Lunas ngayon, salot sa susunod.
Sa itinatakbo ng kalagayang pangmedisina ng Amerika at Pilipinas, kapansin-pansin ang pabagu-bagong tunguhin ng serbisyong pangkalusugan at pananaliksik. Ang caffeine na mabisang gamot bitbit ang tradisyunal nitong katagang, "lowers the risk of heart attack," ngayo'y binabatikos ng bagong ulat. Hindi ito bago sa iba pang produktong pangmedisinang tinatangkilik ng mga konsyumer maging sa Pilipinas, kung saan tahasan ang importasyon ng mga gamot mula sa mga banyagang korporasyon. (Alalahanin din ang parallel importation at property rights enforcement.) Wala itong higit na naidudulot kundi kalituhan at kung minsa'y kawalan ng kumpiyansa ng publiko sa mga eksperto. Tiyak itong itatanggi ng iba at sasabihing ang pagbabago sa mundo ng medisina ay walang ibang layunin kundi ang mapahusay pang lalo ang serbisyo sa publiko.
Sapagkat nakasandig ang mga konsyumer sa pananaliksik gamit ang agham (biomedical & physical sciences), mistulang sunud-sunuran ang mga ito sa anumang ididikta ng mga eksperto. At, sa kapangyarihang naipatagos ng disiplinang ito sa ating kamalayan, malaki ang posibilidad na yakapin natin nang buong-buo ang isang impormasyon at iturin ito bilang "paniniwala" at "katotohanan."
Malaki ang papel ng mga daluyan sa pagpapalawig ng mga impormasyong ito sa publiko. At para sa isang entidad ng korporasyong midya, itinuturin ang science and technology issue bilang isang bagong news item -- ipahahayag, anuman ang maidulot nito sa publiko. Mababasa sa Reader's Digest at iba pang pamahayagan ang iba't ibang ulat-medikal na tumutuligsa sa mga umano'y "nakasanayang paniwalaan" bilang mga pangunahing gamot sa mga karaniwang sakit o karamdaman. Samantala, mapapanood naman sa mga 24/7 news channel ang mga lathalaing itinatampok ang mga kaugnay na usapin gamit ang modernong ayudang biswal. Sa pamamagitan ng mga 3D hologram, makukulay at pinalaking mga bersyon ng molecular processes, nagiging mas kapani-paniwala at mapanghamig ito sa mga tagapanood. Sa terminong pangmidya, ito umano'y may investigative and persuasive impact! Ibang usapin pa rito ang placement, kung saan maaring kumita ang isang media outlet sa patalastas.
Isang karupukan ng komersyalisasyon ng medisina at pangkalusugang pananaliksik ang talamak na black propaganda. Hangad na maungusan o mahigitan ng isang kompanya ang kapwa nito kompanya lalo't higit kung iisang linya ng produkto lamang ang ipinagbibili nito sa publiko. Sa pamamagitan ng black propaganda, maaaring magamit ang pananaliksik upang maisulong ang interes ng kompanya. Babaliin o kaya'y mamaliin ng isa ang anumang naipakilalang mabisa ng katunggali. Ikakahon bilang isang "old myth" ang mga kilalang gamot, sa pagnanais na makatagos at di kalauna'y magkaposisyon ang isang produkto sa merkado. Sa kalagayan, tayo ngayo'y nasa yugto kung kailan nararapat nating kilatisin ang mga produktong isinasalpak ng mga kompanya sa mga butika, at hindi lamang basta magpadaig sa symbolic capital na naipataw sa atin ng medisina.
Sa halip na manguna sa pagtataguyod ng kaginhawaan -- na siya nitong primaryang tungkulin, napangingibabawan at patuloy itong nagiging alipin ng kapital at ng kaisipang magkamal ng labis na puhunan upang mapalawak pa ang merkado. Sa matalas na pagsisiyasat at mapanuring kaisipan, masusukat natin kung alin sa mga ito ang may malinis at totoong hangaring makapag-ambag ng kagalingan sa may karamdaman -- at hindi pagkakitaan at samantalahin ang buong pagtitiwalang ibinibigay ng publiko sa propesyon at disiplina, sa kabuuan.
Sa pag-uugat ng sistemang ito, walang higit na talunan kundi ang publiko. May alternatibo -- yaong mura, likas, abot-kaya at epektibo, ngunit tulad ng ibang may dakilang hangarin sa pagbabago, patuloy itong pinipilay at pinupuksa ng mga higanteng gutom sa kapitalismo.
__________
*Cartoon lifted from limabeanlover. "Coffee Addiction."
1 comment:
Very nice post and info about drugs. Thanks to admin for sharing such a knowledge.
Post a Comment