Sunday, June 13, 2010

Litanya at Serbesa

Serbesang muli ang bumuhay sa gabi ng ama.

Isa na lamang itong 'pambihirang gabi' kung ihahambing sa karaniwang tagpo noon sa Pilipinas. Maaga pa upang sabihing binago na siyang tuluyan ng kondisyon. Dito, kung saan mas mahal na ang bawat bote ng serbesa.

Ang dating halos araw-araw ngayo'y isa hanggang dalawang beses sa isang buwan na lamang. Naluma ang lahat ng kanyang gawi sa tuwing sasapit ang mga araw ng Biyernes, Sabado at Linggo.
Natitigang ang lalamunang dati'y daluyan ng gumuguhit na likido. At tila lumalakas ang pag-asang maipahinga ang lapay sa lasong sumusunog dito.

Ngunit sa ganitong pagkakataon, isang bagay pa rin ang hindi nagbabago -- ang paglilitanya ng ama, sa panahong sukol na ito sa ispirito ng likido. Litanya ng isang amang hiniram ang sandali upang bigkasin ang naipon sa pagdaan ng linggo. Buong-bigat na ibubuhos sa iisang panahon. Dito niya hinuhugot ang lakas ng loob upang iusal ang napipintong pagsabog ng emosyon. At ang mga emosyong ito ngayo'y nakaadorno sa mga salitang labis, at hindi niya namamalayang nakasusugat at nakalalason.

Sinanay niya ang pamilya sa ganitong kaayusan. Kaya naman, ganoon na lamang ang pasasalamat nila nang nabawasan ang mga ganitong tagpo sa loob ng kabahayan. Bagaman mahal ang halagahan ng serbesa, hindi pa rin pala nababago ang tunguhing ito ng ama. Sa pagkakataong mahawakang muli nito ang kurbada ng boteng may marka, tiyak na susunggaban ang sandali upang mapalaya ang nagtitimping litanya.

Bagaman hindi na mapapanay ng ama ang paglilitanya, kinikilala nilang mangyayari pa rin ito sa hindi tiyak na petsa. Isang gabi, naparinggan ng anak ang tumatak na nasambit ng ina, "Buti na lang at mahal na ang serbesa!"

No comments: