Sa hindi namamalayang galaw, sampung semestre na ang inilagi niya sa Pamantasan. Kasama rito ang semestreng pumapagitna sa isang mahabang tag-init ng paglubog sa masa at ang isang pananadyang paglalabis ng panahon. Kasabay nito ay ang apat na taong pagkikita ng mamang dinaig pa ang parak kung rumonda sa lansangan at ng Iskong malapit nang iluwa ng Pamantasan.
Ikinukubli ng mahabang tela ang mga nakalitaw na ugat sa kanyang braso. Nagkakasya na lamang sa pagputong ng binuhol na bandana sa ulo. Pumaparoo't pumaparito. Sala sa init, sala sa lamig -- ngunit sa dalawang ito, mas naging kapansin-pansin kay Isko ang halaga niya sa lamig, sa yugto kung saan basa ang kalsada at nagpupumilit sumirit ang tulo ng ulan sa mga nabubulok na kanto ng dyip. Bagaman may panakip na mas makapal kung ihahambing sa plastic cover, iba ang hatid na serbisyo ng basahang bilog.
Tatlong piraso para sa limampiso -- ito ang halagahan. Ipinamumunas sa upuan hanggang sa estribo. Ipinamumunas sa bagong Kiwing sapatos o sa bag. Ipinamumunas sa manibela. Ipinamumunas sa nababasang gamit. Ipinamumunas mo ang halagang ikinabubuhay niya.
No comments:
Post a Comment