Friday, June 26, 2009

Sikhay

Mulat ka ba? Mulat ka ba?
Saan na nga ba napunta sikhay ng kabataan
Mulat ka ba? Mulat ka ba?
Handa ka bang paglingkuran ang bayan, Iskolar ng Bayan?

Bigyan ng pagkakataon ang sarili
Buksan ang isipan sa kalagaya't huwag magpatali
Sa kinalakhang paligid na binulok ng sistema
Hubugin ang diwang makabaya't makamasa

Ang tunay na kabataan
'Di nagbubulagbulagan
Kilalanin si Oble
Magsilbi sa sambayanan

Mulat ka ba? Mulat ka ba?
Saan na nga ba napunta sikhay ng kabataan?
Mulat ka ba? Mulat ka ba?
Handa ka bang paglingkuran ang bayan, Iskolar ng Bayan?

Lakas ng kabataan, puhunan magpakailanman
Huwag magpabulag sa taglay na karangyaan
Lumubog sa batayan, suriin ang lipunan
Lahat makikinabang, baguhin ang lipunan

Bawat isa ay may ambag, kabataang abante
Progresibo't makabayan, magsilbi sa sambayanan
Mulat ka ba...

Kumilos ka't sagkaan ang kalagayang pinilay ng sistema
Ng sistemang naging imperyo ng kawatan
Mulat ka ba...

Kabataang estudyante, ikaw ang nag-aaral
Mamulat ka't makisangkot
Sa aralan ng bayan,

Mulat ka ba?

________________
*Isang orihinal na komposisyon ni Yfur Fernandez sa musika ni Ienne Eguico. Inawit sa Development Studies Practicum Conference 2009 - DALUYONG: Ang Pakikibaka ng Masa sa Gitna ng Krisis, Hunyo 26, UP CAS Little Theater.

**Inawit din sa isang sampaksaan ukol sa Development Studies bilang Paaralan ng Bayan: Learning from the People; Alumni Conference Room, CAS- UP Manila, hapon ng parehong araw.

Saturday, June 20, 2009

PAANYAYA


Itatampok ang audio-visual presentations ng walong grupo ng Development Studies practicumers na lumubog sa mga komunidad ng magsasaka, mangingisda at katutubo sa mga sumusunod: Bulacan, Cavite, Batangas, Montalban, Binangonan, Nueva Ecija, Tarlac at Mindoro.

Matutunghayan din ang mga political joke ukol sa napapanahong isyu,
tanghal-tula, protest songs at sabayang pagbigkas.

Hunyo 26,2009 UP-CAS Little Theater
9:00 NU - 4:00 NH


----------------------
*Para sa aking grupo, San Jose Del Monte Bulacan, ang itatampok namin ay pinamagatang SIKLO NG PANAGHOY: Ang Pangkalahatang Kalagayan at Pakikibaka ng mga Magsasaka Para sa Lupa (Sitio San Isidro) at RILES O DALISIDIS: Ang Pangamba ng Upland Farmers (Sitio Ricafort)

Monday, June 15, 2009

Tatay Efren*

Sa kanyang mga mata, masisilayan mo ang sipag at tiyagang pinanday ng pagnanais na maitaguyod ang kanyang pamilya. Bagaman hindi maikukubli ang mga kulubot sa noo't balat, mababatid ang kakontentuhang hindi mo makikita sa mga matang pinaiikot ng materyal. Hindi mo lubos na mauunawaan kung ano ang pinanggagalingan ng bawat buntong hininga. Hindi mo mauunawaan ang kasaysayan niya sa pagtingin lang sa nakaumbok na ugat sa tuwing ikukumos niya ang kanyang mga palad. Hanggang larawan lang ang mananatili, gayunpama'y mapupukaw ka ng kanyang kuwentong lubog sa praktika.

Maluluma ang serye sa telebisyon kung gugustuhin niyang ibahagi ang kampay ng karanasang kabilaang tumatagos sa tanong ng intelektwal. Dumapa ang kamulatang akala ko'y sapat na. Tunay ngang hindi kailanman at walang sinuman -- ang siyang makapagsasabing, "kumpleto't armado na ako ng kamulata't karanasan."

Patuloy na ikikiling ang tainga sa walang sawang pakikinig sa kuwento ni Tatay Efren at ng dakilang uri niya -- masusi at buong-pusong bubuksan ang sarili upang bigyan ng pagkakataon ang aralang hindi nagkakasya sa klasrum.

Iyang si Tatay Efren, hindi lang huwarang ama't asawa,
ngunit kabalikat din ang uring malawakang sinasamantala.
Mahihinuha ng sinuman kung paano pinahinog ng mapanubok na kondisyon, sa puting buhok at matitigas na kalyong dulot ng lupang umiilalim sa represyon;

Iyang si Tatay Efren, bagaman payat at pagal,
Ay tinutumbasan ang lakas ng alagang may sungay
Iyang si Tatay Efren, bagaman kulay sahig ang balat ay dakila,
sa paglaban para sa lupang batis ng buhay ng kanyang pamilya;

Binilad pa sa sobrang init ng araw ang katangiang
bubuo sa dibuho ng tunay na magsasaka, ng uring api, ng anakpawis.
kasabay nito ay ang pagyabong ng bagong pag-asang ipupunla sa lupang dinilig sa dugo't pawis;

Iyang si Tatay Efren, hindi nakapagtapos,
ang siyang kuminis ng aking kamulatan;
Iyang si Tatay Efren, bagaman kalahating buwan ko lang nakasama,
ay natimo ang pakiramdam sa piling ng masa;

Iyan si Tatay Efren! Isang magsasaka.
Isang pagpupugay sa iyo at sa uring kinabibilangan.
Mabuhay ang uring magsasaka!

-----------------
*isang upland farmer ng Sitio Ricafort; isa sa mga tinuluyang tatay sa praktikum

Wednesday, June 10, 2009

Paglaya Namin at Hindi Ng Inyong Uri

ni YB

Layas! Pinalalayas. Pilit na pinalalayas!
Ang uring anakpawis, ang uring sinasamantala.
Patuloy na pananamantala - -
Sa lupang pilit na pinagkakasya,
Sa palad ng Araneta, sinalo ng Palmera,
Ng sistemang pinaghaharian ng burukrata!

Wala na ngang mas titindi pa, walang salitang makapag-iisa,
Sa kalagayan ng uring magsasaka.

Walang pinag-iba. Wala naman talaga!
Pare-parehas lang. Daluyong ng isip nila,
Ng PML. Ng panginoong may lupa,
Iba-iba lang ang pangalan,
Isang hibla ang pinagmulan;

Ididilig ang luha ng masa,
Sa lupang tinigang nila - -
Ihihimlay ang dugo’t pawis para sa lupa
Titiyakang hanggang usal lang ang talim ng dila - -
Wala ni isang dipang dapat mapasakanila - -
Tutunawin ang tanikala!
At mangmangin man ng kalagayang binulok ng sistema,
Hindi tatamlay ang pakikibaka!

Lupa - - isang depinisyon!
Lupang para sa mayorya,
At hindi sa tiranikal na Araneta - - malinaw!
Lupang para sa mayorya,
At hindi sa tiranikal na Palmera - - malinaw!
Lupang sa halip na ipagkanulo ay ipagkaloob
Sa mga taong kaibigan ang kalyo at paltos!

Hindi PML ang panginoon ng lupa, sapagkat,
Hindi rito nakababad ang kanyang katawan,
Hindi siya ang nagbibigay sigla sa lupa
Hindi siya ang nagpapasibol sa punla,
-at lalong hindi PML ang panginoon ng lupa sapagkat,
Hindi siya kaisa ng lupa!

Bayaran mo man ang puri ng lupa,
Kikiling at kikiling sa pakikibaka
Sa katotohanang itinakda - -
‘Di lamang ng konsensya, maging ng dalita - -
Suriin ang pag-unlad na angkop sa kabuhayan,
Hindi yaong iskemang pangkamal ng kayamanan,
Iguhit mo man sa iba’t ibang porma ng kasunduan
Matutukoy at matutukoy ang kabangisan!

Hindi riles ng tren ang kailangan ng mamamayan
Sinong makikinabang sa bakal na inutang? Wala!
Ang matabang lupa’y di dapat tabunan
Ng sementong, isang bagyo’y windang!

Lupa, kung lupa lamang ay may higanti
Sa pag-apak niyo rito’y sisiguruhin
Bawat pulgadang apak niyo’y
Sementeryong bitag ay kumunoy!

May iisang bagay – tiyak at depinitibo,
Na ang uring ito, tumirik man sa imperyo ng api
Kailanma’y hindi magagapi!
Ipupunla sa bawat tudling ang binhi ng pag-asa,
Patatatagin ito ng buho ng samahan,
Ibubuhos, buong lakas sa takdang asarol
Gagamasin hanggang ugat ang lupit ng masasahol!

Layas! Pinalalayas. Pilit na pinalalayas!
Lalaya kami at hindi ang inyong uri,
Paglayang hindi pinalabnaw
Ng anumang tumbasa’t salapi;

Laya! Lalaya. Matagumpay na lalaya!
Nakatitiyak kami - -
Lalaya kami at hindi ang inyong uri.


