Friday, June 11, 2010
Bagong Bihis
Sa pagbabago ng tunog ng makinilya --
mula tak...tak hanggang plak,plak,tatatak.
Sa pag-iiba ng anyo ng dating idinidiin ng higit kalahating pulgada.
Sa pag-iiba ng proseso ng paglalagay ng palugit sa magkabilang banda.
Sa pagbabago ng paraan ng paglalathala ng mga nabuong diwa.
Sa pagbabagong-anyo ng kabuuan nitong istruktura;
Sumabay man ang hagip ng modernong paggawa,
nanatili namang manwal ang pagdurugtong ng titik at salita
Ang buod ay nanatiling buod sapagkat ito'y kaiba sa nobela
Ang nobela'y nanatiling nobela, ibang usapin na ang pagsasadula sa kamera
Ang sanaysay ay isang sanaysay dahil sa buhay nitong mga litanya.
Ang iskrip sa pelikula'y iskrip dahil sa totoo nitong mga linya.
Anuman ang maging anyo ng pinagbubuklod na titik,
Sa pagkakabuo ng salita hanggang sa parirala.
Mapuno man ang papel ng pangungusap at talata.
Tuldok, padamdam, panipi't iba pang tanda.
Lathalain. Editoryal. Pamahayagang Biswal.
Balita. Kuro-kuro. Maging diwang buwal-buwal.
Diskurso. Litrato. Pagwawasto at Pag-uulo.
Panitikan. Kartun. Sinipi at bidyo.
Maikli. Mahaba.
Simple. Magarbo.
Direkta. Mapalabok.
Mabulaklak. Pansanggano.
Bawat isa'y naglalarawan,
nagpapahiwatig at nagbibigay-alam,
nangingilatis, nagbibigay-linaw
nang-aaliw o nagsisilbing tanglaw;
May mensaheng ipinararating,
'Sang laksa nang ipinabatid sa atin;
Dadaloy ang malayang diwang namamahayag
sa isa sa napakaraming tagpuan ng kalatas.
Sa bago nitong bihis --
heto na't maglalayag!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment