Monday, January 26, 2009

Buhay-Estudyante

Ikinagulat ko ang tawag na iyon kaninang umaga.

Sa tawag mula sa linya ng telepono, mababatid mo agad kung anong mga bagay ang kulang sa kanya -- pahinga, espasyo at malamang, makakausap. Sa tindi ng panginginig ng boses niya sa mga oras na iyon, madaling gumana ang imahinasyon ko sa posibleng istura ng kanyang mukha. Kung hahanapin ang salita, "breakdown", ika nga ang nangyari sa kanya -- sa panahong may serye ng ulat, rekisitos, quiz, eksam, recitation at marami pang iba. Dito, mas nakita ko ang malapit na halimbawa na maaring may direktang epekto ang pang-ekonomikong kalagayan ng estudyante sa pag-aaral nito.

Sa napakamapanghamon at madalas pa nga'y mapanuksong mundo ng estudyante, mahalaga ang pag-oorganisa at pangangasiwa ng panahon o ng oras. At dahil hanggang sa ngayon ay status symbol pa rin ang pamantasang nakalathala sa curriculum vitae, hindi nagiging "basta-basta lang" ang pagsungkit ng toga.

Hindi madali ang buhay kolehiyo sa henerasyon ngayon. Ito ang henerasyong maugong ang pagsikil sa kalayaan ng mga estudyante para sa abot-kamay na pampublikong edukasyon. Ito ang henerasyong binabalot ng napakaraming banta ng kawalang katiyakan, lokal man o pandaidigan o kahit sa loob lang ng pamantasan. Ito ang henerasyong binabatbat ng napakaraming kontradiksyon sa aspetong panlipunan, kultural, ekonomik at politikal. Ito ang henerasyong bulnerable sa iba't ibang porma ng represyon mula sa kasalukuyang kultura, na may kaugnayan sa kolonyal na karakter nito. Ito ang henerasyong lito sa kanyang pagkakakilanlan. Sadlak sa kahirapan ang nakararami. Walang pakielam ang ilan.

Natatangi ang mabigyan ng pagkakataon upang libangin ang sarili sa prestihiyosong pangalang ibinabandila ng Pamantasan at katambal nito ay ang malawak na kahulugan ng "likas" na buhay-kolehiyo -- ang pagpataw ng mga mabibigat kahilingan sa iba't ibang kurso, kasabay ng pagiging "anak", "kaibigan", "mamayan" at iba pang gampaning panlipunan. Sa pagkakataong ito, isinusuko natin ang higit na bahagi ng ating panahon sa mga bagay na ito -- sa kahit anumang paraan ng pag-aaral ang naisin ng bawat isa. Sa sitwasyong ito, nakikita kung ano ang pinagkaiba mo sa iba pang buhay-kolehiyo.

Masinop ang sinumang makapagbibigay ng ganap na hustisya sa mga aralin sa loob at labas ng classroom. Ang tambak na kahilingan ng kurso ay tintitingnan ko na lamang bilang bahagi ng kanilang pang-akademikong pagsasanay (kahit tingin ng iba'y mukha na talagang nananadya).

Ang tumbasang inihahain ng buhay-estudyante ay sing linaw ng epekto nito sa pagkatao ng bawat isa sa atin. Pagiging mas responsable. Mas matapang. Mas masipag. Mas may tindig. Mas matibay. Sanay. May paroroonan. Buo, at patuloy na binubuo.

Sa pagbaba ng telepono, siniguro kong magkikita pa rin kami sa loob ng kampus -- tiniyak na hindi pa rin nawawala ang inisyatibo upang hindi bumitiw at ipagpatuloy pa rin ang buhay-estudyante, ang yugtong naghahanda para sa mas masalimuot na buhay.

Simula pa lamang ito.

3 comments:

Railey! said...

Wow! may ganon. Go UP!

Who's the person?

Anonymous said...

Basta, the moment you refuse to die.
you don't have the right to complain anymore. haha.

Anonymous said...

That's life. it's really a matter of time management and avoiding simple things to be complicated.