Hindi ko alam kung marunong pa akong magsulat.
Ni hindi ko alam kung paano ko pa pagsasamahin ang mga letra upang ipakita ang ugnayan ng mga ito. Paano mo sisimulan ang isang tekstong hindi mo alam kung saan ang patunguhan. Sisimulan ko ang isang bagay na hindi ko kayang tapusin
Walang tandang pananong ang ano, sino, saan at kailan. Ngunit mapalad pa rin ako dahil nanatili ang tanong sa bakit
Hindi lang isang buwan ang itinigil ko sa pagsusulat. Dala ng mahigpit na pangangailangan upang makapaghanap-buhay, hindi ko na muling natagpuan pa ang panahon ko sa pagsusulat. Palagay ko'y napagkaitan ako ng isang pagkakataong akma upang maisakatuparang muli ang aking panulat.
Ni hindi ko na nagawang hawakan ang lapis at papel o ang bolpen at notebook para sumulat ng katha o anumang produkto ng aking diwa. Gamit ko na lamang ang mga ito upang magmarka ng mga simbolong walang kahuluga't repleksyon ng karangyaan "nila." Ni hindi na litanya ang iniluluwa ng aking isipan -- sa hinagap ay di ko lubusang nawari.
Dahil nagtatampo na ang mga salita.
No comments:
Post a Comment