--------------
*tulang alay sa mga progresibong magsasaka ng Sitio Ricafort, San Jose Del Monte, Bulacan; binasa sa kampuhan, harap ng Batasang Pambansa, Mayo 18 bilang bahagi ng pinal na pagtatasa.

Sunday, June 07, 2009

Panaghoy ng San Isidro

ni YB

Walang isang pulgada ang lapit ng lupa,

Higit pa sa katuwang, higit pa sa kasama

Saan? Saan ka ba nakakita ng lupa?

Saan? Ng Lupa. Saan? Ng Lupa.

Ng lupang nangingilid sa kuko ng magsasaka

Sabik sa punla, uhaw sa pag-ani

Ang lupang tiwangwang ngayo’y puno ng pangil

Ng pangil na iniluwal ng ganid at lupit

Ng gahamang panginoong - - abot-langit ang panunupil!


Kay Araneta? Kay Araneta ang alin?

Ang lupain binusog namin ng pananim?

Kung tunay na sa kanya ang pag-aari

Ipakita ang titulong magsisilbing - -

Katunayan na dapat siya ay kilalanin.

Ngunit, wala. Wala.

Wala siyang maipakita.

Ngayon, sinong may-ari ng lupain?


Isa. Dalawa. Tatlo. Hanggang kailan ang hingalo?

Hingal. Pagal. Atrasado.

Tinagli ng pangamba at takot;


Hindi kailanman nanamlay ang pag-asa

Hindi kailanman kinumos ng adhika

Pag-asa? Pag-asa sa lupang tatamnan? Oo!

Pag-asa sa lupang bubungkalin? Tiyak ako!

Pag-asa sa lupang bubusugin? Handa ako!

E, sa pag-asang may aanihin? --

Lutang at hindi mawari - -

Kung saan huhugutin ang kasagutang kinulong sa dilim

Sumibol man ang tanim, binansot naman ng lagim;


Hindi pabubuwag ang ating samahan,

Kabalikat ang sikhay at sigla ng kabataan

Ikaw, kabataan. Oo ikaw!

Ikaw ang kailangan,

Ang katangian mong mabisang lunsaran

Ang hawak mo ngayo’y bagong punla,

Sagisag ng katatagan at patuloy na paglaban

Sa huwad na sistemang nirupok ng pangako!


Sa kadulu-duluha’y ito rin ang makapagbibigkis,

Sanib-pwersa ang masang anakpawis

Pawiin, sagkaan ng pwersang higit sa apoy

Hindi padadaig ang aming panaghoy!


Huwad na reporma sa lupa, waksan!

Itambol ang batayang karapatan,

Tunay na repormang agraryo, isulong!

Manindigan para sa kapwa Pilipino –


Ito ang aming panaghoy,

panaghoy ng San Isidro.


--------------------------
*tulang alay sa mga magigiting na magsasaka ng San Isidro, San Jose Del Monte, Bulacan; piyesa para sa isang sabayang pagbigkas, panggitnang pagtatasa, Praktikum 2009.

Thursday, June 04, 2009

Militarisasyon

Hot spot. Pinamumugaran ng mga "batik."
Mga elementong ga-sardinas ang ikakasa.
Nakaririmarim na militarisasyon sa kanayunan.

Bagaman lubusang nakapanghihinayang ang dapat sana'y paglarga sa komunidad ng Quezon, pinanatili ko na lamang bilang isang malaking ambag sa karanasan ang nangyaring indibidwal na interogasyon ng mga militar. Sumambulat sa akin ang reyalidad sa kanayunan -- kung paano silaban ng mga militar ang matahimik na pamumuhay ng mga residente at kung paano nagiging malaking paghihinala sa kanila ang kaunting kaluskos. Nasaksiha't naranasan ang represyon ng mga pwersang panseguridad ng estado -- hindi sa mga kalaban nito, kundi sa mga marangal na naghahanap-buhay sa kanayunan pati na sa mga sibilyan.


PURE LAWS WITHOUT GENUINE JUSTICE.

Article II, Declaration of Principles and State Policies, Secs. 7 and 8:

"Civilian authority is at all times, supreme over the military. The Armed Forces of the Philippines is the proctector of the people and the State. Its goal is to secure the sovereignty of the State and the integrity of the national territory."


Silipin: Batas sa Pagitan ng Militar/Katihan at Sibiliyan sa Pilipinas

Tunghayan: Kaso ng Militarisasyon, Aktibismo atbp. - Bulatlat

Pakinggan: Filipinos have not benefited from VFA - C. Araullo, RG Simbulan

____________
*Mula sa naudlot na paglubog sa Quezon, nilipat ang buong grupo sa San Jose Del Monte, Bulacan.