Wednesday, September 09, 2009

Lito, Kapa, Pasya

(Lost, The Search, The Decision)

Sa napakaraming elemento ng pagtatangi, ni minsan hindi mo naisip na sa sariling pamilya mo pa ito magmumula. Pamilya bilang isang malaking sagka sa alam mong tama at dapat mong tahaking landas. Hinuhuli. Dinudukot. Pinapatay. Tiyak ako, umabot na sa puntong ipinanalangin mong hindi lang sana inilabas ng midya ang ginagawa sa mga tibak.


Isang matapang na desisyong suungin ang daang kaiba sa kinagisnan, ngunit hahakbang ka pa nga lang ay hinihila ka nang muli/ pabalik sa iyong pinagluwalan. Markado ka ng kaisipang mulat, ngunit nakatali ka pa rin sa ugat ng konserbatibong pamilya -- na alam nating, kailanma'y hindi naging madaling kalimuta't iwaksi!


…Kapirasong pagkataong pilit nasisikil ng sitwasyon at pagkakataon. May pagkakataong kumakatok (sumusubok) sa iyong paninindigan ang obligasyong kaakibat ng pagod ng iyong mga mahal sa buhay.



Kahit gaano mo naising ialay ang sarili sa iyong ipinaglalaban, malakas ang sipa ng katotohanang obligasyon mo ang matapos ang iyong pag-aaral. Alam mong bawat oras na inilalaan mo para maipasa ang iyong mga eksaminasyon, para matugunan ang mga rekesito ng paaralan o para makakuha ng mayayabang na grado ay katumbas ng sakripisyo't tiwala ng iyong mga mahal sa buhay. Lahat ng iyon ay katumbas ng bawat araw na pagpapa-alila ng iyong ina sa lupang banyaga, bawat pawis at gatla sa mukha ng iyong amang tumanda na sa pabrika, lalo't higit ng pag-asa na buong bigat na isinandig sa’yong mga balikat.


Nais mo mang pumalaot sa dagat ng pakikibaka, hindi ka iniiwan ng damdamin para sa personal mong obligasyon sa paaralan at sa pamilya. May pagpipilian ka man, tila aayawan mo na rin ang mamili.

…Araw araw na pakikiabaka't pakikipaglaban.



Nawaglit sa isipan mong nalilimitahan ka ng materyal na kondisyon. Pera - - hindi mo naisip na kaya nitong pilayin ang iyong pagkilos. Nakasandig ka na sa lakas ng masa, sa determinasyon ng nais magtagumpay sa labang dekada na ang iniiral.

Ngunit ginigipit ka ng sitwasyon,

Ng kalam ng sikmura,

Ng ngatog ng kalamnan.

-----------------

Kung nangangapa ka sa dilim, umpisahan mo nang hanapin ang liwanag.
Gusto mo ng liwanag ngunit natatakot kang suungin ang dilim.

Nais mong maglingkod ngunit hindi mo tuluyang maibukas yaong palad. Mulat man, ngunit maraming bagay ang pumipigil sa pagpakat. May linya man, ngunit binabaluktot ng kampay ng layaw. Tahasang nakukulong. Nababansot. Nanamlay. At para sa iyong humuhusga sa kanilang katangian, ano ba para sa iyo ang kahulugan ng tunay na paglaban? Maupo? Magpakalunod sa mga bagay na hindi natin nakikita? Magpakadalubhasa na lamang? Mangamba lang sa iyong itsura?



Sila… hindi lang din sila mga estudyante.

Hindi lang din kabilang sa sektor ng kabataan. Anak din sila, kapatid, kaibigan at maraming pang papel na ginagampanan sa kabila ng tawag ng pakikibaka.


____________

*Kasama si Bb. Leanne Angeles. DS 126: Politico-Administrative Institutions and Bahavior. Political Satire. "Mukha ng Aktibismo." Agosto 2009.

No comments: