
Kapag iniisip natin na maraming nagmamasid sa atin, mas lalo nating nararamdaman ang halaga ng pagiging banidoso. Ang pagiging banidoso ay hindi lamang limitado sa mukhang nais mong ipakita sa tao, ito rin ay ang pagmamatyag sa gawain mo.
Walang masama sa pagiging banidoso, pero ang hindi pag-amin sa katotohanang ito, oo.
Walang masama sa pag-amin na ikaw ay banidoso, ngunit ang higit sa pagiging ganito, oo.
Hinihingi nga ba ng pagkakataon na maging banidoso tayo?
Produkto nga ba ng pagiging banidoso ang patuloy na pag-usbong ng mga "cosmetic products", "medical tourism" at pagsikat ni Belo at Calayan? O, sadyang sumusunod lamang ito sa propisiyang binibigyang-diin ng kawalan ng "human satisfaction" -- kawalan ng kuntento at kasiyahan sa itsura mo.
Maraming kuro-kuro ang maaring itala sa puntong ito, ang etika mula sa Simbahan hanggang sa pamantayan ng lipunan tungkol sa kung ano ang maganda. Hindi pinipilit ang kagandahan o kaguwapuhan. Nalalaman nating hindi lamang pisikal na anyo ang batayan sa daigdig na ating ginagalawan, at maraming istorya na ang naghuhugpong sa mga kuwentong ito. Nakalap natin ang ilang konsepto ukol dito.
Una, ang pagmumukha mo ay may sariling awra sa pinakasimpleng itsura nito, ang paglalagay ng kosmetiks sa mukha ay isang pamamaraan upang mapaunlad pa ito -- ang resulta, pagtaas ng self-esteem, confidence at presentation. Ang mga nakikinabang sa uring ito ay ang mga sinasabi nilang "physically challenged" o simple lamang ang punto nito, nais mong gumanda lalo o nais mong maging maganda.
Ikalawa, ang pagiging banidoso ay hindi lamang ang tipikal na pghawak sa salamin, at pagsuri sa sarili. Ang pagiging ganito ay isang pamamaraan ng pagbabantay sa kalusugan, "health consciousness" sapagkat nabibigyang lunas ang mga hindi kaaya-ayang istruktura, maging ang hindi kanais-nais na amoy ng katawan.
Ikatlo, ipinapalagay na ang pagiging "vain" ay ang pinakasimpleng pamamaraan ng paghusga sa sarili. Sa isang daang paraan ng pagpapaganda, ito ang una sa listahan. Ito ay nakaayon sa intelektwal na pananaw.
Bago natin bigyang puna ang iba, bakit hindi muna natin bigyang puna ang sarili? Sa pagiging banidoso binibigyan mo ng pribelihiyo at karapatan na husgahan ang sarili mo. Sa pagharap mo sa salamin, direkta mong nakakausap ang sarili mo. 'Pag humaharap ka sa salamin, natutunan mong sagutin ang mga tumatak na tanong sa iyo, na hindi mo masasagot kapag hindi mo nakikita ang iyong sarili. Nakikita mo kung paano inaarte ng iyong mukha ang iba't ibang emosyon. Napapaisip ka kung hindi ba malaswa ang dating ng repleksyong 'yan sa ibang tao.
Kapag humaharap ka sa salamin, nakikita mo kung karapat-dapat pa ba ang mukhang nakikita mo, na manghusga sa kapwa mo tao.
*Mas maraming mas mahalagang isyung dapat bigyang-pansin, ngunit sa isyu ng maling paghusga, bigyan natin ng panahon ang pagtingin mismo sa ating sarili.