Wednesday, December 30, 2009

Paskong Burgis. Paskong Pop.

Huling Tagpo: Two-Zero-One-Ow!

May punit na ang kaliwang bahagi kung saan una niyang nasilayan ang liwanag. Ito ang isang umaga kung kailan hindi makabuo ng armonya ang mga pipit. Pagtatapos ng "happy holidays" kung kailan pinausong muli ng Kanluran ang ilusyon ng white christmas sa Pilipinas, na siya namang kinakagat ng middle class.

Ito ay isang yugto ng tagsibol ngunit hindi magawang lipulin ng tangkay ang mga dahon nito upang makapagbigay-lilim. Punit ang kaliwang mata ng bata at inaalala ang malagim na pagkakadapa sa kasisindi lang na paputok mula sa isang retailer ng fireworks sa Mall of Asia -- dalawang araw pa lamang ang nakalilipas mula ng ipinagdiwang ang Medya Noche! -- este ang Bagong Taon. Nakatanghod sa nagwawalis na Pulis OYSTER, sinusundan ang hawi ng tingting na lumilinis ng kalsadang kinumutan ng kulay manila-paper na kalat mula sa sari-saring paputok.

Kinakausap ni Popoy ang kanyang sarili. Nagwawari at tila sinakluban ng kaluluwa ng lutang at may hang-over. Nakatanaw at nagsusumamong paniwalain ang sarili na ang isang taong may siyam na daliri ay wala naman talagang pinagkaiba sa may sampu, o yaong kumpleto.

Makalipas ang dalawang TV shows o katumbas ng isa't kalahati hanggang dalawang oras, sa wakas, natapos na rin ang kanyang pagmumuni-muni sa kung ano ang ilalagay o ipapalit niya sa nag-iisang puwang sa kamay. Sa puntong ito, nakalampas na siya sa hindi mapigilang depresyon at moodswing. Ang tangi niyang inaalala ay ang muling pagbubuo ng bagay mula sa isang bahaging hindi niya pag-aari. Napatitig siya sa nakagarapon at nakalubog na bagay sa alkohol o sa kung anumang tawag sa kemikal na may nakasusulasok na amoy pang- "preserve" -- daig pa ang Solignum. Ang masaklap pa, tsaka niya lang nabatid na wala na palang pagpapasukan ng engagement ring ang kanyang pinakamamahal na kabiyak sa hinaharap. Katulad ng lumang linya, halos tumangis na lamang siya sa pagsisi, kasabay nito ay ang tila mapang-asar, nananadya at saktong pag-ere ng patalastas ng DOH ukol sa Iwas-Paputok Campaign sa telebisyon. Apektado. Sapul. Tagos.


______________________

Sana'y sa ating pagsalubong sa bagong taon, buo pa rin tayo sa loob at labas.

Sana'y sa pagsalat ng ating katawan, buo pa rin tayo mula ulo hanggang paa.
Maligayang Pasko at Mapagpalayang Bagong Taon sa iyo!


SILIPIN:
Mood Swings
Eskapismo't Pagpapanggap
Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko
Ikalawang Tagpo: Sa May-bahay, Ang Aming Bati!

Ikatlong Tagpo: Hataw sa Takilya!
Ikaapat na Tagpo: Said [Sa-id]

Rizal Day, Disyembre 30

Tuesday, December 22, 2009

Paskong Burgis. Paskong Pop.

Ikatlong Tagpo: Hataw sa Takilya!

Isang dekada na ring namamayagpag sa lokal na industriya ng pelikula ang MMFF (Metro Manila Film Festival) na naging MMFFP (MMFF Philippines). Nilagyan ng "Philippines" sa dulo para may dating ng pag-aangkin o "owning." Sa kalagayan, "pink" pa rin yata ang ibinabandera nitong kulay -- kung anuman ang ibig ipahiwatig niyan. Palagian itong inaabangan ng mga may pangnood ng sine -- mga magbarkada, magsing-irog, mag-sweetheart, mga cheesy, mga kritiko at nagpapanggap na kritiko ng pinilakang-tabing. Ang paskuhang burgis ay parada rin ng mga bituin, kasabay ng pagdaan ng kani-kanilang float sa rutang babagtasin ang Quirino Avenue. Bukod sa trailer at billing, ito ay isang pagkakataon kung saan nagkalat din ang movie passes, ang mga nagsisiraang advertisers at ang iba't ibang sirkus ng press release. Festival onli in 'da Pilipins.

Ikonteksto natin. Bagaman masasabing regular nang isinasagawa ang pestehong ito, matagumpay pa rin ang mga filmmaker na kilitiin ang manonood na middle class sa hindi pa nagbabagong timplang iniaalok nito. Nakaka-anim na ang Mano Po. Pang-ilan na ba ang kabanata ng Shake, Rattle & Roll? Nagpahinga pala ang Okay Ka Fairy Ko sa taong ito? Pinasok na rin ni Pacman ang pelikula. Walang pinag-iba ang tema ng mga lahok ng 2009 sa nakalipas na mga taon. Drama. Komedya. Katatakutan. Pantasya. Pinoy Superhero. Labstori.

Sa taong ito, mamimili kang muli:

1. Mano Po 6: My Mother's Love
2. Wapakman
3. Nobody, Nobody But Juan
4. I Love You Goodbye
5. Ang Darling Kong Aswang
6. Shake, Rattle & Roll XI
7. Ang Panday

Ano ang usapin: ang bebenta? O ang pinakamahusay na pelikula?

Eskapismo, pansamantalang pagtakas sa katotohanang buhay. Sa halagang P150.00 hanggang P170.00, lulubusin mo ang isa't kalahati hanggang dalawang oras na panonood. Hangga't kaya ng bulsa, susubuking mapanood ang isa hanggang sa apat na pelikula. Sa tumbasang ito, maari na siyang gawing regalo sa Pasko! Kakagatin pa rin ng mga bata ang damubs ng mga kuwento ng Pinoy superhero. Kikilalanin ang festival winners. Magkakaisyu. Lalaganap sa talk shows. Bentang benta sa mainstream. Hanggang sa nakulong na naman ang mga manonood sa bitag na ito -- mga isyung pawang paghahanda pala sa susunod na timpalak. Early bird press releases, kumakawala sa unang bahagi pa lamang ng taon. Ibang klase.

Ipinababatid sa atin na ito'y nakagawian na. Pinaniniwalang, ito'y bahagi na. Ito'y tatanggapin at patuloy pa ring panonoorin. Isasabay sa adbokasiyang, "No to Piracy. Ibandila ang pelikulang Pilipino!"

Paskong Burgis. Paskong Pop.

SILIPIN:
Pag/tulog
Eskapismo't Pagpapanggap
Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko
Ikalawang Tagpo: Sa May-bahay, Ang Aming Bati!

Friday, December 18, 2009

Paskong Burgis. Paskong Pop.

Ikalawang Tagpo: Sa May-bahay, Ang Aming Bati!

Maliban na lang kung malayo sa piling ang tatay, nanay o iba pang kaanak, tipikal sa pamilyang Pinoy ang senaryong ito -- ang magkaroon ng ganang ihimpil ang Belen, maglagay ng christmas lights sa bintana o magdikit ng gintong banderitas na may nakaimprentang "Merry Christmas and a Happy New Year!" Iba-iba na rin ang disenyo't kulay ng christmas tree, sabay sa pitik ng kamay, kulay ng buhok at pilikmata ni Lady Gaga. Mamimili rin ng pamasko ang magkakapatid. Pagkakasyahin ang hindi naman talaga sumasapat. Pipiliting ipaloob sa isang DV sando bag ang halagang isa hanggang tatlong daang piso. Pares-pares na 'yun. Tapat na.

Kahit alam ni Nanay na sagad na sa buto ang pera pagsalubong sa Bagong Taon, gagawan ng paraan upang makapamili ng Noche Buena. Maraming regalo at ieextend pa hanggang Medya Noche. Ibang usapin pa ang ipauuwi sa mga bisitang nakikain sa bahay. Masaya. Umaapaw. Piging.

Mabili na naman ang mga liyanera para sa ube at leche flan. Mabenta rin ang kwadradong baking pan para sa mango float, maja blanca, fruita de leche, biko at iba. Kasabay nito ang tipikal at inaasahan nang pagtaas ng presyo ng gatas, itlog, malagkit at iba pang rekado't sangkap. Pati bilao, tataas din ng dos. Mababalita na naman sa TV Patrol at 24 Oras ang talamak na hoarding. Aasahan din ang mga promo material ng mga pangunahing bilihin -- yung tipong for every 2 bottles of 1.5 Coke ay may isang kumikinang na baso, maari ka pang pumili ng kulay. O kaya naman, apat na itlog, sa'yo na ang dalawa. Bili ka ng alkohol, may libreng bulak at cotton buds.

Reregaluhan ang malalapit na kaibigan, katrabaho, kapit-bahay, pamangkin, inaanak, pati na ang mga batang nagpapanggap na inaanak. Magpapabili na si Nanay ng gift wrapper na nakalatag sa bangketa at folding bed. Halagang limampiso, ayos na! Sa yugtong ito rin, magsusulputan ang napakaraming relasyon at kaugnayan sa buhay -- pamangkin sa pinsan, inaanak sa kasal, sa bukong-buko, sa talampakan, sa tuhod, sa pige, at sa iba pang sulok ng katawan. Isang umaga ay hihingi rin siyempre pa ang estudyanteng anak ng pera -- magsisimula ang bargain sa halagang P75.00 hanggang 150.00, depende sa katangian ng pamilya. Ang halagang ito ipauubaya para sa kris kringel, monito-monita o exchange gift nila ilang araw bago ang aktwal na Araw ng Pasko. Ito rin ang hudyat ng kanilang Christmas break. Christmas break, stop baon policy. Hindi pa pala nagtatapos doon, sapagkat hihingi rin pala si Junior ng pera para sa Package A na pinili ni Ma'am para sa food package nila sa Christmas party sa ika-19 ng Disyembre -- bukas na pala 'yun, kaya christmas rush. Salu-salo. Busugan. Butasan ng bulsa.


SILIPIN:
Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko
Christmas Tree: Status Symbol?

Thursday, December 17, 2009

Si Bok at ang Kuwento

*A feature story?

-----------------------------------

Tatlong taon na tayo.
Parang kailan lang 'no?

Naalala ko pa nung nagpapakiramdaman pa lang tayo dati sa bus papuntang Ilocos. May kanya-kanyang grupo pa tayo 'nun pero di rin nagtagal, nagkapalagayan na rin ng loob, nagtatawanan at nakilala ang bawat isa.

Masaya tayo nun. Naalala ko pa rin yung pagdideal or no deal natin sa antique shops dun at ang pagnganga kong mag-isa sa picture habang pinagtatawanan niyo ako. Masyadong madaming alaala. Napakasarap balikan. Buti na lang pala't taga-Mindoro ako, kundi hindi sana Mangyan ang pangalan natin. Mangyan -- ang sarap sa tenga.

Natatandaan mo pa mga group lunch date natin sa Popeye's? Madami tayo nun e, halos tatlong tables ang nasasakop natin. Sana di na lang nawala ang Popeye's, buo pa rin sana tayo ngayon. Sana may siyam na tao pa rin akong nakakasabay kumain. Sana.

Kaibigan ko yung siyam na tao na yun e. Naging kapatid ko na rin nung akala kong wala na kong mga kapatid, di kasi nila ko iniwan e. Kaya lang di talaga maiiwasan, nagkahiwa-hiwalay din kami. Sana pala di nalang ako nagpahula kung ano ang ibig sabihin ng FOURTHGAP na di nagtagal at naging FOURTHGAMP. Nakakalungkot kasing isipin na parang hanggang acronym na lang ang pagkakaibigan na yun. Sana hindi. Miss na miss ko na yung dating tayo e. Yung uso pa yung d*tan ko. Yung may puntong probinsyano pa ko. Yung favorite ko pang magshort kasi wala naman akong matinong pantalon noon. Yung nag-Mr. Freshie pa ko. (Kailangan talagang ipasok to? Hehe.) Yung lahat nung first year pa tayo. Yung kung paano tayo nag-aaway at nagbabati (to reconcile). Yung dati. Yung ako at kayo. Yung tayo. Miss ko na yun. Miss ko na kayo.

Alam kong kahit may mga bago na tayong kaibigan. mananatili pa ring buo ang FOURTHGAMP. (NAMAN. Yun o!) Mananatiling buo pa rin ang FOURTHGAMP sa puso niyo. Kahit may mga bagong pinagkakaabalahan na tayo, darating pa rin ang panahong magkikita at maririnig kong muli ang tawagan natin. Hanggang sa muli nating pagkikita... salamat at maligayang kaarawan. Salamat sa lahat!

Buti na lang nakilala ko kayo at tinanggap niyo ang nagpakilalang ako -- yung bata, pilyo, makulit at mayabang na si Janno. Takot na takot ako dati e kasi baka mahirapan akong magkaroon ng kaibigan. Buti na lang naging kaibigan ko kayo. Salamat! Di ko talaga balak na pahabain tong text na ito kaya lang di ko mapigilan (Oo nga e, akalain mong ang buong entry na ito ay galing sa text.) Sayang kasi yung pagkakataon, yun nga lang, nakisabay din yung pagpatak ng luha ko. Iyakin pala talaga ko. Di ko na iisa-isahin pa ang mga pinagsamahan natin. Mula sa'yo Bok (present!), sa'yo Senia, sa'yo Bugan, sa'yo Nobya ko, sa'yo Shaynie, sa'yo Cheezy ko, sa'yo Ki-te, sa'yo Bespren kong Prinsesa ng Brunei at sa'yo Cedie. Mahal ko kayong lahat. Sobrang miss na kayo ni Bok, Nano, No, Gibbs, Nobyo, Cheddy at ng Janno niyo. Salamat sa lahat.

-- mula sa text ni BOK
2009/08/27; 12:53:36 AM


Sunday, December 13, 2009

Paskong Burgis. Paskong Pop.

Unang Tagpo: Disyembre, Hudyat ng Pasko

Sana hindi maling sabihing ginawa lang ang Pasko ng mga greeting card company. Sana rin mali kung sasabihing ang Paskong Pinoy ay isang tiyak na panahon kung saan kikita na naman ang mga retailer ng christmas lights, christmas balls, magarbong parol at iba pang dekorasyong pupuno sa christmas tree. Isa pa, mabenta rin ang bagay na mabilis na pumalit sa mga liham -- ang text. Paskong burgis.

Pasko -- isang araw kung saan magbubunyi muli ang mga cellphone company para ikansela ang mga promotion nila. Siyempre, pagkakataon nila para muling saksihan ang maaksayang paggamit ng regular load ng mga cellphone user. Paniniwalain na naman ang mga konsyumer na makanismo ito upang maiwasan ang text traffic -- tipong dapat ipagpasalamat ang panandaliang pagkansela ng mga unlimited call and text promotion. Terible.

Mahigpit ang kompetisyon ng itim at puti, 'sing higpit ng network war ng Dos at Siyete. Christmas season, aabangan muli ang pagsasahimpapawid ng kani-kaniyang station IDs. Makikita ulit ang mga artisita na kunyaring dadalo ng simbang gabi. O kaya naman, teen at drama star na nag-aayos ng parol, nakikiluto ng putobumbong at bibingka, kasali sa grupo ng paslit na nangangaroling. Kasama ang mga tema, at adorno ng bagong komposisyon. Kani-kaniyang pasiklaban at kompetisyon sa samabahayang kahihinga lang sa unos at delubyo ng kalikasan. Sa totoong buhay, ginagawa naman kaya ng mga artistang ito ang ipinakikita nila sa paggiling ng kamera? Kahit ikaw, masasagot mo ito. Maging ang seryosong grupo ng news and current affairs, kasali na rin sa piging na ito. Sabay bibirada ang tagline nila. Emotion economy. False hopes -- na sa gitna ng krisis, may dahilan pa rin para ngumiti, magsaya at magtatatalon sa tuwa.