Wednesday, September 30, 2009

The GRAMEEN: A Bank for the Poor is Born?


Hindi 70 - 30. Hindi 60 – 40. Hindi 50 -50. Kundi 100% ownership.


Dekada ’80, nakilala ang terminong grameen methodology,” isang pamamaraan ng mga institusyong pangpinansya para sa mga sektor na sadlak sa karalitaan tulad ng mga magsasaka. Ito ay halaw sa bansang Bangladesh kung saan inilunsad ang Grameen Bank, isang rural bank na nagpapautang para sa pabahay, irigasyon, seasonal loan programs at iba pang mga probisyong inilalaan para sa mga tagapagbungkal ng lupa. Isang metodolohiyang lumawig sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig.

Sa orihinal na mungkahing inilatag ni Muhammad Yunus sa Kongreso ng Bangladesh, pinagtitibay nito ang solidong 100% para sa mga magsasaka. Ngunit sa laganap na burukrasiya sa sistemang pampulitika, iginiit ng ministro na nararapat lamang bigyan ng bahagi ang gobyerno upang maging mas madali ang pagpasa ng panukalang ito – samakatuwid, ang rural bank bilang isang negosyo; 60-40 o 60% sa magsasaka at 40% sa gobyerno. Ngunit, sa pinakamasahol na kaganapan, ikinagulat at ikinagalit ni Yunus ang naging reversed proportion nito sa aktwal na deliberasyon sa Kongreso, samakatuwid ay naging 40-60. Sa kaayusang ito, tahasang naging government-owned ang Grameen Bank. Gayunpaman, pinangakuan ng ministro ng pinansya si Yunus na babaligtaring muli ang proporsyong ito sa loob ng dalawang taon matapos maestablisa ang batas – isang pangakong pinanghawakan at inasahan ni Yunus. Hindi humantong sa dalawang taon, nagbitiw ang ministro at bigo itong napatupad ang kanyang pangako.

Magkatambal ang interes na maka-korporasyon o corporal greed at ang masahol na burukrasiya, nilamon ng sistema ang inaasam na pangarap para sa mga magsasaka. Hindi na ito muling naamyendahan sa mga nagdaang gubyerno dahil sa maka-uring hangarin nito pabor sa mga magsasaka. At sapagkat walang mahigpit na koneksyon, walang kaalyado, walang kompadre at walang makakapitang “malakas” sa proseso, ito ang nakadidismayang tugon ng burukrasiya sa mga panukalang tulad nito: “I’m sorry -- as you had difficulties with our officials!”

Hindi 70 - 30. Hindi 60 – 40. Hindi 50 -50.
Kundi 100% ownership. Bank of the Poor.

Isang daang porsyentong pagmamay-ari sa bankong magtataguyod sana sa pangangailangang materyal ng uring magsasaka – ito ang pangarap ni Muhammad Yunus. Isa umanong lunsaran upang palaganapin ang tinutukoy niyang poverty-free world!


Ang kabiguan na mailarga ang alternatibong polisiyang ito para sa isang agrikultural na ekonomiyang karaniwan sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig ay nakapagpabatid ng isang nakapanlulumong katotohanan – na ang gobyerno ay hindi tunay na nagisislibi sa publiko ngunit naging isang institusyong kinasangkapan upang yanigin ang mga maka-mayoryang polisiya at maisulong ang interes ng mga nasa puder bilang mga politiko at negosyante, ika nga “the political entrepreneurs.” Ayon kay Yunus, the unforgettable lesson here was the failure to foresee government’s “obtuse” functions!

_____________________
Lathalain ukol sa librong Banker to the Poor: Micro Lending and the Battle Against World Poverty ni Muhammad Yunus.
Chapter 7: A Bank For the Poor is Born

Friday, September 25, 2009

Globalization and Its Discontents*

  • Globalization has reduced the sense of isolation in the developing world however, this connectedness merely resulted to the creation of anti-globalization response.
  • globalization: associated with accepting triumphant capitalism, the American way
  • inequality, unemployment and pollution: issues in which the government has to take an important role
  • major meeting of IMF, WB and WTO: scene of conflict and turmoil
  • international bureaucrats: the faceless symbols of world economic order
  • reinventing government: making government more efficient and more responsive
  • export-led growth: centerpiece of the industrial policy (visible in the Philippines)
  • guerrillas in the Philippines were provided jobs by a WB-financial project as they laid down their arms
  • Those who have valued democratic processes saw how "conditionality" or the conditions that international lenders paid in return of their assistance undermined national sovereignty.
  • rent-seeking: how special interests use tariffs and other protectionists measures to increase their incomes at the expense of others.
  • expansionary economic policy: increasing expenditure, reducing tax and lowering interest rates to stimulate the economy
____________
* random points from the book authored by Joseph E. Stiglitz,
Chapter 1: The Promise of Global Institutions

Friday, September 18, 2009

Gabay sa Pagbuo ng AVP*

*Audio Visual Presentation, Development Studies


1. Tukuyin ang layunin ng AVP: (1) makapanghikayat/to persuade (2) makapag-ambag ng kaalaman/to inform (3) makaaliw/ to entertain, at iba pa. Ang layuning ito ang magdidikta sa kabuuang tono at tunguhin ng AVP (serious, investigative/docu style, humorous, satirical, etc.) Ang mga bagay na ito ay dapat mapanindigan mula sa pagkakasulat ng iskrip/voice over hanggang sa aspetong teknikal ng pag-eedit.

2. Hinihikayat na magpatulong sa mga may sapat na kaalaman hinggil sa computer program na gagamitin para sa editing (Windows Movie Maker, U-Lead, atbp.) Siguruhing nakaayon pa rin sa tono ng AVP ang mga gagamiting visual editing effect at transition effect (fade out, fade in, shutter to the left, shutter to the right, sepia, grayscale, etc.) Sa karanasan, ang paggamit ng mga simple ang naging pinakaepektibo at madaloy partikular na para sa ating nasa larangan ng panlipunang pananaliksik. Ang paggamit ng mga hindi angkop na effect ay nakapagpapababa sa kalidad ng AVP at maaring makapagbigay ng maling konotasyon sa mga taong nasa likod nito. Maging maingat po.

3. Tandaan sa pagbuo ng AVP, ang ating mithiin ay makapagpahayag (
to express) at sekondarya lamang ang makapagpakitang-gilas (to impress). To express and not to impress. Gayunpaman, nakasandig sa mga bubuo nito ang magiging daloy at ang paraan sa pagsusustini ng atensyon ng mga manonood.

4. Tiyaking maliwanag ang ilang bahaging nangangailangan ng
clear audio register tulad ng mga panayam, voice-over o eksena. Isaalang-alang ang soundbites. [Soundbites may be a cut from a long speech or an interview with authority or even the average man on the street; a minimum of sound with a maximum of sense (Mark Twain)] Sa mga pagkakataong hindi malinaw ang mga ito, responsibilidad ng mga bumubuo ang maglagay ng tamang subtitleKung hindi mauunawaan ng tagapanood ang ilang bahaging ito, hindi lamang bigo ang AVP na panatilihin ang atensyon ng tagapanood, kundi bigo rin ito sa itinakdang layunin ng grupo. Tiyakin po natin ang mahigpit na relasyong mabubuo sa pagitan ng ating AVP at mga manonood. Maging sensitibo at matalas sa bawat anggulong bibigyang-pansin. 

5. Hindi kinakailangang napakahaba ng AVP.
Tiyakin lamang na may diskursong mabubuo rito (bagay na dapat taglayin ng isang social science student). Ito ay magiging katambal ng iskrip/voice over. Dapat ay lohikal at hindi lutang. Mahalaga rin po ang tinig sa likod ng voice-over -- kinakailangang malinaw at may angkop na pwersa (partikular na sa mga informative at persuasive AVP). Hindi kinakailangang maging tunog-news anchors investigative journalists. Kinakailangan lamang itong maging engaging, bagay na karaniwang naiuugnay sa propesyong midya.

6. Gamitan ng
angkop at epektibong mga tunog o musical scoring (kung kinakailangan). Kaugnay ng mga naunang nabanggit, ang musical score ay dapat nakaayon pa rin sa tono ng AVP. Ang bagay na ito ang siyang nakapagpapataas sa kalidad ng AVP. Siguruhin lamang na mas mananaig pa rin ang ating diskurso dahil ang mga ito ay magsisilbing filler at supplementary editing tool lamang upang maiwasan ang mga dragging scene o mga tagpong maaring kabagutan ng manonood. 

7. Makatutulong ang pagbuo ng
package script para sa mas madali, sistematiko at organisadong pagbubuo ng AVP. [A package refers to an edited set of video clips for a story read by a narrator. It is a story with audio, video, graphics and syntax.] Tandaan, may kaibhan sa pagsusulat ng iskrip na pang-voice over, sa pagsusulat ng talumpati o anumang teksto bilang reading material. Ang iskrip na pang-voice over ay hindi gumagamit ng mga kumplikadong pangungusap at hangga't maari'y gagamit lamang ng mga salitang mauunawaan ng mga manonood. Magiging disengaging ito kung nagbabanggit ng mga terminong hindi naman naipaliliwanag. I-float sa video ang mga salita at pigurang nangangailangan ng diin o emphasis. Narito po ang isang halimbawa: (CLICK here: Package on the Political Economy of Ethical Recruitment).

8. Maging tapat sa paglalahad ng impormasyon at detalye. Maging masipag sa pananaliksik at pag-aaral. Ang isang AVP ay isang buhay, produktibo at makabuluhang diskurso.
Research, verify the truth, process the information before making a sound and logical discourse. Huwag isandig sa Internet ang mga impormasyon. Maging mapamaraan sa yugto ng information-gathering: panayam sa isang eksperto/propesyunal, pagsisipi ng mga news and current affairs material, dyornal, mga lathalain at situationer mula sa IBON, Bulatlat, PCIJ at marami pang iba. At siyempre, hindi pa rin dapat mawala ang mahahalagang kaalaman mula sa mga panitikan/libro.

9. Matutong kilalanin ang mga batis (kredito): mapa-
video clip mula sa Internet, sipi, kaalaman, termino, konsepto at iba pa. No to plagiarism. Makabubuti kung gagamit ng orihinal na video at mga photo inset. Ikonsidera rin ang etika sa responsableng pag-uulat. Salain po ang mga mahahalagang punto at iayos ang mga ito sa paraang lohikal at makatwiran. 

10. Bago ipalabas sa mas maraming manonood, panoorin ito nang paulit-ulit. Sa yugtong ito, kinakailangang maging
fault-finder ang mga bumubuo. Huwag po itong katamaran. Hanapin lahat ng mali maging sa mga simpleng detalye at iwasto. Makatutulong din po ang paghingi ng opinyon sa iba upang mapahusay at patuloy na makinis ang inyong AVP. Sa aktwal, siguruhing naka-format ang CD ayon sa teknolohiyang gagamitin. Kumuha ng back-up. Kung ang final output ay mahusay at kahanga-hanga, maari niyo po itong ilahok sa inyong CV/resume sa hinaharap.

Paghusayan po! 

Mapanuri. Kritikal. Makabuluhan.
___________________________________

"A development researcher makes a value commitment to side
with the poor masses against all forms of social oppression."
- Dr. E. Villegas, Development Research as Committed Research




Sunday, September 13, 2009

Tulak

Mababanaag ang pagkilos nila at ng mga parokyano lalo’t higit sa pagsapit ng gabi. Walang pinipiling pahinga sa pitong araw ng linggo.

Isang “hanap-buhay” kung kanilang iturin.


Tulog sa liwanag. Dilat sa dilim.


Sa makipot na eskinita ng Badjao hanggang sa lagusan ng Gomez, mamamataan ang pangkat ng mga lalaking tila may iniaalok sa pamamagitan ng mapanuyang tingin at di-berbal na pakikipag-ugnayan. Kapansin-pansin din sa kanila ang mga gawi sa katawan o mannerism na maaring dulot na rin ng pagkakalulong sa ikinakalakal na “puting buhaghag” o ang ipinagbabawal na gamot.


May tatlong mukha ang kumpol ng mga kalalakihang makikita doon -- una, ang gumagamit lamang ngunit hindi nagtutulak; ikalawa, nagtutulak lamang ngunit hindi gumagamit at ang ikatlo’t pinakamasahol ay ang kombinasyon ng dalawa.


Napakabilis at animo’y walang nangyari. May apat na porma ng pagbili ng ipinagbabawal na gamot na mas kilala sa maraming bansag – tawas, pulbo, pulboron, ubas(h), miracle powder, heaven, rebolber, iodized (iodized salt), pangkana, sundot/panundot at ang pinakahayagang shabu. Ipinakete sa plastik na hindi hihigit sa isang pulgada, ito ang pinakamababang gramo ng shabu. Kadalasan, ito rin pinakamabili dahil sa mababang presyuhan nito, na kung titiktikan ay maari pang tawaran. May tatlong istilo ang pagbebenta nito.


Ang unang porma nito ay ang “ipit-brief,” partikular sa mga kalalakihan na kunwari’y may isisingit na barya sa garter ng kansursilyo, ngunit kasabay ng pag-ipit ng limang-pisong barya ay ang pag-ipit na rin ng isa hanggang dalawang plastik ng ipinagbabawal na gamot. Ang ikalawang porma nito ay tinatawag nilang “kabilaan” sa ritmo ng larong “Appear! Disappear!,” kung saan magkukunwaring maglalapat ang mga palad ng bumibili at nagkakalakal habang kabilaang dumudulas ang pakete ng shabu at ng anumang bagay na mala-papel ang katangian – bagay na tila praktisado at napaghusayan na ng marami sa kanila. Ang unang dalawang istilong ito ay walang mintis na nagaganap sa liwanag. Samantala sa gabi, bagaman nababalot ng dilim ang kahabaan ng eskinita, naniniguro na rin ang mga “tulak” o “pusher” sa kanilang operasyon dala na rin ng madalas na pangre-raid ng kapulisan. Ang tugon sa bagay na ito ay ang ikatlong porma kung saan kaswal lamang na mag-uusap ang bumibili at nagbibili hinggil sa kantidad ng “pektus,” tsaka iaabot ang kaukulang kabayaran. Agad namang magtutungo ang “tulak” sa isang hindi pansining lugar na kadalasa’y may tanda (halimbawa, kulay pulang “X” sa pader) at doon ihihimpil pansamantala ang mga “pektus.” Matapos noon ay babalikan ang pinagbentahan at ihahabilin dito ang palatandaan kung saan maaring makuha ang biniling shabu. Sa Gomez, uso ang katagang “sa kanto lang” – isang tagpo kung saan napalilibutan ng maraming halaman at ng imahe ng Birhen.


Marahil para sa marami – marumi, mali, imoral at hindi angkop ang hanap-buhay na pinili ng mga taong tulad nila. Ngunit kung susuriin, ang bahagi ng lipunang sinaklot ng kahirapan ay yaong pinagkaitan ng oportunidad at kawalan ng pagpipilian – bagay na magtutulak para sa kanila upang kumapit sa patalim, talunin ang sariling pagpapasya sa kung ano ang tama at mali at “magtulak” na lamang upang maibsan ang kumakalam na sikmura. Sabi pa ng aking kapit-bahay, alam niyang mali, ngunit wala siyang makitang mabilis na paraan upang “makakubra ng pera pangkain.”


Dagdag niya, sa maraming kampanya ng pamahalaan ukol sa sistemang ito, pinakaayaw niyang naririnig ang islogan ng DILG, “Save the User, Not the Pusher.”


Wednesday, September 09, 2009

Lito, Kapa, Pasya

(Lost, The Search, The Decision)

Sa napakaraming elemento ng pagtatangi, ni minsan hindi mo naisip na sa sariling pamilya mo pa ito magmumula. Pamilya bilang isang malaking sagka sa alam mong tama at dapat mong tahaking landas. Hinuhuli. Dinudukot. Pinapatay. Tiyak ako, umabot na sa puntong ipinanalangin mong hindi lang sana inilabas ng midya ang ginagawa sa mga tibak.


Isang matapang na desisyong suungin ang daang kaiba sa kinagisnan, ngunit hahakbang ka pa nga lang ay hinihila ka nang muli/ pabalik sa iyong pinagluwalan. Markado ka ng kaisipang mulat, ngunit nakatali ka pa rin sa ugat ng konserbatibong pamilya -- na alam nating, kailanma'y hindi naging madaling kalimuta't iwaksi!


…Kapirasong pagkataong pilit nasisikil ng sitwasyon at pagkakataon. May pagkakataong kumakatok (sumusubok) sa iyong paninindigan ang obligasyong kaakibat ng pagod ng iyong mga mahal sa buhay.



Kahit gaano mo naising ialay ang sarili sa iyong ipinaglalaban, malakas ang sipa ng katotohanang obligasyon mo ang matapos ang iyong pag-aaral. Alam mong bawat oras na inilalaan mo para maipasa ang iyong mga eksaminasyon, para matugunan ang mga rekesito ng paaralan o para makakuha ng mayayabang na grado ay katumbas ng sakripisyo't tiwala ng iyong mga mahal sa buhay. Lahat ng iyon ay katumbas ng bawat araw na pagpapa-alila ng iyong ina sa lupang banyaga, bawat pawis at gatla sa mukha ng iyong amang tumanda na sa pabrika, lalo't higit ng pag-asa na buong bigat na isinandig sa’yong mga balikat.


Nais mo mang pumalaot sa dagat ng pakikibaka, hindi ka iniiwan ng damdamin para sa personal mong obligasyon sa paaralan at sa pamilya. May pagpipilian ka man, tila aayawan mo na rin ang mamili.

…Araw araw na pakikiabaka't pakikipaglaban.



Nawaglit sa isipan mong nalilimitahan ka ng materyal na kondisyon. Pera - - hindi mo naisip na kaya nitong pilayin ang iyong pagkilos. Nakasandig ka na sa lakas ng masa, sa determinasyon ng nais magtagumpay sa labang dekada na ang iniiral.

Ngunit ginigipit ka ng sitwasyon,

Ng kalam ng sikmura,

Ng ngatog ng kalamnan.

-----------------

Kung nangangapa ka sa dilim, umpisahan mo nang hanapin ang liwanag.
Gusto mo ng liwanag ngunit natatakot kang suungin ang dilim.

Nais mong maglingkod ngunit hindi mo tuluyang maibukas yaong palad. Mulat man, ngunit maraming bagay ang pumipigil sa pagpakat. May linya man, ngunit binabaluktot ng kampay ng layaw. Tahasang nakukulong. Nababansot. Nanamlay. At para sa iyong humuhusga sa kanilang katangian, ano ba para sa iyo ang kahulugan ng tunay na paglaban? Maupo? Magpakalunod sa mga bagay na hindi natin nakikita? Magpakadalubhasa na lamang? Mangamba lang sa iyong itsura?



Sila… hindi lang din sila mga estudyante.

Hindi lang din kabilang sa sektor ng kabataan. Anak din sila, kapatid, kaibigan at maraming pang papel na ginagampanan sa kabila ng tawag ng pakikibaka.


____________

*Kasama si Bb. Leanne Angeles. DS 126: Politico-Administrative Institutions and Bahavior. Political Satire. "Mukha ng Aktibismo." Agosto 2009.