Thursday, May 29, 2008

Underprivileged: Kwento sa Kahabaan ng Divisoria

One-Six-Eight, murang damit, apat isang daan, tatlo isang daan, murang plastik, murang prutas, murang panlaba at iba pang mura. Dito mo rin lamang makikita ang lahat ng uri ng promo -- bumili ka ng isang bag, iuwi mo ang dalawang notebook.

Dito, mabibingi ka sa ingay na nagmumula sa mga suki at parokyanong nagtatawaran, mga nanay na pilit ipinapako sa 15pesos ang 23pesos na produkto, pabaratan, sa sadsad ng kariton kapag naghahatid na sa merkado, sa ugong ng dyip para sa bagsakan ng mga gulay at prutas, sa mga nagmumurang mama bitbit ang dalawang sako ng bigas sa likuran, sa dalawang aleng nagkakapikunan, sa dalawang batang naglalagkitan na ang mukha dahil sa sago, sa mga pawisang kargador, wala pa diyan ang tahimik na angilan ng mga taong nagbabanggaan. Nakakapagod mang suyurin ang kahabaang iyon, sulit naman sa pagkakakilala ko sa kabilang bahagi ng aking kinalakihang Maynila.

Hindi na lingid sa ating kaalaman na ang kahabaan ng Divisoria hanggang sa ngayon ay isa sa naging lunduyan ng masang Pilipino pagdating sa produktong mura.

Kung ika'y matalinong mamimili, dito ka makakatagpo ng produktong mura ngunit hindi sinasakripisyo ang kalidad.

Kung hindi ka tatagal sa kaligirang nais ipabatid ng DV, hindi dapat mabahala dahil may de-aircon na Tutuban Mall para sa iyo -- murang pantalon, murang blouse, rolyo ng tela, sapatos, lahat! -- mas lutang pa rin ang bagsak-presyo kumpara sa ibang mall. Sabi nga nila, "ambiance kasi ang binabayaran mo sa ibang mall."

Sa kabila ng lahat ng ito, mas nakapukaw-pansin ang iba pang anino ng kahabaang iyon.
Samahan mo man ng panalangi't dasal, doon masasaksihan mo ang tila mailap na pag-ikot ng kapalaran -- sa mga lalamunang uhaw at kalamnang gutom. Madalang ang paghawak ng mga rukhang palad sa pinagkakait na piso at ilang barya. Kung susuriin mo ang lansangang iyon, makikita mo ang kabilang bahagi ng mundo ng Maynila -- pinauunlad ng mga lokal na mamumuhunan at ng mga karaniwang tao. Hindi sa mga tindahang hinahawakan ng mga Tsinoy, pero sa mismong tindahan sa bangketa, sa gitna hanggang sa takluban na ang buong Ilaya at Recto. Masisilayan mo sa dami ng isda sa banyera o sa dami ng nakasabit na laman ng baboy at baka, ang pangangailangan ng nagtitinda nito. Tinataga ka man ng init ng araw, para sa masa, mas pipiliin mong salubungin ang kalsadang iyon at hawiin ang dumi't alikabok, maka-una lamang sa mga mura at masaganang tinda ng Divisoria.

---------
*Alam niyo ba? Divisoria goes global.
Sa sobrang sikat ng Divisoria, may website na divisoria.com, at ang tagline nito ay "The Global Filipino Store":)

6 comments:

xchastine said...

hindi ba black market ang divi? pero hindi mabuwag buwag. :)

sama ka samin ni shayne at tin minsan! jan kami namimili, lalo na pag tuwing xmas rush. haha.

P O R S C H E said...

hindi ko alam kung black market eh.:)

why not? ang iniiwasan lang naman natin sa Christmas rush, e yung magkapare-pareho tayo. O kaya naman, baka makita ng isa't isa yung regalo. Hahaha.

Railey! said...

I've just seen a documentary script.:)

Bumibili din ako dito, kaya lang sobrang daming tao.. as in..,,.

xchastine said...

ay, onga pala. wag na lang pala! haha.

Anonymous said...
This comment has been removed by a blog administrator.
P O R S C H E said...

To noongmalapad:

haha... biglang bawi!;) pero,grabe ang mura talaga dun, dun din ako nakakain ng bulalo nung bata pa ako eh.. sarado na ngayon..

To railey:

Yun nga lang, sobrang dami ng tao, pero sulit. Kailangan ng dobleng ingat sa mga masasamang loob.
Dokyu? Haha.