Wednesday, March 10, 2010

Buhay Thesis II

Sa pagitan ng dangal at puri...

Kikilabutan ka na kung hindi mo pa rin alam hanggang sa mga oras na ito ang AF mo (Analytical Framework). Pinagpapawisan ka kung sino nga ba sa mga pilosopo ang gagamitin mo o kung anong balangkas nila ang susundan mo. Ibang usapin pa ang pag-iisip na maaring hindi maganda ang kahantungan ng thesis mo kung hindi gagamitin ang mga konseptong bias ng tagapayo. Ang masaklap pa rito, sa mga pagkakataong kabisado mo na ang tunguhing landas ng thesis mo, at unti-unti nang nabubuo ang imahe nito -- Boom! Sasambulat ang isang napakalaking butas -- anggulong tinatakwil at sana'y hindi mo na lang naisip.

Ikaw naman bilang isang estudyante ay may dalawang opsyon: una, paninindigan ang nabuong diskurso at maghahanap ng susuportang ideya para lunasan ang butas (kung meron pang panahon at kung meron pa ngang lunas); ikalawa, ipagpapasa-Diyos na lamang na sana'y hindi na masilip ng propesor ang butas na alam mo namang "kasilip-silip."

Papaniwalain mo ang iyong sarili na wala talagang kamalian o karupukan ang nabuo mong diskurso. Isasandig mo sa Scope and Limitations ang mga pagkukulang ng pag-aaral mo, sabay maglalahad ng suhestyong gawin ito ng mga susunod na thesis writer sa Recommendations. Sa kalagayan, ito ang kalakaran. Pababayaan ang ganitong kaayusan, basta makalusot lang kay Prop! Dahil kung hindi...alam na! Alam na ang sasapitin ng thesis mo.

Ang thesis pala ang magdidikta sa itatagal mo pa sa Pamantasan. Mananatili ka pa ba ng isa pang semestre o matiwasay kang magtatapos sa tamang panahon? Nakahanda ang balangkas o outline. Shit! Lahat gustong marating ang Conclusion wala pa ngang Introduction! Humihingal-hingal pa para maabot ang minimum number of pages ni Sir/Ma'am. Nag-iisip kung papano maiisahan ang prop -- lalakihan ba ang font size? Pipili ng mas malaking font type o iaadjust ang palugit sa magkabilang bahagi ng papel? PERO dahil sa pamantasang kinabibilangan mo at may pagtinging "baka basahin" ito ng susunod na henerasyon, mayroon ka na namang dalawang opsyon: (1) bubusugin at paghuhusayan mo ang nilalaman at konteksto nito at (2) gagandahan mo ang sentence construction at hindi mo ipahahalatang sabaw.

Masikhay ang bawat isa sa paglalagay ng citation! Qoute dito, quote doon -- parentetikal man o footnoting. Aminin natin, nakapag-aambag ito sa kapal ng thesis. May impresyong "scholarly done" kasi 'pag may kahabaan ang thesis at hindi mo ito pwedeng itanggi. Gayundin, hindi naman magkamayaw ang isang estudyante sa kaiisip kung ano ba ang mga pwedeng ipasok sa apendiks -- pampakapal para impresyong astig. Kahit ang buong framework ng batas -- kinokonsiderang thesis!

(Itutuloy...)

No comments: