Hindi 70 - 30. Hindi 60 – 40. Hindi 50 -50. Kundi 100% ownership.
Sa orihinal na mungkahing inilatag ni Muhammad Yunus sa Kongreso ng Bangladesh, pinagtitibay nito ang solidong 100% para sa mga magsasaka. Ngunit sa laganap na burukrasiya sa sistemang pampulitika, iginiit ng ministro na nararapat lamang bigyan ng bahagi ang gobyerno upang maging mas madali ang pagpasa ng panukalang ito – samakatuwid, ang rural bank bilang isang negosyo; 60-40 o 60% sa magsasaka at 40% sa gobyerno. Ngunit, sa pinakamasahol na kaganapan, ikinagulat at ikinagalit ni Yunus ang naging reversed proportion nito sa aktwal na deliberasyon sa Kongreso, samakatuwid ay naging 40-60. Sa kaayusang ito, tahasang naging government-owned ang Grameen Bank. Gayunpaman, pinangakuan ng ministro ng pinansya si Yunus na babaligtaring muli ang proporsyong ito sa loob ng dalawang taon matapos maestablisa ang batas – isang pangakong pinanghawakan at inasahan ni Yunus. Hindi humantong sa dalawang taon, nagbitiw ang ministro at bigo itong napatupad ang kanyang pangako. Magkatambal ang interes na maka-korporasyon o corporal greed at ang masahol na burukrasiya, nilamon ng sistema ang inaasam na pangarap para sa mga magsasaka. Hindi na ito muling naamyendahan sa mga nagdaang gubyerno dahil sa maka-uring hangarin nito pabor sa mga magsasaka. At sapagkat walang mahigpit na koneksyon, walang kaalyado, walang kompadre at walang makakapitang “malakas” sa proseso, ito ang nakadidismayang tugon ng burukrasiya sa mga panukalang tulad nito: “I’m sorry -- as you had difficulties with our officials!”
Ang kabiguan na mailarga ang alternatibong polisiyang ito para sa isang agrikultural na ekonomiyang karaniwan sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig ay nakapagpabatid ng isang nakapanlulumong katotohanan – na ang gobyerno ay hindi tunay na nagisislibi sa publiko ngunit naging isang institusyong kinasangkapan upang yanigin ang mga maka-mayoryang polisiya at maisulong ang interes ng mga nasa puder bilang mga politiko at negosyante, ika nga “the political entrepreneurs.” Ayon kay Yunus, the unforgettable lesson here was the failure to foresee government’s “obtuse” functions!
_____________________
Lathalain ukol sa librong Banker to the Poor: Micro Lending and the Battle Against World Poverty ni Muhammad Yunus
Chapter 7: A Bank For the Poor is Born
