Bago ko marating ang panidirya upang bumili ng pandesal pang-agahan, madaraanan ko muna si Aling Belia, ang pinakakilalang sastre/modista sa aming pamayanan. Winawalis niya ang ilang balat ng kendi at iba pang ginamit sa party kahapon. Maraming customers si Aling Belia. Siguro kasi umaayon ang pwesto niya sa distansiya ng mga bahay sa amin -- hindi gaanong malayo, hindi rin naman malapit. Ito ang tagpuan ng aming mga mata. Sa isang buong araw, dalawang beses kami nagkikita. Dalawang napakabilis na momento. Ang una ay ang pagpunta ko sa bakery at ang ikawala naman ay ang pabalik sa aming bahay.
Tag-init. Ang daplis ng sinag ng araw sa kanyang mala-porselang balat ang lalong nagpapatingkad sa napakaganda niyang awra. Kung gaano karaming beses ko binati si Aling Belia ng "magandang umaga po!", ganoong karami rin ang pagkakataong nagsasalubong ang aming paningin. 'Ganung kadami ang beses ng aking pagpapapansin. Dahil dito, nais kong ako lagi ang bumili ng tinapay. Nasasabik akong makita siya araw-araw. Atat akong makita kung bagay ba sa kanya ang suot niyang damit na hindi nawawala sa uso at moda. Hindi ako nagsasawang masulyapan ang mapupula niyang labi. Hindi ko matiis ang aking sariling tingnan ang kurba ng kanyang katawan. Kahit hindi pa kami nagkakausap, alam ko simple lamang siya. Maganda, mayumi, mabait...at lahat ng nais ko sa isang dalaga ay taglay niya.
Nabihag niya ngang talaga ang aking puso. Hanggang sa napansin ko na ring, nagpapapansin na siya sa akin. Ito na ang nakakakilig na tagpo sa aming dalawa. Kasabay ng pagpapalit niya ng ayos at istilo ng pananamit, nitong nakaraan buwan lang! - napansin kong nag-iba ang oryentasyon ng kanyang mukha... pasulong na sa aking pinagmumulan, nakatingin na siya sa akin. Sa puntong iyon, mas napatunayan ko ang kanyang rikit, kahit anong ayos, bagay na bagay pa rin sa kanya. At bagay na bagay pa rin kami. Sa bagong anggulong iyon, sa bagong puwestong 'yon, tila ba inaabangan niya ang pagbili ko ng pandesal. Tila inaabangan ako. Sa palagay ko, gusto na rin niya ako.
Hindi naglaon, nagkasakit si Aling Belia. Sarado ang kanyang dinadayong bahay-tahian. Hindi ko alam kung kaanu-ano niya ba si Aling Belia, dahil sa tuwing may nangyayari kay Aling Belia, nawawala siya. Hindi niya ipinapaalam sa akin, kahit man lang sa ekspresyon kung saan siya pupunta. Katulad ngayon, bigla na lamang siyang naglaho. Akala ko nagkakaunawaan na kami sa estado ng aming relasyon. Nagkamali ako, hindi pa pala. Hindi ko na siya nakikita sa aming tagpuan.
Hindi ko man lang nabantayang naisahan na pala ako ng pilyong iyon samantalang napakalapit lang naman niya sa akin -- at ang tanging naghihiwalay lang sa amin ay isang malawak na salamin. Hindi ko akalain mahuhulog ako sa bitag ng babaeng pinapangarap kong kamtin. Sayang, ni hindi ko man lang siya nahalikan, ni hindi ko nga nalaman ang pangalan. Pero, sige magsama sila. Ayos na ayos lang, tao naman ako. E sila? Manikin. Sila na ang karaniwang tanawin sa patahian ni Aling Belia mula noon.









