusto mong iparating sa blog na to. ang nais ko lang naman iparating ay hindi naman lahat sa larangan ng medisina ay nababaluktot ng black propaganda nasambit mo. Labis lang akong nag alala na baka lalo pang dumami ang mga pasyenteng mawawalan ng tiwala sa mga gamot at doktor dito sa bansa. Papano na lang ang mga doktor at iba pang taong hangad lang ay ikabubuti at ikaaayos ng kalusugan ng bawat isa sa atin.

sa ngayon hindi lahat ng kumokonsulta sa doktor ang bibili at iinom ng resetang nararapat sa karamdaman nila sa maraming kadahilanan bukod sa kakapusan ng pera. nakakabahala lang isipin na baka lalo pang lumiit ang porsyento ng mga tao susunod sa payo ng mga doktor. maaring makaapekto ang blog na to na pwede maging dahilan sa kawalan ng tiwala at maaaring pagdudahan na nila lahat ng gamot sa bansa natin. ayoko lang mawalan ng saysay ang mga hirap ng ibang tao, mga umaakyat ng bundok at nagpupunta sa liblib na lugar makapanggamot lang, nagbibigay ng libreng gamot at nag uusad ng mga medical missions sa iba't ibang probinsya. yun lang naman po. =)

Anonymous said...

naiintindihan ko ang gusto mong iparating sa blog na to. ang nais ko lang naman iparating ay hindi naman lahat sa larangan ng medisina ay nababaluktot ng black propaganda nasambit mo. Labis lang akong nag alala na baka lalo pang dumami ang mga pasyenteng mawawalan ng tiwala sa mga gamot at doktor dito sa bansa. Papano na lang ang mga doktor at iba pang taong hangad lang ay ikabubuti at ikaaayos ng kalusugan ng bawat isa sa atin.

sa ngayon hindi lahat ng kumokonsulta sa doktor ang bibili at iinom ng resetang nararapat sa karamdaman nila sa maraming kadahilanan bukod sa kakapusan ng pera. nakakabahala lang isipin na baka lalo pang lumiit ang porsyento ng mga tao susunod sa payo ng mga doktor. maaring makaapekto ang blog na to na pwede maging dahilan sa kawalan ng tiwala at maaaring pagdudahan na nila lahat ng gamot sa bansa natin. ayoko lang mawalan ng saysay ang mga hirap ng ibang tao, mga umaakyat ng bundok at nagpupunta sa liblib na lugar makapanggamot lang, nagbibigay ng libreng gamot at nag uusad ng mga medical missions sa iba't ibang probinsya. yun lang naman po. =)

P O R S C H E said...

Kinikilala natin ang anggulo kung saan ka nanggagaling. Gayunpaman, katulad ng aking sinabi, katulad ng ibang artikulo o blog, hindi nito kayang ikonteksto ang lahat ng mga isyung pumapaloob sa mundo ng medisina -- saklaw lamang nito ang banggaan ng medisina at pagpopropaganda.

Samantala:

"Labis lang akong nag alala na baka lalo pang dumami ang mga pasyenteng mawawalan ng tiwala sa mga gamot at doktor dito sa bansa. Papano na lang ang mga doktor at iba pang taong hangad lang ay ikabubuti at ikaaayos ng kalusugan ng bawat isa sa atin."

-- Itinuturin ko ito bilang isa sa malawakang EPEKTO, na iniluwal ng black propa sa medisina't pananaliksik.

"nakakabahala lang isipin na baka lalo pang lumiit ang porsyento ng mga tao susunod sa payo ng mga doktor. maaring makaapekto ang blog na to na pwede maging dahilan sa kawalan ng tiwala at maaaring pagdudahan na nila lahat ng gamot sa bansa natin."

-- Tulad mo, ayoko ring mangyari ito sa mga manunuklas at sa mga direktang maaapektuhan nito sa kalakhan. Layunin ng blog na ito na makapangmulat at hindi maging nakakatakot na babala/paunawa para sa mga mambabasa.

"ayoko lang mawalan ng saysay ang mga hirap ng ibang tao, mga umaakyat ng bundok at nagpupunta sa liblib na lugar makapanggamot lang, nagbibigay ng libreng gamot at nag uusad ng mga medical missions sa iba't ibang probinsya."

-- Sino ba ang nais na mawalan ng saysay ang pagod nila? Hindi ito ang puntirya ng aking argumento. Sa katunayan, malinaw kong nilahad sa dulo ang pagkilala ko sa pwersang tunay na tumutulong sa kagalingan ng lahat:

"May alternatibo — yaong mura, likas, abot-kaya at epektibo, ngunit patuloy itong ginugupo at pinupuksa ng mga higanteng korporasyon at ng mga nais palawigin pa ang komersyalisasyon ng medisina."

MARAMING SALAMAT SA IYONG KOMENYO. Batid ko ang iyong interes sa bagay na ito. Ang mga gaya mo ang bumubuhay sa diskurso at nagbibigay-daan upang mapag-usapan ang mga paksang karaniwang di nabibigyang-pansin sa mainstream media. Muli, salamat po!