Tuesday, December 02, 2008

SC

Alam kong may laman ang bawat tahol na iyon.
Alam kong hinihingal siya sa bawat paghinto ng sasakyang magdadala sa kanya sa tahanan.
Halata na ang kulubot sa kanyang noo.
Halata na rin ang bahagyang panginginig ng kanyang bahagi.
Nais niyang nakawin ang hiram na sandaling iyon,
Sa bus na may destinasyong sumasalo sa karukhaan ng Kamaynilaan.

Ilang saglit pa, palinga linga at inaabangan ang tamang lugar kung saan, dapat pumiglas sa kinakapitan.
Balisa sapagkat may pagdududang magkamali sa palatandaang pinalabo na ng paningin.
Magkamali sa palatandaang palatandaan din ng nakararami.
Sa kung anong sulok ng kalye matatagpuan ang 7-Eleven.

Hanggang sa lumipas ang maningning na ilaw mula sa parol,
Silaw ng billboard at pag-alpas sa malaking arko.

Bakas ang pagod sa mga ugat na nakalitaw sa kanyang balat.
Tuliro ang lahat sa paghagilap sa kung saan nga ba nila naitabi ang tiket ng bus.
Itinayo na niya ang kahoy na tungkod, at inayos ang plastik na siyang sisidlan ng inilako.
Panay din ang ayos sa antiparang putol ang kaliwang sukbitan.
Tanaw sa maong na kupas ang pagkahapo sa buong hapon.

Baka lang makaligtaan,
Ilang sandali pa bago humantong sa paroroonan.
Dumako na ang inspektor sa kanyang upuan.
At sa paglabas niya ng tiket mula sa kaluping banig,
ay ang sabay na pagluwa ng isang kwadradong bagay --
pirmado at de-litrato.

Hindi sinasadyang natanaw ng mata ko.
Constancia Vasquez.*
Senior Citizen.

6 comments:

Anonymous said...

Galing :D

Anonymous said...

SC: Senior Citizen
Social Criticisms din.
kawawa naman ang mga lolo't lola natin

Anonymous said...

hehe..kala ko supreme court, puro pulitika na ata nasa isip ko.

pero astig, ang galing!

Anonymous said...

Napaka! wala ko masabi! akala ko tungkol sa isyu ni jocjoc at SC. one word. WOW!

Railey! said...

sssssuuuusss.. lupet.

P O R S C H E said...

Maraming Salamat! SC, hindi supreme court... senior citizen..

sa sobrang politically-saturated na ang atmosphere sa bansa.. nakakalimutan na -- na may ibang pagkakahulugan din ang SC, at hindi lang Supreme Court. Hehehe.