Sunday, October 04, 2009

Caricature


Salamat Po Dok.

Penomenon ni Belo.
Retoke.
Pop.




May konsepto na ng "social mask" bago pa man lumaganap ang penomenon ng dermatological,
plastic/facial surgery. Dekada otsenta kasabay ng pamamayagpag ng musikang popular ng Amerika gamit ang mga tinig ni Michael Jackson, Bon Jovi, Steven Tyler at Aerosmith, ay ang pag-ibayo ng usapin sa pagbabago ng pisikal na katangian ng ilang pamosong personalidad. Gumapang sa iba't ibang uri ng usapin ang bagay na ito. Mabili sa mga panggitnang-uri at elitista.

Maraming pananaliksik na ang naitala at nailimbag ukol sa panibagong anggul
o sa isyu ng pagpaparetoke o pagbabago ng bahagi ng katawan ayon sa suhetibong pananaw. Hindi pa rin maitatanggi na ang pagbabagong ito ay maaring maiugat sa galaw at pagtanggap ng lipunang Pilipino sa kulturang popular ng Kanluran.

Ayon sa pinagsanib na pag-aaral ng mga mananaliksik sa kultura at agham pantao, ang pagbabago sa diyeta at lifestyle ng ilang Pilipino ang maaring makapagbigay sa atin ng palatandaan na hindi nga malayong magkaroon ng pagbabago sa katangian ng Pinoy. Una, ang pamantayan ng kagandahan o estetikang Pinoy ng nakararaming bilang ay nakabatay sa banyaga: (1) kutis ni Audrey Hepburn (2) lips ni Angelina Jolie (3) kurba ni Halley Berry (4) at marami pang Western beauty trademarks kaiba sa genetic make-up ng karaniwang Pilipino. Ikalawa, ayon sa mga sosyologo, ang "gaya-gaya" syndrome ng mga Pilipino ang lalong nagpapatingkad sa isyung ito (iba pa ang usapin ng moralidad/etika). Ikatlo, ang false reverence o maling paglingap sa esensya ng pisikal na katangian. Sa lipunang Pilipino, maalala ang kasikatang bumali sa kaisipang ito tungkol sa kagandahan -- si Nora Aunor. Sa kasagsagan ng karera ng tinaguriang superstar, pansamantalang naiwaksi sa marami ang Western concept of beauty.

Sa kasalukuyan, naging karaniwang tagpo sa maraming daluyan ang pagpapasalamat ng mga artista (mapalalaki man o babae) sa kani-kanilang doktor. Kay Vicky Belo. Kay Pie at Manny Calayan at marami pang iba. Sabi nila, kailangan daw nilang pangalagaan ang itsurang tanging puhunan sa industriyang ginagalawan.

_________________
Nakabukas ang telebisyon. Minsan sa Dos. Minsan sa Siyete. Sapat lamang upang marinig mula sa kanto hanggang sa kasunod na bahay nito. Hindi n
aman naiwasang magkomento ng isang tambay sa kanto, "O talaga? E bakit si Diego? Si Pokwang?" Sabi naman ng isang hairdresser sa panulukan ng Penafrancia at Quirino Ave., "Mas maganda ko sa kanila!"

Sabi naman ng isang biyudang nanay na nagsasalansan ng mga naputikang gamit, "Wala kong pakielam! 'Lang 'ya, buti nga sila, 'yan lang ang inaalala e, ang magpaganda at magpaseksi. Wala pa 'yan sa kalingkingan ng inaalala ko araw-araw -- paano ko pagkakasyahin ang sahod ko sa pagpapakain sa apat na anak, tatlong beses isang araw? Iba pa yung Meralco, Maynilad, renta dito sa bahay, matrikula, emergency at iba pa! Umiikot na ang puwet ko kahahanap ng pera e. Dumagdag pa 'tong si Ondoy! Terible."

No comments: