Monday, July 05, 2010

Paglisan

*Maka-uring pagsisiyasat at analisis sa kalagayan ng mga kapwa-Pilipinong nanunuluyan sa Kennedy Court, Lungsod ng Petersburg, Virginia, batay sa kanilang desisyon sa paglisan ng ating bansa. Mayo - Hunyo 2010.

Bahagyang Salaysay ng Resulta:

Sa isang diskusyon sa klase sa pinanggalingang bayan, napag-usapan ang sapilitang paglisan o ang forced migration. Ayon sa nagpakilala ng terminong ito, mayroon itong tatlong kategorya batay sa sanhi: paglisan dulot ng tunggalian o conflict-induced migration, paglisan dulot ng mga pagbabagong pisikal o development-induced migration at ang paglisan dulot ng kalamidad o disaster-induced displacement. Hindi bago ang penomenong ito sa mahihirap na bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig. Ngunit sa kalagayan, tila may iba pang aspetong maaaring magpalawig sa dahilan ng paglisan.

Sa dalawang buwang pag-iral sa isa sa mga estado ni Uncle Sam, nabatid ko ang apat na uri ng kapwa-Pilipinong napadpad dito. Ang unang dalawa ay ang pinakapayak, samantalang ang dalawang sumunod ay yaong hindi madalas tumagos sa ating kamalayan. Maari rin itong maiugat sa unang dalawa o kaya'y baryasyon nito. Sa wari ko'y magandang anggulong tingnan ng mga susunod na mananaliksik.

Una, pangingibang bansa dahil sa nakamit na oportunidad, bagaman sumasapat naman ang kabuhayan sa Pilipinas. Karaniwan ito sa mga pamilyang iniluwal sa mataas hanggang sa gitnang panggitna o upper to middle-middle class.

Ikalawa, ang sapilitang paglisan dulot ng pagkakagipit sa materyal na kondisyon. Ito ay nararanasan ng mga nagsisilbing tagapagtuguyod o breadwinner ng pamilya. Bantad ito sa mga saray na mas mababa sa mga uring unang nabanggit o mababang panggitna pababa. Sila, na inaasahang magpaaral sa mga kaanak, susugan ang pagpapagamot ng may sakit, sustentuhan ang mga naiwang kapamilya o nangahas maging instrumento upang maiahon ang mga naiwan at mabigyan ng magandang buhay ang bawat miyembro nito. Sila, na may sentimyento tungkol sa kasalata't kakapusan, kawalan ng kasapatan at pagkakalubog sa utang. Sa deskripsyon at kategoryang ito, naisantabi muna ang konsepto ng Gross National Happiness ng mga Pilipino (pansamantalang pagtanggi sa pagiging likas na masayahin).

Ito ang malawakang nakikita kung susuriin ang dahilan sa sapilitang paglisan ng mga Pilipino. Madali itong unawain, sa batayan pa lamang ng pang-ekonomikong kondisyon. Ngunit, may iilang kaso ritong hindi madalas kilalanin bunga na rin ng madalas na pangingibabaw ng mga kaisipang may kinalaman sa naunang dalawa. Sa katangian nitong eksepsyunal o iilan lamang ang napapaloob sa ganitong kaso, sinubok pa ring isakatuparan ang isang obhetibong pagsusuri.

Ang sapilitang paglisan dulot ng petisyon sa mga anak. Karaniwan ito sa mga kabataang may edad na hindi tataas sa dalawmpu't isa. Masalimuot at matagalan ang proseso ng petisyon. Hiwalay na usapin pa rito ang fiance visa o yaong may kaugnayan sa pag-aasawa. Malinaw sa sistemang ito ang dalawang gaganap -- (1) ang unang aalis o ang tinatawag na principal at (2) ang dependent/s. Nauuna ang principal upang bunuin ang anumang rekisito ng petisyon. Kadalasan itong bumibilang ng taon bago maaprubahan. Sa yugtong iyon, marami ng pagbabago ang maaring mangyari sa mga dependent o sa kasong ito -- mga anak. Sa kadulu-duluhan, naitala ko ang iba't ibang interpretasyon nila batay sa sitwasyon: (1) susunod nang walang pag-aalinlangan, (2) susunod dahil sa panghihinayang sa oportunidad o yaong ayaw pagsisihan ang pagtanggi rito, (3) susunod dahil sa internal na pakikibaka (hal. ang takot na biguin ang mga magulang) at (4) hindi na aalis at handang bakahin ang anumang sasapitin, magtagumpay man o pagsisihan ito.

Sa pagkakawalay, maaring patuloy na mabuo ang pagkatao ng mga anak, lumawak ang relasyon sa iba, lumalim ang kamalayan at hindi mapipigilang matunghayan ang nais o nararapat nilang kalagyan sa sariling bayan. Marahil, masuwerte ang ibang magulang na nagkaroon ng mga anak na handang lisanin ang kinalakha't kinasanayang bansa nang ganoong kadali. Sa mga anak na mas handang umalis kaysa mang-iwan. Napansin kong ang ganitong asersyon ay usapin ng pamilyang may burgis na pananaw.

Bukod dito, may ipinapataw ding restriksyon sa ilang visa at karaniwan dito ang tinatawag na "package visa." Kilala rin ito sa katawagang "dual intent." Ito ang mga visa na nagbibigay ng higit pang direktiba sa iisang tao o sa simpleng pagtataya, "damay-damay." Sa pagkakataong maaprubahan sa pinilahang visa -- H1, J1 at iba pang "package visa," magiging madaloy na ang pagkuha sa mga miyembro ng pamilya. Sa pagkakataong ito, hindi ito maituturin bilang petisyon, kundi bahagi ng kanilang "package." Karaniwan naman ito sa mga guro at iba pang propesyunal na kumuha ng "working visa." Hindi pa rito natatapos ang iskema, sapagkat maaari na ring simulan ang pagpoproseso ng "greencard" habang nasa yugto ng empleyo. Ngunit, posibleng hindi makapagtrabaho ang mga miyembro nito hangga't hindi napasasakamay ang "greencard." Sa ganitong kaayusan, hayagan ang kulay ng Estados Unidos. Mapanghalina ng lakas-paggawa. Sa porma ng package visa, maaring ang isang propesyunal ng sektor pangkalusugan ay mapagkalooban ng greencard sa loob lamang ng anim na buwan! Sa isang bulnerable, ito marahil ang isa sa pinakamapanuksong panghihikayat.

Sa pagtatangkang analisahin ang kondisyon ng mga kapwa-Pilipino sa aming tinutuluyan, mapatutunayang muli na ang pang-ekonomikong kalagayan ang siyang nagtutulak o nagdidikta sa maaring ikilos ng isang saray. Ang nararanasan ng mga Pilipinong nakasasapat ngunit patuloy na nagnanais lusungin ang Amerika upang higitan ang kasalukuyang natatamasa ay posibleng isang signos ng maluwalhating pagyakap sa kolonyal na pagpapahalaga at ang matagumpay na pagtagos nito sa atin. Hindi sa lahat ng pagkakatao'y masosolusyunan ang ekonomya ng hangaring umalis. Nakahanda ang mga iskemang nag-aanyong magnet para sa atin -- na buong pag-aakala nati'y langit.

__________
*Qualitative approach

No comments: