Tuesday, December 22, 2009

Paskong Burgis. Paskong Pop.

Ikatlong Tagpo: Hataw sa Takilya!

Isang dekada na ring namamayagpag sa lokal na industriya ng pelikula ang MMFF (Metro Manila Film Festival) na naging MMFFP (MMFF Philippines). Nilagyan ng "Philippines" sa dulo para may dating ng pag-aangkin o "owning." Sa kalagayan, "pink" pa rin yata ang ibinabandera nitong kulay -- kung anuman ang ibig ipahiwatig niyan. Palagian itong inaabangan ng mga may pangnood ng sine -- mga magbarkada, magsing-irog, mag-sweetheart, mga cheesy, mga kritiko at nagpapanggap na kritiko ng pinilakang-tabing. Ang paskuhang burgis ay parada rin ng mga bituin, kasabay ng pagdaan ng kani-kanilang float sa rutang babagtasin ang Quirino Avenue. Bukod sa trailer at billing, ito ay isang pagkakataon kung saan nagkalat din ang movie passes, ang mga nagsisiraang advertisers at ang iba't ibang sirkus ng press release. Festival onli in 'da Pilipins.

Ikonteksto natin. Bagaman masasabing regular nang isinasagawa ang pestehong ito, matagumpay pa rin ang mga filmmaker na kilitiin ang manonood na middle class sa hindi pa nagbabagong timplang iniaalok nito. Nakaka-anim na ang Mano Po. Pang-ilan na ba ang kabanata ng Shake, Rattle & Roll? Nagpahinga pala ang Okay Ka Fairy Ko sa taong ito? Pinasok na rin ni Pacman ang pelikula. Walang pinag-iba ang tema ng mga lahok ng 2009 sa nakalipas na mga taon. Drama. Komedya. Katatakutan. Pantasya. Pinoy Superhero. Labstori.

Sa taong ito, mamimili kang muli:

1. Mano Po 6: My Mother's Love
2. Wapakman
3. Nobody, Nobody But Juan
4. I Love You Goodbye
5. Ang Darling Kong Aswang
6. Shake, Rattle & Roll XI
7. Ang Panday

Ano ang usapin: ang bebenta? O ang pinakamahusay na pelikula?

Eskapismo, pansamantalang pagtakas sa katotohanang buhay. Sa halagang P150.00 hanggang P170.00, lulubusin mo ang isa't kalahati hanggang dalawang oras na panonood. Hangga't kaya ng bulsa, susubuking mapanood ang isa hanggang sa apat na pelikula. Sa tumbasang ito, maari na siyang gawing regalo sa Pasko! Kakagatin pa rin ng mga bata ang damubs ng mga kuwento ng Pinoy superhero. Kikilalanin ang festival winners. Magkakaisyu. Lalaganap sa talk shows. Bentang benta sa mainstream. Hanggang sa nakulong na naman ang mga manonood sa bitag na ito -- mga isyung pawang paghahanda pala sa susunod na timpalak. Early bird press releases, kumakawala sa unang bahagi pa lamang ng taon. Ibang klase.

Ipinababatid sa atin na ito'y nakagawian na. Pinaniniwalang, ito'y bahagi na. Ito'y tatanggapin at patuloy pa ring panonoorin. Isasabay sa adbokasiyang, "No to Piracy. Ibandila ang pelikulang Pilipino!"

Paskong Burgis. Paskong Pop.

SILIPIN:
Pag/tulog
Eskapismo't Pagpapanggap
Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko
Ikalawang Tagpo: Sa May-bahay, Ang Aming Bati!

No comments: