Monday, May 19, 2008

May X sa Tren

Bumati sa akin ang isang maambong araw.

Bitbit ng nakararami ang kanilang payong habang suot naman ng iilan ang kanilang jacket.

Bukod sa paglista ng palasak na pathway niyo, napansin ko ang kakaibang mundong pilit ipinaiitindi sa akin ng behikulong may sariling landas at may sariling espasyo. May boses na maririnig kung saan hihinto at kung ano ang susunod na destinasyon. Tumutunog na pinto. Sasarado. Bubukas.

Sinasabing ang iba't ibang uri ng tao ay dito mo makikita. Iba't ibang emosyon. Iba't ibang galaw. Iba't ibang pinagkakaabalahan.

Kung malapit ka sa estribo nito, agad mong mapapansin ang pagpasok at paglabas ng mga parokyano nito. Pipila. Bibilhin ang kapirasong kard na nagsisilbing pasaporte sa paglahok at pagkalas sa sistema nito. Minsan, sa tatlumpung segundo bago ka pagsarhan, kinakailangan mong humaripas sa pagtakbo.

Makulay. May naka-asul. Naka-pula. Naka-puti. May naka-itim. Naka-lila. May multi-colored. May panakanakang magkakatulad na damit. May kanya kanyang projections -- naka spaghetti, sleeveless, plantsadong damit, acid wash na pantalon, ipinagmamalaking tatak ng bag, brief, damit at iba pa. May revealing, may conservative. Bukod sa mga bagay na ito, hindi rin pahuhuli, lalaki man o babae, ang pagpapakita ng kung anong meron sila -- iPod, N Series, MP3, MP4 at iba pa.

Samantala, pag napalinga ka sa malamig na sahig, hindi mawawala ang kultura ng Havaianas at ang mga kamag-anak nitong flip-flops. Iba't ibang pares ng sapatos. Iba't ibang moda at mukha -- may pabilog, may matulis, may maputik, may makintab, may simple, may nagyayabang.

Iba't ibang tatak. Iba't ibang uniporme. Iba't ibang propesyon. Iba't ibang tao.

Sandaling tingnan ang mukha ng iilan, makikita mo ang isang kahanga-hangang obrang nagpapakita ng damdamin. May napapangisi sa pagbasa ng txt message. May abala kung papanong puwesto ang gagawin upang hindi talunin ng puwersang lumalaban mahusay man ang tindig. Kanya-kanyang hawak, kanya-kanyang kapit. Sa kabilang banda, may nanamantala sa 30 minutong biyahe nito kung dulo-dulo ang babagtasin mo, inaangkin ang ilang minuto upang umidlip.

Ang iba, nag-iisip kung papaupuin ba niya ang lola sa kanyang harapan. May nakokonsensya sa hindi niya pagpapaupo sa buntis kanina pa lamang sa simulang terminal. May mga taong may nakikipagtalo sa isip kung saan dapat akmang bumaba ayos sa kanilang pupuntahan. May nag-iisip kung paano sila paglabas dahil umuulan. May abala kung paano tatakpan ang sarili sa sobrang ginaw. May naiinis dahil hindi makaya ang amoy ng katabi. May nayayamot sa sari-sari at nagtatalong amoy ng kulob, pabango, cologne at amoy ng katawan. Umaasang matapik ang mamang nasa harapan niya at pakiusapang ibaba nito ang kanyang kamay upang hindi maamoy ang kili-kili.

May tuliro kung ano ang ihaharap sa kapwa pasahero sa pagbalandra niya 'pag malapit na siyang bumaba -- ang mismong harap o ang puwet. May nakalaylay na ang nguso sa sobrang pagod at gutom. May soundtrip. May mag-irog. May masungit na lola. May supladang ina. May supladong mama. May emo. May ingat na ingat na hindi siya marumihan dahil nakaputi siya, ingat na ingat na magalusan ang bagong biling sapatos o tsinelas. May nag-iisip ng kung anu-anong angst, problema at iba, pansamantalang ginagamit ang oras upang subukin, na baka makaisip sila ng solusyon sa mga ito -- pera, tuition ni bunso, nambabaeng mister, disconnection notice ng Meralco, Nawasa at PLDT, promotions, flirts, love life, load, tsismis at iba pang isyung hindi ko na kayang basahin kahit pa maglip reading ako.

Sa pagsakay ko rito, mas nadarama ko ang halaga ng panahon at ang oras, kasabay ng salungat na direksyon ng aking tatahakin, ang napakabilis na paghabol ng aking mata sa mga bagay sa labas. Kapag sumakay ka rito makikita mo iba't ibang istilo sa paggamit ng oras, ang kanya-kanyang paraan upang sulitin ang hiram na oras ng paglalakbay.

Higit sa lahat, may perstaym na hindi alam kung saan ba dapat ilingon ang leeg upang tanawin ang labas -- mga landmarks, billboards, buidling, simbahan, mall.

Kinakabahan sa tuwing ipapasok na ang card sa inlet ng entrance at exit.

4 comments:

xchastine said...

at meron ding nakikipag-unahan para sa upuan. parang bata, nakakatuwa. :D

P O R S C H E said...

Tama! Parang nung sumakay tayong dalawa, nakikipagunahan ako sa upuan. Hahaha.

Railey! said...

I agree. Minsan nga nagawa ko na ding makipagunahan. Hehe. Sabi ng girlfriend ko,sana daw pinaupo ko yung lola! Haha. Realistic! Nice.

P O R S C H E said...

Hehe. Kasama ko si noongmalapad nang makipag-agawan ako ng upuan sa tren.