Tuesday, February 05, 2008

Eskapismo't Pagpapanggap*

Magtago tayo nang magtago. Nilalahat ko ang mga emosyon, iba iba man.

Pagtataksil sa sarili kung kunyaring hindi mo ito pansin.
At alam mong patuloy itong nagaganap.

Hindi masusukat ang galing mong sumulat, ang talino mo, ang pagkatao mo sa pagpapasukob sa pagiging misteryoso. Ang pagiging mahiwaga ng isang tao ay likas na taglay. Hindi napag-aaralan, hindi idinikta.

Sige, pilitin nating sikilin ang damdamin mo sa iisang babasaging pagpapanggap.

Hindi mali. Kaya lang alam mong ‘pag nasobrahan ka, nakakalason.
Hanggang kailan tayo susundan ng aninong alam mong hindi mo kailanman mapagtataguan? Nagtatago ka sa sarili mong anino?

Kailan lang, sigurado ako, hindi mo malaman kung saan huhugutin ang mga salitang bubuo sa diwang alam niya lang ramdamin. Hanggang doon lang. Hindi mo ito maiaalis.

Hinihingi ba ng konsensya mong itakda ang mga nararapat na salita para sa iyo? Kung sinasabi mong hindi mo magamit ang mga salita sa tamang paraan, paano mo naman nasabi?

Napapadama mo ang isang damdaming kabalintunaan pala ng tunay mong layaw. Kabaligtaran sa kung ano ang iyong pinapakita? Hindi na ito pagliliwanag ng kung anong dapat mong maramdaman.

Kasabay nito, aminin man o hindi, napapagod tayo. Mapapagod ka.

Ang pagpapanggap ay isang paglaya sa mundong sawa ka na.

Isang emosyong gusto mo naman sanang maiba.

Isang paraan ng pagsunod sa agos ng mga taong nasa paligid mo.


Darating ang isang punto, sa muling pagluha ng iyong mata,

Makikita mo ang iyong sarili,

Wala nang maikubli. Aminin man o hindi.

Pagod na sa pakikipaglaro sa pagitan ng dalawang mundo.

Napagod na sa pagsusuot ng uniporme para sa ibang ikaw.

Ang tangi kong sagot, pagpapalaya. Paulit-ulit man.

Sa pagpapalaya, makikita mo ang katotohanan, hindi ka na mahihirapan.

Hindi ka na maguguluhan.

Ang hindi ko lang alam, paano ang pagdating niya at kung kailan.