Saturday, October 10, 2009

Ka Blas and the Labor Code

Paggawa at lakas-paggawa, pangasiwaan at ang pamahalaan – ang tripartite consensus ng mga elementong ito ang nararapat maisaalang-alang sa pagrerebisa ng Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas. Maaari itong tanawin bilang isang magarang estratehiya para sa panlipunang katwiran at kaunlaran. Ito ay may pitong prinsipyo ayon kay Ka Blas Ople.


“In the fist year of operation of Labor Code, we have demonstrated that labor justice can be made expeditious without sacrificing due process.”



Inilalahad ng unang prinsipyo na ang relasyon sa paggawa o labor relations ay nararapat maging pala-tugon o responsive at responsable sa konteksto ng pag-unlad.


Ikalawa, ang mga batas paggawa at relasyon sa paggawa sa piling yugto ng pambansang kagipitan o national emergency ang siyang dapat humalili sa tunggalian sa sektor paggawa. Samakatuwid, ang mga strike at lockouts ay magbibigay daan para sa isang makatwirang proseso – ang arbitrasyon o ang aregluhan gamit ang diplomasya.


Ikatlo, ang depektibong hustisya sa sektor paggawa ay hindi nakabubuti sa manggagawa, pinamamasukan (employer) at publiko. Hanggang dalawang taon at dapat nang maihain ang desisyon -- ito na dapat ang pinakamahabang itatagal ng paglilitis sa pinakakomplikadong kaso. Samantala, manpower development and employment bilang mahalagang dimensyon sa mga polisiya sa paggawa -- ito naman ang isinasaad ng ikaapat na prinsipyo. Ito ay umaayon sa paniniwala ni Ferdinand Marcos, “unemployment is the greatest exploiter of labor.”


May pandaigdigang merkadong nakalaan para sa mga kwalipikadong Pinoy, ito ang ikalimang prinsipyo ayon kay Ka Blas. Dagdag nito, “We no longer apologize for the outflow of Filipino labor abroad under such labels as brain drain. We have decided it in such a manner that it will rebound to the national interest.”


Inihahayag ng ikaanim na prinsipyo na ang mga batas paggawa ay nararapat sumusog sa wasto, likas-kaya at epektibong paggamit ng mga rekurso upang maiwasan ang kabiguan sa bahagi ng manggagawa at pinamamasukan. Ito ang principle of enforceability -- adequate resources through adequate organization.


Ang ikahuling prinsipyo ay tumutugon sa pangangailangang magkaroon ng malawakang partisipasyon sa pambansang paggawa ng polisya, partikular sa mga may nakatayang interes na dapat pangalagaan, kabilang ang nabanggit na tripartite structure.


Ang mga prinsipyong ito ang magiging katuwang ng lehislayon para sa matatag at makatwirang lipunan. Ayon kay Ka Blas, “What is unbearable is not poverty but injustice. The revision of the Labor Code will be helping to forge a stronger armor for social justice and national unity that will make our new society invulnerable to its enemies.”



________________

*Dagli ukol sa talumpati ni Blas Ople sa pagbubukas ng National Tripartite Conference on the Labor Code.

LABOR AND SOCIAL POLICY. Rationality in Labor Relations. Blas Ople. pp. 217 -223.

No comments: