Isang “hanap-buhay” kung kanilang iturin.
Tulog sa liwanag. Dilat sa dilim.
Sa makipot na eskinita ng Badjao hanggang sa lagusan ng Gomez, mamamataan ang pangkat ng mga lalaking tila may iniaalok sa pamamagitan ng mapanuyang tingin at di-berbal na pakikipag-ugnayan. Kapansin-pansin din sa kanila ang mga gawi sa katawan o mannerism na maaring dulot na rin ng pagkakalulong sa ikinakalakal na “puting buhaghag” o ang ipinagbabawal na gamot.
May tatlong mukha ang kumpol ng mga kalalakihang makikita doon -- una, ang gumagamit lamang ngunit hindi nagtutulak; ikalawa, nagtutulak lamang ngunit hindi gumagamit at ang ikatlo’t pinakamasahol ay ang kombinasyon ng dalawa.
Napakabilis at animo’y walang nangyari. May apat na porma ng pagbili ng ipinagbabawal na gamot na mas kilala sa maraming bansag – tawas, pulbo, pulboron, ubas(h), miracle powder, heaven, rebolber, iodized (iodized salt), pangkana, sundot/panundot at ang pinakahayagang shabu. Ipinakete sa plastik na hindi hihigit sa isang pulgada, ito ang pinakamababang gramo ng shabu. Kadalasan, ito rin pinakamabili dahil sa mababang presyuhan nito, na kung titiktikan ay maari pang tawaran. May tatlong istilo ang pagbebenta nito.
Ang unang porma nito ay ang “ipit-brief,” partikular sa mga kalalakihan na kunwari’y may isisingit na barya sa garter ng kansursilyo, ngunit kasabay ng pag-ipit ng limang-pisong barya ay ang pag-ipit na rin ng isa hanggang dalawang plastik ng ipinagbabawal na gamot. Ang ikalawang porma nito ay tinatawag nilang “kabilaan” sa ritmo ng larong “Appear! Disappear!,” kung saan magkukunwaring maglalapat ang mga palad ng bumibili at nagkakalakal habang kabilaang dumudulas ang pakete ng shabu at ng anumang bagay na mala-papel ang katangian – bagay na tila praktisado at napaghusayan na ng marami sa kanila. Ang unang dalawang istilong ito ay walang mintis na nagaganap sa liwanag. Samantala sa gabi, bagaman nababalot ng dilim ang kahabaan ng eskinita, naniniguro na rin ang mga “tulak” o “pusher” sa kanilang operasyon dala na rin ng madalas na pangre-raid ng kapulisan. Ang tugon sa bagay na ito ay ang ikatlong porma kung saan kaswal lamang na mag-uusap ang bumibili at nagbibili hinggil sa kantidad ng “pektus,” tsaka iaabot ang kaukulang kabayaran. Agad namang magtutungo ang “tulak” sa isang hindi pansining lugar na kadalasa’y may tanda (halimbawa, kulay pulang “X” sa pader) at doon ihihimpil pansamantala ang mga “pektus.” Matapos noon ay babalikan ang pinagbentahan at ihahabilin dito ang palatandaan kung saan maaring makuha ang biniling shabu. Sa Gomez, uso ang katagang “sa kanto lang” – isang tagpo kung saan napalilibutan ng maraming halaman at ng imahe ng Birhen.
Marahil para sa marami – marumi, mali, imoral at hindi angkop ang hanap-buhay na pinili ng mga taong tulad nila. Ngunit kung susuriin, ang bahagi ng lipunang sinaklot ng kahirapan ay yaong pinagkaitan ng oportunidad at kawalan ng pagpipilian – bagay na magtutulak para sa kanila upang kumapit sa patalim, talunin ang sariling pagpapasya sa kung ano ang tama at mali at “magtulak” na lamang upang maibsan ang kumakalam na sikmura. Sabi pa ng aking kapit-bahay, alam niyang mali, ngunit wala siyang makitang mabilis na paraan upang “makakubra ng pera pangkain.”
Dagdag niya, sa maraming kampanya ng pamahalaan ukol sa sistemang ito, pinakaayaw niyang naririnig ang islogan ng DILG, “Save the User, Not the Pusher.”
No comments:
Post a Comment