Maliban na lang kung malayo sa piling ang tatay, nanay o iba pang kaanak, tipikal sa pamilyang Pinoy ang senaryong ito -- ang magkaroon ng ganang ihimpil ang Belen, maglagay ng christmas lights sa bintana o magdikit ng gintong banderitas na may nakaimprentang "Merry Christmas and a Happy New Year!" Iba-iba na rin ang disenyo't kulay ng christmas tree, sabay sa pitik ng kamay, kulay ng buhok at pilikmata ni Lady Gaga. Mamimili rin ng pamasko ang magkakapatid. Pagkakasyahin ang hindi naman talaga sumasapat. Pipiliting ipaloob sa isang DV sando bag ang halagang isa hanggang tatlong daang piso. Pares-pares na 'yun. Tapat na.
Kahit alam ni Nanay na sagad na sa buto ang pera pagsalubong sa Bagong Taon, gagawan ng paraan upang makapamili ng Noche Buena. Maraming regalo at ieextend pa hanggang Medya Noche. Ibang usapin pa ang ipauuwi sa mga bisitang nakikain sa bahay. Masaya. Umaapaw. Piging.
Mabili na naman ang mga liyanera para sa ube at leche flan. Mabenta rin ang kwadradong baking pan para sa mango float, maja blanca, fruita de leche, biko at iba. Kasabay nito ang tipikal at inaasahan nang pagtaas ng presyo ng gatas, itlog, malagkit at iba pang rekado't sangkap. Pati bilao, tataas din ng dos. Mababalita na naman sa TV Patrol at 24 Oras ang talamak na hoarding. Aasahan din ang mga promo material ng mga pangunahing bilihin -- yung tipong for every 2 bottles of 1.5 Coke ay may isang kumikinang na baso, maari ka pang pumili ng kulay. O kaya naman, apat na itlog, sa'yo na ang dalawa. Bili ka ng alkohol, may libreng bulak at cotton buds.
Reregaluhan ang malalapit na kaibigan, katrabaho, kapit-bahay, pamangkin, inaanak, pati na ang mga batang nagpapanggap na inaanak. Magpapabili na si Nanay ng gift wrapper na nakalatag sa bangketa at folding bed. Halagang limampiso, ayos na! Sa yugtong ito rin, magsusulputan ang napakaraming relasyon at kaugnayan sa buhay -- pamangkin sa pinsan, inaanak sa kasal, sa bukong-buko, sa talampakan, sa tuhod, sa pige, at sa iba pang sulok ng katawan. Isang umaga ay hihingi rin siyempre pa ang estudyanteng anak ng pera -- magsisimula ang bargain sa halagang P75.00 hanggang 150.00, depende sa katangian ng pamilya. Ang halagang ito ipauubaya para sa kris kringel, monito-monita o exchange gift nila ilang araw bago ang aktwal na Araw ng Pasko. Ito rin ang hudyat ng kanilang Christmas break. Christmas break, stop baon policy. Hindi pa pala nagtatapos doon, sapagkat hihingi rin pala si Junior ng pera para sa Package A na pinili ni Ma'am para sa food package nila sa Christmas party sa ika-19 ng Disyembre -- bukas na pala 'yun, kaya christmas rush. Salu-salo. Busugan. Butasan ng bulsa.
SILIPIN:
Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko
Christmas Tree: Status Symbol?
No comments:
Post a Comment