Tuesday, March 09, 2010

Buhay Thesis

Higit dalawang buwan na ang nakalilipas matapos ibigay sa mga estudyante ang pinakamabigat na rekisito ng semestre. Nanlumo ang kalakhan. Hindi makaligtaan sa isang iglap ang bulong ng pangamba...at sa iba'y takot. Romanticized. Ito marahil ang sasabihin ng iba. Pero para sa mga estudyanteng magtatapos sa kolehiyo, ito ang isang yugto ng ligalig at hikahos. Ang pangamba at takot ay hindi pa romanticized. Kung tutuusin, kulang pa ang mga salitang ito upang ilarawan ang tila araw-araw na pakikibaka ng mga estudyanteng nagti-thesis.

Kahit siguro ang pinakamatalino sa grupo ay nagkaroon ng kahit konting pagkalito o pagkabagabag sa binubuo nitong diskruso. Sabi ng isang kaibigan, hindi makatwiran ang thesis, dahil hindi lahat ay may pantay na akses sa computer para sa encoding at hindi lahat ay may kakayahang gumastos nang ganoong kalaki para sa iba pang kahilingan ng thesis lalo na sa bahagi ng data gathering. 'Sangkaterbang photocopy para sa Review of Related Literature pati na sa survey questionnaires, sanlaksang library card na ang napipirmahan, nagkandabutas na bulsa sa pamasahe, nagkandapaos na sa kaka follow-up ng letter for interview, namilipit na ang mga kamay sa kakapadala ng mga e-mail na wala namang tumutugon, naikot na ang mall kahahanap ng pinakamurang token para sa KII o Key Informant Interview, naubos na ang pera kaka-load at namuti na ang mata kaaantay sa pagsagot ng mga respondente at iba pang kaugnay na dilemma ng mga estudyanteng nagti-thesis. Sabi naman ng isa pang kaibigan, "we are enslaved by the situation." Sadya nga namang makukuha mo pang mag-english 'pag nagigipit.

Ang sabi ko naman, hindi na nagiging usapin ang kakayahan sa pagsusulat dahil ito ay isang rekisito. Lahat ay kinakailangang pumaloob sa takdang ito kung nais makapagtapos. Hindi ito nagiging pantay sa paningin ng iba dahil hindi lahat ay may pare-parehong interes sa pagsusulat ng diskurso at pang-akademikong lathalain -- bagay na pawang kailangan sa thesis writing.

Malala na kung hindi mo napapasa ang first draft sa ikalawang linggo ng Marso -- mapapaisip ka na kung makakamit mo pa kaya ang tagumpay. Mag-uumpisa nang magflashback ang mga alaala. Magiging emosyonal at matetengga ng ilang oras. Shit! Hanggang sa matunton ang "drive" sa pagsulat. Sabay itong hahagupit sa katotohanang kailangan mo nang matapos ang thesis mo! Ngayon na. Bibiguin ang Facebook sa pagtatangka nitong sirain ang buhay mo. At patutunayang mapapasa ang burador sa lalong madaling panahon -- dahil kailangan mong gumradweyt.

(Itutuloy...)


No comments: